Chapter 17 : Undecided?

87.3K 2.5K 356
                                    

***

"Bumangon ka na, Tonya. May naghahanap sa'yo."

Napamulat si Tonya sa boses ng ina kahit na nananakit pa ang mga mata. Puyat siya sa shooting at pagod sa pagnguyngoy sa unan.

Ala-dos ng madaling araw na siyang nakauwi nang nagdaang gabi. Nang mag-cut si Grey at maitabi ang mga log sheets na hawak, hinila siya ni Boom para isabay pauwi. Naunsyami ang plano niyang hintayin uli si Grey na nagpaiwan na naman sa opisina nito.

"Ma?" nangilala siya sa ina nang mapatingin dito. Nawawala kasi ang rollers nito sa ulo. Sa halip ay maganda ang bagsak ng kulot sa balikat nito. May kaunti pang make-up sa mukha.

Napasulyap siya sa orasan na nasa tabi ng kama. Alas-sais pa lang naman. Saan ang lakad ng ina at nakapostura ito?

"Bakit nakaayos ka, Ma?" usisa niya.

"May bisita kasi. Alangan namang magpakita akong naka-rollers ang buhok. Bumangon ka na rin at mag-ayos bago ka bumaba."

"Bisita? Sino? Masyado pang maaga."

Ang alam niya ay allergic ang Mama niya sa maaagang bisita. Ayaw nitong naiistorbo ang pagtulog. Lalong ayaw nitong agarang nahuhubad ang rollers sa ulo. Matibay ang pananalig ng Mama niya sa Filipino time.

" 'Wag ka nang marami pang itinatanong," dagdag ng Mama niya at hinila siya para tuluyang makabangon. "Magmadali ka na. Nakakahiya sa bisita!"

Nahihiya ang Mama niya? Napapailing siyang sumunod sa utos nito. Halos pikit pa siya nang magpatianod at magpatulak sa banyo.

Pagkatapos niyang maligo ay mamimili na lang siya ng dadamitin sa nakahanda na sa kama niya. May malambot na blusa at shorts doon. May dress. Pulos mukhang mamahalin. Hindi pamilyar sa kanya ang mga iyon.

"Kaninong damit 'yan, Ma?" tanong niyang mahigpit ang hawak sa tuwalya sa katawan.

"Sa'yo! Kanino pa ba? Kahapon ay may trak na dumating dito. Tatlong malalaking kahon ang ibinaba. Nakapangalan lahat sa'yo," malaki ang ngiti ni Mama Korina. "Nagsukat nga ako. Kinuha ko 'yong babagay sa akin."

Hindi mahabol ng isip niya ang sinasabi ng ina. Kailangan niya ng kape bago tuluyang makapagproseso ng kahit na ano.

" 'Yong bisita mo ba sa baba ang may bigay? Sinagot mo na ba? Sagutin mo na."

Wala siyang maisagot sa ina. Hindi niya alam kung ano ang itinatanong nito at kung sino at ano ang tanong na dapat sagutin. Namamanghang hinaplos niya ang tela ng damit na nakalatag. Malalambot iyon.

"Ito ang isuot mo mamaya sa trabaho. Maganda 'tong dress. Nakakapayat," sabi ng Mama niya.

Natigilan siya. Nagbalik sa alaala ang nagdaang araw: damit na nakakapayat. Sangkatutak na damit sa clothes rack. May mga stylist–sina Noreen, Shane, Mikey, at Lei. Inayusan siya. Pinaayusan ni Grey.

Nagmamadali niyang binuksan ang kabinet niya. Apaw iyon sa bagong damit. Ang ilan ay pamilyar sa kanya–kasama sa pinamilian ng mga stylists na isusuot niya.

Napalunok siya sa pagguhit ng sakit sa dibdib. Ibinili ba siya ni Grey ng ganito karaming damit? Bakit? Dahil pa rin ba sa iniisip nitong pang-aabala nang sumama siya sa Batangas?

"Bihis na, anak. Bababain ko ang bisita mo at baka mainip."

Bumilis ang tibok ng puso niya. Hindi kaya ang bisita niya ay si...

Mabilis siyang nakapagbihis at nag-ayos. Dahil hindi pa komportable sa pagme-make up na itinuro sa kanya ay naglagay lang siya ng moisturizer sa mukha at colored lip balm sa labi. Nang maitupi nang maayos ang dress na gagamitin at mailagay sa mas malaking tote bag ay dali-dali siyang lumabas ng kuwarto.

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Where stories live. Discover now