Part 52

10.8K 338 8
                                        

MAGHAPON na distracted si Alaina habang nasa restaurant siya. Naiisip kasi niya si Randall at ang mama nito. Maging ang mga sinabi ng may-edad na babae kanina sa hotel. Tungkol sa muntik na mamatay si Randall dahil sa kaniya. At ang sagot ng binata na siya ang muntik na mamatay dahil dito. Pagkatapos ay may nabuong hula sa isip niya; Posible kaya na magkasama sila ni Randall sa aksidente na nagpawala sa mga alaala niya?

Hanggang magsara sila at bumiyahe na pauwi si Alaina ay distracted pa rin siya. Kaya nang makita niyang maliwanag sa loob ng bahay nila ay pakiramdam niya namamalikmata lang siya. Kasunod niyon ay kinabahan siya dahil baka may nakapasok na kung sino sa bahay nila habang walang tao. Tarantang kinuha ni Alaina ang cellphone niya at tatawagan pa lang sana si Randall nang biglang bumukas ang front door ng bahay.

"Alaina, I'm home!" masayang bulalas ng papa niya na nakangising lumabas ng bahay.

Umawang ang mga labi niya at napabuga ng hangin. "Papa?!" Mabilis na lumapit siya sa ama at ang pagkabigla ay napalitan ng tuwa nang ilahad nito ang mga braso para sa kaniya. Natatawang yumakap siya rito. "Nandito ka na! Bakit hindi mo man lang ako tinawagan para nasundo kita?"

Tumawa ang papa niya at gumanti ng mahigpit na yakap bago siya pabuhat na ipinasok sa loob ng bahay dahilan kaya napatili si Alaina. "Surprise. Namiss ko ang unica hija ko," bulalas ng papa niya. Pagkatapos ay ikinulong nito ang mukha niya sa malalaki nitong mga kamay at ngumiti. "Tingnan ko nga ang mukha ng anak ko. Inalagaan ka bang mabuti ni Lucas habang wala ako?" tudyo nito.

Nawala ang ngiti ni Alaina at biglang bumalik sa isip niya ang mga nangyari sa nakaraang mga linggo. At si Randall. Sumikdo ang puso niya at napahinga ng malalim dahil alam niyang kailangan niyang kausapin ang papa niya sa gabing iyon din. Dahil kapag tumagal pa na wala siyang kaalam-alam sa mga nangyari noon ay hindi na talaga niya kakayanin. "Papa, puwede ba tayong mag-usap?" seryosong tanong niya.

Umangat ang mga kilay ni Chef Argel sa pagtataka pero tumango naman. "May problema ba habang wala ako?"

Huminga ng malalim si Alaina at umupo sa sofa. Pumuwesto ang papa niya sa katapat niyang couch. Iniisip niya kung saan magsisimula at wala sa loob na napahawak sa ibabaw ng dibdib niya. Natigilan siya at napagtanto kung paano siya magsisimula. "Papa, alam mo ba kung mayroon akong kuwintas na suot bago ako maaksidente?" Natensiyon ang papa niya at namutla. Sapat na sagot na iyon sa tanong niya. "Naiwala ko ba o posible bang... nakatago sa mga gamit ko noon?"

Mahabang katahimikan ang lumipas bago nagsalita ang papa niya. "N-nakakaalala ka na?"

Napakurap si Alaina at marahang umiling. Pagkatapos ay sinalubong niya ng tingin ang mga mata ng papa niya. "Nasa Pilipinas si Randall, papa. Nagpunta siya sa restaurant at sinabi niya sa akin na hinahanap niya ako sa nakaraang walong taon."

Bumakas ang pagkagulat sa mukha ng kaniyang ama. Na agad napalitan ng galit at kumuyom ang mga kamao. "That son of a –"

"Papa. Bakit hindi mo sinabi sa akin ang tungkol sa kaniya? Iyong sinabi mo na naaksidente ako sa pilipinas, hindi iyon totoo ano? Ano ba talaga ang nangyari bago nawala ang mga alaala ko? Please papa, sabihin mo sa akin," pakiusap niya.

"Hindi ba niya sinabi sa iyo ang lahat?" manghang bulalas nito.

Umiling si Alaina. "Ang sabi niya gusto ka raw muna niya makausap."

Tumiim ang mga bagang ng kaniyang ama at marahas na tumayo. "Duwag lang siya kaya hindi niya masabi sa iyo ang tunay na nangyari! Ipinangako niya sa akin na hindi ka masasaktan at poprotektahan ka niya pero hindi niya nagawa. You were kidnapped on the day of your birthday dahil kasama mo siya ng araw na iyon. Alam mo ba kung ano ang pakiramdam na umuwi ako, may bitbit na birthday cake at regalo para sa nag-iisa kong anak para lang makita na wala ka sa apartment natin? Alam mo ba na pakiramdam ko para akong aatakehin sa puso nang malaman ko na nadamay ka sa kidnapping na wala ka naman dapat kinalaman? At nang makita kita sa ospital na halos nangangasul sa mga pasa at sa pagkalunod, habang may kung anu-anong aparato ang nakatusok sa katawan mo, nahiling ko na sana ako na lang ang nasa posisyon mo dahil para na rin akong mamamatay habang nakikita kitang ganoon," garalgal na litanya ng kaniyang ama.

REMEMBER YESTERDAYWhere stories live. Discover now