Chapter Five

2K 43 2
                                    

NAPAKAMOT ng ulo si Glecerie habang nakatunganga sa may pinto ng kuwarto ni Brad. Kanina pa niya inaabangan ang paglabas nito pero hanggang ngayon ay bigo siya. Nang dumating ito kanina bitbit ang isang gitara ay doon agad ito dumiretso at hindi na uli lumabas pa. Lumalamig na ang niluto niyang pagkain at gusto sana niya ay sabay uli sila kumain. Kahit nag-aalinlangan ay naglakas-loob na siya na tumungo doon at kumatok. Ilang sandali lang ay bumukas ang pinto at sinalubong siya nito.

"Um, ano, nakaluto na kasi ako," sabi niya rito na napangiti nang tabingi. "Itatanong ko lang sana kung gusto mo nang kumain?"

"Hindi pa ako gutom," tila walang interes na sabi nito. "Mauna ka nang kumain at mamaya nalang ako."

Pagkasabi niyon ay pinagsaraduhan na uli siya nito ng pinto. Napanguso nalang siya. Sa taglay nitong kasungitan ay daig pa nito ang babaeng may period. Naiinis na naglakad na siya palayo sa kuwarto nito subalit nakakailang hakbang pa lamang ay agad rin siyang natigilan. Narinig kasi niya ang musikang nanggagaling sa kuwarto nito. Parang biglang nawala ang inis na nararamdaman niya. Naupo siya malapit sa may pinto at nakinig. Sa sobrang sarap ng pakikinig niya ay hindi niya namalayan na napatagal na pala ang pagkakaupo niya roon. Nagulat pa siya nang bigla na lamang muling bumukas ang pinto at iluwal niyon si Brad.

"Anong ginagawa mo riyan?" gulat na sabi nito nang maabutan siyang prenteng nakaupo sa may gilid ng pinto. "Bakit ka nandiyan?"

"P-pinapakinggan kita," napangiti siya nang alanganin rito. "A-ang galing mo palang tumugtog ng gitara."

Hindi ito tumugon at sa halip ay inismiran lamang siya. Dire-diretso itong naglakad at nilampasan siya. Dali-dali naman siyang tumayo at humabol rito.

"Oy, Brad, sandali lang nam—" Hindi na niya nagawa pang ituloy ang sinasabi nang bigla siyang matapilok. Kamuntik na siyang masubsob sa sahig. Mabuti na lamang at nasapo siya ni Brad. "Oh, shoots..."

Pakiramdam ni Glecerie ay daig pa niya ang uminom ng tatlong tasa ng kapeng barako. Biglang nagpalpitate ang kaniyang puso nang masalubong ang luntiang mga mata ni Brad. Para siyang nahipnotismo doon na kahit na anong gawin niya ay hindi niya magawang ilihis ang kaniyang paningin. Nakita niyang may kung anong emosyon ang dumaan sa mga mata nito ngunit agad ring nawala. Itinayo siya nito.

"Just what in the world are you doing?" napapabuga ng hangin na sabi nito sa kaniya. "Pakialamera ka na nga, lampa ka pa. Next time mag-ingat ka naman, puwede?"

Pagkasabi niyon ay walang lingon-likod na tinalikuran na siya nito. Naiwan siyang natutulala pa rin sa nangyari. Hinawakan niya ang tapat nang puso at naramdaman niya na ang lakas-lakas pa rin ng tibok niyon. Anong nangyari?

NAPAHINTO sa pag-strum ng kaniyang gitara si Brad nang mag-flashback sa kaniyang isipan ang aksidenteng pagkakasalo niya kay Glecerie kanina matapos itong matapilok. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay isang kakaibang pakiramdam ang bumalot sa kaniyang dibdib habang pinagmamasdan niya ang mukha nito. Napapabuga ng hangin na ipinilig-pilig niya ang kaniyang ulo at sinubukan na ulit magfocus sa pagtugtog pero talagang nawala na siya sa konsentrasyon. Nagdesisyon siyang lumabas na lamang muna upang magpahangin. Ngunit paglabas niya ay si Glecerie muli ang unang bumungad sa kaniya. Nakahiga ito sa may couch at mukhang nakatulugan na ang pinapanood. Napailing-iling na lamang siya bago lumapit sa TV. Papatayin niya sana iyon subalit hindi sinasadyang natabig niya ang remote na nakapatong sa may gilid ng center table. Lumikha iyon nang ingay na siyang gumising kay Glecerie.

"Nasaan ang mga kalaban!?" ang nagulat na naibulalas nito bago napatayo sa may sofa at biglang pumorma ng parang porma ni Bruce Lee kapag makikipaglaban ito. "Kame hame wave, Raegan, Gumo no bazooka!"

RUN TO YOU (Published Under PHR)Where stories live. Discover now