Chapter 3 : The Masterplan

133K 4.1K 963
                                    


***

Sa isang buong araw lang ay nabuo ni Tonya ang masterplan niya. Iyon ay sa kabila ng patuloy na pagsusungit ng ina at pagse-set-up sa kanyang kumain ng agahan, tanghalian, o hapunan kasama ng kung sinu-sino.

Apat na wedding proposals na rin ang tinanggihan niya sa loob lang ng apat na araw dahil sa iisang rason: kasingtanda na ang mga ito ng namayapa niyang ama. Sumalangit nawa.

Nakasulat sa masterplan niya ang mga hindi niya pa nagawa sa buong thirty-three years ng buhay niya. Gaya na lang halimbawa ng...

"Magpapapayat ka talaga? Para kanino?" tanong ni Mitch sa kanya. Kausap niya ito sa cellphone.

"Ano'ng para kanino? Para sa akin, siyempre," nakangiting sagot niya. "Ikinuha nga ako ni Anelle ng membership sa isang gym. Nagpunta na 'ko kahapon. Tinimbang ako at sinukat 'yong muscles at fats ko. Magsisimula ako bukas."

Sandaling natahimik si Mitch sa kabilang linya. Lumaki silang ang pagpapapayat ay laging dito nagmumula. "I can't believe it! Seryoso ka? 'Di ba, mahirap kang pumayat?"

Sa loob ng tatlumpung taon ay alam ni Tonya ang isang katotohanan: hirap siya sa pagpapapawis. Kahit na ano'ng tumbling at pakikipaghabulan sa mga bullies noong grade school at high school, ni minsan ay hindi nabawasan nang mahigit sa dalawang kilo ang timbang niya. Mabilis naman siyang lumobo. Kahit na kalahating cup lang ng kanin ang kainin niya araw-araw, mamamatay na lang siya sa gutom ay mukha pa rin siyang puputok.

"Hirap nga akong pumayat. Pero may nabasa akong quote sa internet, Mitch. 'Pag dobleng mahirap daw ang isang bagay, triplehin ang effort. 'Di ba?"

Nagsisigaw si Mitch sa kabilang linya na parang nanalo siya ng milyones. "I'm so happy for you! Suportadong-suportado kita diyan, friend! Gusto rin kitang makitang pumayat!"

"Ako rin, Mitch! Gusto kong makita ang sarili kong pumayat! Tapos, ano pa nga pala ang hindi ko pa nagagawa? Ilalagay ko sana rito sa masterplan ko."

"Libutin ang buong mundo?" sabi nito.

Umiling siya. " 'Yong achievable, Mitch. Kung lilibutin ko ang buong mundo, sigurado akong uugod-ugod na 'ko, hindi pa rin ako tapos. Alam mo ba kung ilang bansa mayro'n sa buong mundo? At kung ilang daan ang tourist spots ng bawat bansa? Kakatingin ko pa lang sa google."

"Eh, ano ba 'yong ibang isinulat mo?"

Sinulyapan niya ang notebook na hawak. "Sina Anelle, nagbigay ng suggestion. Ito... maging emo."

"Ano?"

"Maging emo. Ni-research ko na 'to kanina. Klase ng subculture 'to sa music. May dress code saka make-up. Magho-hoodie ako, tapos, maglalagay ng side bangs. Gano'n. Optional ang saktan ang sarili. Kung trip lang daw."

May echo ang tawa ng kaibigan niya sa linya. "Pinagti-trip-an ka na naman ng mga kapatid mo! Ano pa?"

"Maging goth daw. Fashion style naman. Sabi sa internet, 'yong parang sa Victorian era raw. Si Mama naman, nagdagdag, maging first lady raw. Pinag-iisipan ko pa kung pano 'yon."

Walang humpay ang tawa ng kaibigan niya sa kabilang linya. "Talagang pinaglalaruan ka na naman nina Tita Korina at ng mga kapatid mo!"

Hindi niya makuha ang sinabi nito. Nag-research naman siya at posible ngang maging Goth o Emo o First lady. Lalo na kung sa damit lang.

"Okay lang 'yon. Pinag-iisipan ko na nga kung pa'no ko gagawin," sabi niya. "Naisip ko kasi, wala pala talaga akong sarili kong style. Naalala kita no'ng high school tayo, mahilig ka na talaga sa mga hapit na dress. Hanggang magtrabaho ka, panay dresses ka. Ako, nakontento nang uniform at pambahay lang ang mga damit. Naku-curious ako kung ano'ng style ang babagay talaga sa'kin."

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Where stories live. Discover now