Mistake 16

95.1K 4.1K 686
                                    

[Kabanata 16]

"Magandang Tanghali mga kababayan!" magiliw na bati ng nangungunang kandidato sa pagka-presidente, ang kasalukuyang Senate President na si General Feliciano Medina. Bagama't matanda na ito kitang-kita pa rin ang kalakasan ng pangangatawan nito dahil sa regular na pag-eehersisyo at pagkain ng masusustansiyang pagkain.

Nakasuot ng puting barong si Feliciano habang nakatayo sa gitna ng entablado at kinakawayan ang mga tao. Ang ibang mga tauhan niya ay naghahagis ng mga tshirt, pamaypay, cap at mga face towel na may tatak ng pangalan niya.

Tuwang-tuwa ang mga tao habang nakikipag-agawan sa mga libreng tshirt at iba pang mga merchandise. Hindi makakaila na napakabango nga ng pangalan ni Feliciano sa madla. "Maligayang Pista sa inyong lahat at maraming salamat dahil naimbitahan niyo ako... Kami kasama ang aking mga kapartido para makiisa sa pagdiriwang ng inyong taunang pista" ngiti ni Feliciano, halos dumagundong ang buong plaza sa lakas ng speakers. Idagdag pa ang hiyawan ng mga tao habang sinsigaw ang pangalan ni Feliciano.

Napaatras si Audrey nang biglang dumami ang mga tao, nagsitakbuhan ang iba papunta sa harapan para makakuha ng mga libreng tshirt. Nagulat siya nang biglang may humawak sa magkabilang balikat niya mula sa likuran, nang lumingon siya sa likod, nakita niya si Nightmare. Inalalayan nito ang likuran niya at nang magtama ang kanilang mga mata, hindi niya maipaliwanag ngunit parang nangungusap ang tingin ni Nightmare. Parang humihingi ito ng paumanhin sa kung anuman ang maaaring mangyari.

"Nightmare, halika na!" wika ni Uno sabay hawak sa balikat ni Nightmare. Napatingin din ito kay Audrey, "Bakit kasi sinama mo pa si Audrey dito?" patuloy pa niya na parang hindi na mapakali dahil sa paulit-ulit na pagtawag ni Ka Ferding.

Ilang sandali pa biglang naputol ang tawag, napamura na lang sa inis si Uno "P*nyeta! Tinanggalan na ng signal dito" saad nito sabay kuha ng isang maliit na radyo ngunit ayaw na rin nito gumana. "Kailangan na natin umalis dito" nagmamadaling wika ni Uno, hinila na niya si Nightmare.

Nagulat si Audrey dahil hinawakan ni Nightmare ang kamay niya at hinila rin siya nito paalis sa gitna ng maraming tao na naroroon. Hindi malaman ni Audrey ang gagawin, tila namamanhid ang buong katawan niya at hindi rin maawat sa pagkabog ng malakas ang puso niya dahil sa kaba, takot at pag-aalala. Nangangamba na baka ito na ang huling araw na makita niyang buhay ang lolo niya.

Hindi niya rin mapigilan ang sarili na huwag mag-alala para sa nag-iisang taong kadugo niya at kahit papaano ay pinahalagahan niya rin. Ngunit wala siyang lakas ng loob para pigilan ang plano ng grupo nila Commander Dado. Hindi niya alam kung saan tatayo at kung saan tutungo, sino ba ang dapat protektahan? At kung tama ba na hayaan na lang ang kapalaran.

Ilang sandali pa ay narating na nila ang dulo, mabilis na kumilos si Uno at Nightmare papasok sa masisikip na eskinita papunta sa katapat na building kung saan naghihintay sila Ka Ferding. "Hindi natin siya pwedeng isama" saad ni Uno bago sila umakyat sa building. Napalingon naman si Nightmare kay Audrey at sa kamay nilang magkahawak. Nararamdaman niya ang panlalamig at panginginig ng kamay ng dalaga at ang pamumutla ng mukha nito.

Ang lolo nito ang papatayin ng grupo nila, alam niyang naguguluhan at natatakot na si Audrey sa posibleng mangyari. Maging siya ay hindi niya rin alam ang gagawin lalo na't siya pa ang naatasan na bumaril kay Feliciano mismo. Siguradong kamumuhian na siya ni Audrey at kahit hindi nito sabihin, siguradong iiwasan siya nito habang dala-dala sa sarili ang lihim ng kaniyang pagkatao na akala niya ay hindi nalalaman ni Nightmare.

Magsasalita na sana si Nightmare habang nakatingin kay Audrey pero agad pumagitna sa kanila si Uno, "Ako na ang maghahatid sa kaniya sa kampo, puntahan mo na sila Ka Ferding, siguradong galit na sila ngayon sa tagal natin" inis na wika ni Uno sabay hila kay Audrey. Nabitiwan na nila ang kamay ng isa't-isa.

A Kidnapper's Mistake (Watty's 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon