Mistake 11

140K 5K 1.9K
                                    

[Kabanata 11]

"Tulungan mo ako... Liligawan ko si Audrey" nakangiting wika ni Leon, gulat namang napatingin sa kaniya si Nightmare at hindi nito malaman kung dapat ba siyang ngumiti o hindi.

"Sa tingin mo nga, magugustuhan niya ito?" tanong pa muli ni Leon sabay pakita ng bracelet kay Nightmare. Kahit hindi niya sabihin, maganda ang bagay na iyon at siguradong magugustuhan iyon ni Audrey.

"Hindi matutuwa ang papa at ang lolo mo kapag nalaman nila 'to" sagot ni Nightmare, bigla namang napahinga ng malalim si Leon, ibinulsa na niya ang bracelet. Inakbayan niya ang kaibigan at mabagal silang naglakad-lakad.

"Alam ko... Pero maiintindihan naman nila siguro" saad ni Leon sabay sipa sa maliit na bato na nasa lupa. "Paano mo nasabing maiintindihan nila? Si Audrey ay apo ni Feliciano na kaaway ng lolo mo at ng grupo natin. Sa tingin mo maiintindihan nila kung sakaling maging kayo ni Audrey" wika pa ni Nightmare, sandali namang hindi nakaimik si Leon. Napalingon ito sa salo-salong nagaganap mula sa di-kalayuan.

"Hangga't hindi nila nalalaman ang totoong pagkatao ni Audrey, sa tingin ko walang magiging problema" wika ni Leon, napatigil naman sa paglalakad si Nightmare dahilan para mapalingon ang kaibigan.

"Paano kung malaman nila?" tanong nito na nagpatigil kay Leon. "Paano kung dumating ang araw na mabunyag na ang lahat? Paano mo ililigtas si Audrey?" patuloy pa nito. Bigla namang natawa si Leon at dali-daling umakbay sa kaibigan.

"Ito naman, masyado kang seryoso diyan. Kaya hindi ka nagkaka-love life kasi palaging magkadugtong 'yang kilay mo" pang-asar ni Leon, akmang guguluhin nito ang buhok ni Nightmare ngunit agad itong nakaiwas.

"Pigilan mo ang nararamdaman mo para sa kaniya, walang mabuting maidudulot 'yan. Mapapahamak at masasaktan mo lang siya" wika pa ni Nightmare habang seryosong nakatingin sa kaibigan. Napakibit-balikat na lang si Leon, naiintindihan niyang may punto naman si Nightmare ngunit mas malakas pa rin ang paghanga niya kay Audrey.

***

Halos ilang minuto nang tinititigan ni Audrey sa camera ang group picture nila Commander Dado at ng buong grupo. Naiisip na niya ang lahat ng bagay na isusulat niya patungkol sa mga ito. Na sa kabila ng mga matatapang na hitsura ng mga ito, naroon ang pagiging masiyahin at matatag ng kanilang samahan at pagkakaibigan.

Ilang sandali pa, natauhan si Audrey nang lumabas si Aling Coring sa silid nito bitbit ang isang malaking bayong. "Saan po kayo pupunta?"

Napatigil naman si Aling Coring habang hinahanap ang tsinelas niya sa labas ng pintuan. "Mamamalengke ako" tugon nito, agad namang tumayo si Audrey, ibinalik niya sa bag ang camera at sumunod sa matanda.

"Sasama po ako" habol niya sabay ngiti, "Huwag na, kaya ko naman mamalengke mag-isa" pagsusungit ni Aling Coring. "Naiinip na po kasi ako, hindi rin naman po ako marunong maglaro ng baraha gaya ng ginagawa niyo para di kayo mainip" wika ni Audrey, nagulat siya nang biglang natawa ang matanda.

"Oh siya, sumama ka na, baka pakialaman mo pa ang mga baraha ko" natatawang saad ni Aling Coring, napangiti naman si Audrey sabay kuha ng bayong na hawak ng matanda at kumapit siya sa braso nito.

Pagdating nila sa palengke sa bayan, nakakapit na si Aling Coring sa braso ni Audrey dahil medyo mahina na rin ang katawan nito at mabagal na rin ang paglalakad. Kali-kaliwa ang mga dumadaang tricycle at pedicab sakay ang mga pasahero na namakyaw ng mga bigas, prutas at gulay.

Malinis ang palengke, hiwalay ang wet at dry market. May sariling lugar din ang mga gulay, prutas at iba pang mga produkto. Napapanatili ng buong bayan ang kalinisan at kaayusan sa kanilang lalawigan. Nakapamili na sila ng ilang mga sangkap at rekados, tinuruan din ni Aling Coring si Audrey na kumilatis ng magagandang produkto.

A Kidnapper's Mistake (Watty's 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon