Part 26

9.9K 260 11
                                        

MATAGAL na nakatira sina Alaina sa Dubai pero sa totoo lang ay hindi pa niya naiikot ang magagandang lugar doon. Bihira kasi mag day off ang papa niya kaya hindi naman sila nakakapasyal. Habang bumibiyahe tuloy sila nina Randall pakiramdam niya iyon ang unang beses na nakikita niya ang mga nadadaanan ng sasakyan nila. O marahil may ibang ganda lang talaga ang paligid dahil kasama niya ang lalaking mahal niya. Sumulyap siya kay Randall at ngumiti nang makitang nakangiti ito habang nakatingin sa kaniya. Magkatabi sila sa likod ng sasakyan at kanina pa magkahawak ang mga kamay nila. Na para bang natatakot si Randall na bitawan ang kamay niya. Naiintindihan niya iyon dahil kahit siya ayaw bumitaw. Hindi matapos niyang malaman ang effort na ginawa nito sa loob ng dalawang buwan.

Kanina, pagkasakay nila roon ay ipinaliwanag nito sa kaniya ang dahilan kung bakit hindi siya nito tinawagan sa loob ng dalawang buwan. Kahit pa nanalo ang lalaki sa pustahan nito at ni Abel Qasim ay alam nilang pareho na hindi pa sila maaaring makampante. Lalo na at mukhang hindi nagpaalam si Randall na pupuntahan siya sa araw na iyon. Pakiramdam tuloy ni Alaina, hiram na sandali na naman ang mayroon lang sila kaya gusto niyang lubusin.

"Saan tayo pupunta?" tanong niya.

"Salem will take us there. Sa totoo lang, hindi pa ako nagkakaroon ng pagkakataong mag-ikot sa Dubai. In fact, sa dami ng mga bansang napupuntahan ko, pamamasyal ang huling agenda ko kaya hindi ko rin nagagawa," paliwanag ni Randall.

Pinisil ni Alaina ang kamay nito dahil tulad ng dati, napagtanto na naman niya kung gaano hindi naranasan ni Randall ang normal na buhay ng mga ka-edad nito. Bata pa lang kasi ang lalaki puro responsibilidad na kaagad ang ibinigay rito ng mga magulang. Kaya nangako siya sa sarili niya na kapag siya ang kasama ni Randall ay ma-re-relax at sasaya ito.

Makalipas ang wala pang isang oras ay inihimpil ni Salem ang sasakyan. Sabay na napasilip sa labas ng bintana sina Alaina at Randall. Umawang ang mga labi niya nang makita ang magandang entrada ng Dubai Miracle Garden, ang pinakamalaki at nag-iisang flower garden na puno ng mga naggagandahang bulaklak sa kabila ng mainit na klima sa bansang iyon. "Wow! Matagal ko na gusto magpunta diyan! Palagi lang sinasabi ng mga kaklase ko ang tungkol sa Miracle Garden pero hindi pa ako nakakapunta," sabik na bulalas ni Alaina.

"I've read about this place," sabi naman ni Randall. Pagkatapos ay bumaling ito kay Salem at may sinabi sa bodyguard gamit ang lengguwahe nitong Arabic. Napangiti siya kahit hindi naiintindihan ang pinag-uusapan ng mga ito. Kasi ibig sabihin lang niyon pinagkakatiwalaan din ni Randall si Salem at sa tingin ni Alaina kailangan ng binata ng mas maraming tao na mapagkakatiwalaan.

"Okay, let's go," sabi ni Randall. Tumango si Salem at muling pinaandar ang sasakyan papasok sa Miracle Garden. Hindi na nagtaka si Alaina nang dumeretso sila sa VIP Parking. Si Salem ang unang bumaba sa sasakyan at sandaling iginala ang tingin sa paligid bago sila pinagbuskan ni Randall.

Sabik na iginala ni Alaina ang tingin sa paligid nang makababa sila ng kotse. Hindi pa man sila nakakapasok ng tuluyan sa main attractions ng Miracle Garden pero nakikita na niya ang magaganda at iba't ibang kulay ng mga bulaklak kahit saan siya tumingin. Sa isang panig ay ang napakahabang pader na dinesenyuhan ng maberdeng halaman at iba't ibang kulay na bulaklak. Naramdaman niya ang pagpisil ni Randall sa kamay niya kaya bumalik sa binata ang atensiyon niya. Nakangiti ito habang nakatingin sa kaniya. "Shall we go?"

Matamis siyang ngumiti at tumango. Pagkatapos ay sumulyap siya kay Salem. "Let's go, Salem."

Bahagyang umangat ang gilid ng mga labi ni Salem at tumango. Sandali pa ay magkahawak kamay na silang naglalakad ni Randall sa maluwag na pathway habang nakasunod ilang metro ang layo sa kanila ang bodyguard nito. Alam niya na kailangan ni Randall ang presensiya ni Salem dahil maraming tao sa loob ng Miracle Garden. Marahil dahil weekend. Medyo nag-alangan tuloy siya at sumulyap sa binata.

REMEMBER YESTERDAYWhere stories live. Discover now