Chapter 1

211 40 94
                                    

Chapter 1
_________

"Azaleah, anak! Halika, tulungan mo akong magbuhat nitong mga isasampay ko," tawag ni Mama sa akin. Itinigil ko muna ang pagbabasa ng libro at agad siyang tinulungan sa labas.

"Ano bang ginagawa mo sa loob ng kwarto mo, 'nak? Dito ka na lang muna sa labas, para naman makalanghap-langhap ka rin ng sariwang hangin," sermon niya sa'kin habang nagsasampay.

"Nagre-review lang po 'ko para sa quiz namin bukas," tipid kong tugon. Sumulyap ako sa kaniya at napansing pagod na siya, kung kaya't mabilis ko siyang nilapitan at kinuha mula sa kaniya ang iba pang sinampay.

"Magpahinga na po muna kayo, Ma. Ako na po ang bahala," usal ko habang kinukuha ang mga damit. "Salamat, 'nak. Isampay mo 'yan sa may init, ah?" huling paalala nito at mabilis na pumasok sa loob.

Makalipas ang ilang minuto, sa wakas ay natapos ko na ang ginagawa ko. Pumasok na 'ko sa loob upang usisain si Mama.

Kumunot ang noo ko nang hindi ko siya nakita sa salas. Wala rin siya kanina sa balkonahe. "Mama?" tawag ko. Pumasok na ako sa aking kwarto at nagulat nang may makita akong bulaklak na nakapatong sa isang malaking kahon. "Hmm? Wala pa 'to kanina, ah?" wika ko sa sarili at nilapitan ang kahon.

Napansin ko na may nakakabit palang sulat sa tabi nito. Agad ko itong kinuha upang basahin.

'Sana ay magustuhan mo ang regalo ko, anak. Mahal ka ni Mama!'

Mabilis akong napangiti, at maingat na binuksan ang kahon. Tumambad sa akin ang isang cocktail dress na kulay dilaw. Sa tabi nito at may mas maliit na kahon. Binuksan ko rin ito at nakitang may isang pares ng itim na heels. Mayroon ding mga purselas na nakaplastik sa loob nito.

Para bang kuminang ang mga mata ko dahil sa natanggap, pero agad ding nag-alala. "Mama!" tawag ko sa kaniya.

Nagulat ako nang pumasok siya sa loob ng kwarto at hinalikan ako sa noo. "Nagustuhan mo ba ang regalo ko?" nakangiti niyang tanong. Mabilis akong tumango at mahigpit siyang niyakap. "Thank you, Ma!" Natawa siya sa inasta ko at marahang tinapik ang aking balikat.

"Pero, Ma.. Parang ang mahal naman yata nito? Baka gumastos kayo ng malaki para lang dito. Sayang naman 'yung pera, pwede na 'yung panggastos sa bahay," nanghihinayang kong wika at napakamot sa batok. Mas lumawak ang ngiti ni Mama at pinisil ang pisngi ko. "Mas mahalagang may maisuot ka sa masquerade ball ninyo. Isa pa, matagal ko na 'yang inipon. Huwag ka nang mag-alala."

Napangiti ako at muli siyang niyakap. "Salamat, Ma," wika ko. "Halika, dali! Isukat na natin 'yang gown mo. Kailan nga ulit 'yang event na 'yan?" tanong niya sa akin. "Sa susunod pa naman pong buwan," paliwanag ko habang natatawa ng bahagya. "Ha? Akala ko ay ngayong buwan na. Nako, huwag kang magkakain ng sobrang dami at baka hindi na 'yan kumasya sa'yo sa susunod na buwan," tumatawa niyang saad.

Tinulungan niya 'kong isuot ang gown at ang sapatos. Isinuot ko rin ang kwintas at hikaw ko. Napangiti ako ng malawak nang makita ang sarili sa salamin, gayundin ang reaksiyon ni Nanay.

"Mukha kang dyosa, anak. Manang-mana sa 'kin!" loko niya sa akin at pabiro akong siniko sa tagiliran. Napailing na lang ako at muling pinasadahan ng tingin ang sarili.

Napatitig ako sa repleksiyon at agad napangiti.

---

Dumaan na ang isang araw at ngayon na ang quiz namin. Seryoso akong nagsasagot habang panay naman ang usap ng mga katabi ko. Napapailing na lang ako dahil masyado silang halata sa kopyahan. Kahit gusto ko ring makiusyoso, hindi pwede. Dapat ay sikapin kong magsagot ng bumabase lang sa sarili kong natatandaan. Sayang lang ang scholarship ko kung hindi ko pagsisikapan sa sarili kong pawis ang pagiging honor.

Habang nagq-quiz kami, bigla na lang may kakaiba akong naramdaman. Hindi ko alam kung ano iyon kaya hindi ko pinansin. Siguro ay bigla lang akong nadala ng emosyon ko dahil sa mga naiisip, o kaya ay gutom lang ako. Nakakaubos kasi ng braincells 'tong quiz na 'to. Akala ko pa naman ay mas madali na ngayon.

Maya-maya pa ay mayroong marahas na kumatok sa pintuan ng classroom namin, dahilan upang magsihintuan ang lahat sa pagsasagot at mapalingon doon. Nahugot ko ang hininga nang malamang si Aling Corazon pala iyon, ang kapitbahay namin. Halata na ang pagod nito dahil pawis na pawis siya.

Walang habas nitong sinambit ang pangalan ko habang unti-unting tumutulo ang mga luha niya. "Azaleah, ang nanay mo.." umiiyak na saad nito. Tila huminto ang mundo dahil sa narinig ko. Gulat na lumingon sa akin ang mga kaklase ko, gayundin ang adviser namin.

Tumingin muna ako kay Ma'am Jess bilang paalam. Nag-aalala itong tumango sa akin, at mabilis kong nilikom ang mga gamit ko bago lumabas sa classroom.

"Ano pong nangyari?" kabado kong tanong sa kaniya. Pilit kong pinapakalma ang sarili dahil anumang oras ay bibigay na rin ako. "S-sa ospital tayo," tugon niya at nagmamadaling lumabas.

Please, sana naman ay ligtas si Mama.

---

Hindi naglaon ay nakarating na kami sa ospital kung saan naroroon si Mama. Matapos ay dumiretso agad kami sa kwarto niya. Napasapo ako ng noo nang makita kong labis siyang nanghihina.

"Ano pong nangyari sa kaniya?" mahinang tanong ko sa doktor na katabi nito. Ramdam ko ang panginginig ng buong katawan ko, anumang oras ay bubuhos ang luha ko na siyang kanina ko pang pinipigil.

"Your mother had a heart attack. Her hea⏤" Pinahinto ko ang pagsasalita ng doktor nang mapansing bahagyang nanginginig si Nanay. Ang paghinga rin nito ay hindi na normal, at mabilis itong namumutla. "Mama! Doc, si Mama po," natataranta kong usal at mabilis na lumapit sa kaniya. "Call the nurses."

Nagulat ako nang hawakan ni Nanay ang braso ko at pinalapit ako sa kaniya. Lumuhod ako sa tabi nito habang hinihintay siyang magsalita. "Anak.. alam ko nang mangyayari ito," panimula niya. Agad tumulo ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan habang pinapakinggan siya.

"Hayaan mo na 'kong mamahinga, anak.." dagdag niya. Hinigpitan ko ang hawak sa kaniya dahil sa labis na sakit. Para bang pinipiga ang puso ko dahil sa nangyayari. "H-huwag muna, Ma. Please, huwag muna," pumiyok na pakiusap ko. Marahan siyang umiling at hinalikan ang likod ng palad ko. "Mama, h-huwag ninyo 'kong iwan," umiiyak kong dagdag.

"Makakasagabal lang ako, anak. Alam kong kaya mo na ang sarili mo.." huminga ito ng malalim, pilit iniinda ang sakit. "Matapang kang tao, anak. Tandaan mo 'yan. Mahal kita," dagdag pa niya. "M-mahal din kita, Mama.."

Pilit kaming pinalabas sa kwarto ng mga nurses at ng doktor. Ang ngiti ni Nanay ay ang siyang huli kong nakita bago lumabas ng kwarto.

-------
heartalicien

Ephemeral|✓Where stories live. Discover now