Mistake 1

764K 12.8K 3.1K
                                    

[Kabanata 1]

Halos dalawa ang patay matapos ang nangyaring pamamaril ng dalawang armadong lalaki sakay ng isang motorsiklo kaninang pasado alas-sais ng umaga. Ayon sa mga nakasaksi, ang biktima ay pauwi pa lamang ng bahay na kinilala bilang si Kapitan Anton Cruz ng Barangay tres. Hinala ng pulisya ay politika ang motibo ng krimen dahil sa nalalapit na eleksyon. Audrey Medina, CMZ News.

"Cut!... Audrey! Ano naman 'yan?"

"Wait, Sir Migs, kailangan ko lang malapitan 'to, para kasing may mali" paliwanag ni Audrey sabay lusot sa yellow police line na nakapalibot sa gilid ng kalsada ng Barangay Tres kung saan nangyari ang pamamaril.

May bakas pa ng natuyong dugo sa sidewalk ng kalsada at ang apat na basyo ng bala ay nakakalat din sa sahig na nakabilog na gamit ang puting chalk. Dumating na rin ang SOCO Team na siyang nangongolekta ng ebidensiya at kumukuha ng larawan sa nangyaring krimen.

"Audrey, kailangan na natin bumalik sa office, may icocover pa tayong balita bukas ng umaga" reklamo ni Sir Migs na siyang cameraman at partner ni Audrey. Nasa edad apatnapu na si Miguel na mas kilala bilang Sir Migs at palagi itong nagmamadali umuwi upang makasabay sa hapunan ang sariling pamilya na kanila nang nakasanayan. Kalbo na ito, matangkad at payat ang pangangatawan.

"Huwag ka nang makialam 'dyan, mapapagalitan tayo" hirit pa ni Sir Migs sabay hila sa braso ni Audrey na ngayon ay kinikilatis ng mabuti ang mga naiwang basyo ng bala at ang eksaktong pwesto ng pagbagsak ng katawan ng biktima na ngayon ay nakaguhit na lang din gamit ang white chalk.

"Sandali lang 'to, Sir Migs" kontra pa ni Audrey habang kinikilatis ng mabuti ang buong senaryo. Magsasalita pa sana si Sir Migs ngunit biglang may pulis na tumapik sa balikat nila ni Audrey. "Kayong mga taga-media ang kukulit niyo talaga, labas na 'dyan" suway ng matabang police kay Audrey, napatigil naman ang dalaga sa kaniyang ginagawa at lumabas na sa police line.

"Excuse me Sir, pero kasi para pong may mali dito" wika ni Audrey na ikinagulat ni Sir Migs at ng matabang police officer na sumita sa kanila. "Audrey, umayos ka nga, malalagot tayo nito e" bulong ni Sir Migs sabay sagi sa braso ni Audrey na alam niyang hindi basta-bastang babae dahil palaban ito.

"Anong mali?" nagtatakang tanong ng matabang police officer sabay ayos ng sumbrero niya na katerno ng kaniyang uniporme. "Nalaman ko po kasi kanina na may dala rin palang baril si Kapitan Anton, napaisip lang po ako kung bakit parang alam niya ang mangyayari at nagulat din ako na tugma pala ang basyo ng bala na naiwan dito sa baril na dala niya" saad ni Audrey habang pinapaikot-ikot sa kaniyang kamay ang ballpen na hawak niya.

"Baka naman nakipag-barilan siya sa mga suspek kanina kaya nandiyan din ang basyo ng bala na naiwan" wika ng police officer, napahinga naman ng malalim si Audrey at ibinulsa na niya ang ballpen na hawak niya. Hinawi ng marahan na hangin ang mahaba niyang buhok na hanggang balakang at hindi na niya ito sinusuklay sa lambot.

"Iyon nga ang ipinagtataka ko Chief, ayon sa mga nakasaksi hindi naman daw nakipag-barilan si Kapitan Anton. Kaya lang walang masyadong nakakita ng buong pangyayari dahil masyado pang maaga kanina at hindi naman matao sa lugar na 'to" paliwanag pa ni Audrey, mukhang nasusubukan naman ang talino at kakayahan ng police officer kung kaya't medyo pinagpapawisan na ito.

"Kung sana lang may CCTV dito kaso mukhang wala" patuloy pa ni Audrey, kanina niya pa inusisa ang bawat poste na malapit sa pinangyarihan ng krimen para tingnan kung may CCTV doon ngunit kahit isa ay wala siyang nasumpungan.

"Ano bang gusto mong sabihin? Hija" wika ng police officer at napahalukipkip pa ito. Inayos naman ni Audrey ang suot niyang simpleng denim jacket sabay tingin ng diretso kausap niyang pulis. "Malakas po ang kutob ko na binaril mismo ng biktima ang sarili niya" saad ni Audrey na ikinakunot ng noo ng pulis at ni Sir Migs.

A Kidnapper's Mistake (Watty's 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon