Mistake 10

148K 5.5K 1.3K
                                    

[Kabanata 10]

"Ang yayabang niyo! Mga p*tangina kayo!" sigaw ni Oyong sabay utos sa mga tauhan niya na sabay-sabay sugurin si Nightmare at Leon.

Bago pa makasugod ang kalaban, nagkatinginan si Nightmare at Leon at sabay nilang isinuot ang itim na mask sa kanilang mukha. Magkabilang sipa ang agad sumalubong sa mga kalaban nang sabay na umikot si Nightmare at Leon.

Sunod-sunod na suntok, sipa, tadyak ang pinakawalan nilang dalawa. Walang kahirap-hirap nilang pinag-uuntog, pinagsisipa at pinaghahambalos ang mga kalaban na ngayon ay isa-isang tumitilapon sa kalsada. "P*nyeta! Mga duwag!" sigaw ni Oyong na pinuno nila dahil dali-daling tumakas ang apat niyang mga tauhan at sumakay ng motorsiklo habang hawak-hawak ang kanilang mga balakang.

"Paano ba 'yan? Mukhang ikaw na lang ang natira" saad ni Leon habang sabay silang humahakbang ni Nightmare papalapit kay Oyong. Gulat na napatingin ito sa paligid dahil hindi na makabangon ang anim niya pang mga tauhan na bugbog sarado na.

"T-teka... hindi naman ata patas na dalawa kayong lalaban sa'kin, m-mag-isa na lang ako" nanginginig na wika ni Oyong sabay takbo papunta sa motorsiklo niya, sinubukan niya itong paandarin ngunit ayaw umandar.

"Parang 'di naman din patas na kinalaban niyo kami kanina, sampu kayo, dalawa lang kami" hirit naman ni Nightmare sabay hawak sa panga niya. Mangiyak-ngiyak naman si Oyong at kitang-kita sa katawan niyang buto't balat ang mabilis niyang paghinga dahil sa nerbyos.

"Sandali k-kase!" hirit pa ni Oyong habang pilit na pinapaandar ang motorsiklo niya. Halos maligo na siya sa pawis dahil sa sunod-sunod na pagpatak nito mula sa kanyang noo. "P*tanginaaaa!" sigaw ni Oyong sabay baba sa motorsiklo at tumakbo na lang siya papalayo habang nagsisigaw sa daan na parang baliw.

Dahan-dahan namang napabangon ang ibang mga kalaban na nakahandusay sa sahig at nang malaman nila na nagtatakbo na parang duwag ang pinuno nila ay tumakbo na rin sila papalayo roon at iniwan ang kanilang mga motorsiklo.

Nagtawanan naman si Leon at Nightmare at nang lumingon sila kay Audrey na nakatayo pa rin sa tabi ng jeepney owner na sasakyan nila, naabutan nilang nakatulala ito sa buong pangyayari. "Dapat masanay ka na, normal na lang sa'min 'to" saad ni Leon sabay hubad ng itim na mask na suot at gloves. Sumakay na siya sa sasakyan habang si Nightmare naman ay dumiretso sa makina nito.

Hindi niya pa hinuhubad ang itim na mask sa mukha at ang suot na itim na gloves, binuksan niya ang flashlight na dala at sinimulang ayusin ang makina ng sasakyan. "Kanina mo pa dapat ginawa 'yan" hirit ni Leon na nakaupo sa passenger seat ng sasakyan, nakataas pa ang paa niya.

"Wala tayong gamit, mano-mano ko na lang aayusin 'to" sagot ni Nightmare, ilang sandali pa napatigil siya sa ginagawa nang mapansin si Audrey na nakatayo sa gilid at nakatitig sa kanya.

Ilang segundo silang nagkatitigan, hindi malaman ni Nightmare kung bakit punong-puno ng mga tanong ang mga mata ni Audrey. Hindi nga siya nagkamali nang magsalita ito, "N-nagkita na tayo dati... I-ikaw 'yung lalaking tumulong sa'kin para mabalik ang kwintas kong ito" saad ni Audrey sabay hawak sa suot niyang kwintas.

Agad hinubad ni Nightmare ang itim na mask na suot at dere-derecho siyang sumakay sa sasakyan. "Ang bilis, naayos mo na agad?" gulat na tanong ni Leon habang iniikot-ikot ang kamao dahil sa pakikipagsuntukan kanina.

Hindi naman nagsalita si Nightmare, hinubad na rin niya ang gloves na suot saka sinubukang paandarin ang sasakyan. Hindi rin naman siya nabigo dahil umandar na ito, "Oh, sakay na Audrey" tawag ni Leon dahil naiwan lang si Audrey sa labas habang nakatayo roon at nakatitig pa rin kay Nightmare.

A Kidnapper's Mistake (Watty's 2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon