Chapter One

6.3K 81 1
                                    

NANGILID ang mga luha ni Glecerie habang pinagmamasdan ang puntod ng ama. Sampung araw pa lamang ang nakalilipas magbuhat nang mailibing ito. Inatake ito sa puso na na siyang naging dahilan nang pagkamatay nito.

"Pa, narito na naman po uli ako." pagkausap niya sa puntod habang panay ang hikbi. "Grabe, sampung araw pa lang buhat nang mailibing ka pero miss na miss na kita. Sana uso rin cell phone diyan kung nasaan ka man. Para naman pupuwede kitang tawagan."

Hindi na niya napigilan ang hindi mapaluha. Ang kaniyang papa ang tanging magulang na nakamulatan niya habang lumalaki siya. Dalawang taon pa lamang kasi siya nang mangibang-bansa ang kaniyang ina. Sa kung ano mang kadahilanan ay hindi na ito nakabalik pa magmula noon. Binuhay siyang mag-isa ng kaniyang papa sa pamamagitan ng kung ano-anong illegal na gawain kagaya ng sugal. Matino naman ang kaniyang ama. Sadya lamang walang matagalang trabaho. Palibhasa'y easy money ang gusto. Kaya naman noong nabubuhay pa ito ay madalas itong mapatrobol, at sa tuwing mapapatrobol ito, palagi siyang damay. Magkagayon man, mahal na mahal pa rin niya ito.

"Pa, ang daya mo naman kasi, eh." maktol niya habang patuloy sa pag-iyak. "Sana man lang hinintay mo akong dumating bago ka namaalam sa mundo."

Nasa trabaho siya nang atakihin ito sa puso. Trabaho na ngayon ay wala na rin sa kaniya. Sinisante siya ng kaniyang amo matapos niyang magkamali sa isang malaking transaksyon. Labis-labis pa kasi ang pag-iintindi niya sa pagkawala ng ama nang araw na iyon kaya wala siya sa matinong pag-iisip.

"Hay, hindi ko na alam kung pa'no ako mabubuhay ngayon, papa." napabuntong-hininga na lamang siya nang maisip ang sunod-sunod na kasawian sa buhay. Pinagmasdan niyang muli ang puntod ng ama. Nang tila makontento ay pinahid niya ang namuong luha sa gilid ng mga mata. "Kung nandito ka lang, sana may kasama akong pasanin ang lahat ng ito."

Hinaplos niya ang puntod bago tuluyang talikuran iyon. Mabigat na mabigat pa rin ang kalooban na umuwi siya sa kanilang maliit na bahay na siyang tanging ari-ariang iniwan sa kaniya nang yumaong ama. Palapit na siya roon nang matanaw niya ang ilang maskuladong lalaking nakatayo sa harapan ng kanilang bahay. Kausap nito ang kanilang kapit-bahay na si Aling Tetay. Kinutuban siya ng hindi maganda kaya dali-dali siyang nagkubli sa isang pader.

"Pakisabi naman ho kapag dumating na yung anak ni Ernie na nagpapasingil si Boss Vicente. Singkuwenta mil ho ang iniwang utang ni Ernie sa pasugalan. Aba, pasalamat ka n'yo ho siya at hinintay muna ni boss na makapagbabang-luksa ang tatay niya bago ito nagpasingil."

Nawalan ng kulay si Glecerie nang marinig ang sinabi na iyon ng isa sa mga maskuladong lalaki. Kilala niya ang tinutukoy nitong Vicente. Ito ang may-ari ng malaking pasugalan sa kanilang lugar na siyang madalas sugalan ng kaniyang ama noong nabubuhay pa ito. Maimpluwensiyang tao ito at may proteksyon ito mula sa ilang pulis na matataas ang ranggo kaya hindi nabubuwag ang mga illegal na negosyo.

"Ah, eh, sige ho," wika naman nang natatarantang si Aling Tetay. "Ako na hong bahalang magsabi sa kaniya kapag nakita kong umuwi."

Pagkarinig niyon ay dali-dali na ring lumisan ang mga lalaki sakay ng isang pulang van. Siya naman ay naiwang nangigipuspos mula sa kaniyang kinatatayuan. May utang na fifty thousand ang kaniyang ama sa pasugalan? Napalunok siya nang paulit-ulit. Kung bakit sa lahat ng pupuwedeng ipamana sa kanya ng ama, bakit utang pa!?

PALAKAD-LAKAD si Glecerie sa harapan ng matalik na kaibigang si Chenet. Sa halip na umuwi sa kanilang bahay ay doon siya dumiretso. Nataranta kasi siya at hindi malaman ang gagawin matapos matuklasan na may utang na fifty thousand ang kaniyang ama sa pasugalan ni Don Vicente.

"Hay nako, bes, kahit maglakad ka diyan buong magdamag, hindi ka pa rin makakatisod ng fifty thousand!" nakapameywang na sikmat nito sa kaniya. "Kung bakit ba naman kasi 'yang tatay mo, sa lahat ng iiwanan sa'yo, utang pa!"

RUN TO YOU (Published Under PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon