Episode 1 - A Blessing in Dangerous Disguise

2K 76 2
                                    

•••
*Haru*

"Good morning!"

Inalis ko ang kumot na nakatalukbong sa kambal na agad na nalukot ang mga inaantok na mukha.

"Bangon na. Male-late na kayo sa school."

"Kuya, umalis ka nga. Ang aga-aga pa." Reklamo ni Junno saka muling nagtalukbong.

"Istorbo ka, Kuya. Inaantok pa kami eh." Nakapikit na ungol naman ni Jinn habang yakap ang unan.

"Ah. Istorbo pala ah?" Sumampa ako sa kama saka sila sabay na kiniliti. "Hindi kayo babangon ha?"

"Kuya!" Panabay nilang sabi habang tumatawa at hindi alam kung paano iiiwas ang maliliit na katawan.

Saglit akong tumigil saka sila pinaningkitan ng mga mata. "Babangon kayo o hindi?"

Nakangisi silang sabay na umiling at muli ko na naman silang kiniliti sa tagiliran.

At napuno nang maliliit na tili at hagikgik ang aming munting silid.

"Haru! Nakahanda na ang almusal, halina kayo ng mga kapatid mo." Sigaw ni Mama mula sa kusina.

"Sige po Ma! Oh, tara na." Tinungo ko ang cabinet ng kambal at inilabas ang mga susuotin nila sa eskwela. "Magsepilyo muna kayo bago kumain!" Pahabol na sabi ko nang nag-uunahan silang lumabas ng kwarto.

Iiling-iling kong itinuloy ang paghahanda ng gamit nila nang hindi ako pansinin ng kambal at tuloy-tuloy na tumakbo.

Nang makayari ako ay lumabas na rin ako ng kwarto at humarap sa salamin na nakasabit sa dingding.

"Haru, anak, hindi ka na ba kakain bago umalis?"

Nilingon ko si Mama saka ako umiling. "Hindi na, 'Ma, nagtinapay na po ako kanina, okay na 'yon." Muli akong bumaling sa salamin saka inayos ang suot kong baby blue na long-sleeved polo.

Hindi naman sa ayaw kong kumain. Pero kasi, kaunti na lang ang kanin at ayoko nang makihati pa sa kanila, lalo na sa kambal. Mas kailangan nila iyon sa pagpasok sa eskwela.

Iyon pa nga pala ang isa kong alalahanin. Kailangan kong makahanap ng pambili ng bigas dahil paubos na iyon.

"Aalis na ako, Ma. Oh kayong dalawa, pagbutihin niyo sa school, ah? Saka sabihin niyo sa akin 'pag may nambu-bully sa inyo. Akong bahala." Saka ko ginulo ang mga kulot na buhok ng kambal.

"Kuya, kayang-kaya na naming makipagbugbugan ni Junno, 'di ba Junno?" Ani Jinn habang tumataas ang dalawang kilay.

"Oo naman, si Carl nga eh, takot sa akin 'yon." Mayabang namang sagot ni Junno.

Pabiro ko silang kinutusan. "Tumigil kayo sa ganyan ah? Walong taon pa lang kayo may nalalaman na kayong bugbugan. Masama 'yon."

"Makinig kayo sa Kuya niyo." Segunda ni Mama. "Sige na anak, lumakad ka na. Ako na ang maghahatid sa mga kapatid mo."

"Sige po, Ma, kayong dalawa ah, 'wag kayong makikipag-away, papasalubungan ko kayo mamaya."

"Yey!" Panabay nilang sabi saka nagpatuloy sa pagkain.

Muli kong ginulo ang buhok nila saka nagmano kay Mama. "Alis na ako, Ma."

"Goodluck, anak. Mag-iingat ka."

"Salamat, Ma."

Isinukbit ko ang bag ko na naglalaman ng envelop na sisidlan ko ng resume. Saka ko kinipkip ang isang bungkos ng dyaryo.

SEASONS of LOVE 1 The Series - Springtime : Songs of Haru ✔Where stories live. Discover now