Chapter 9 : A day off is a day of...

100K 3.2K 280
                                    

***

Day off.

Mabilis ang takbo ni Tonya papunta sa restroom ng gym. Sa bawat tapak ng paa niya sa sahig, tumatagilid at yumayanig ang mundo. Lumalabo. Patuloy naman ang pagsilab ng init sa buong katawan niya.

Pagdating sa restroom ay agad siyang pumasok sa isang cubicle, iniangat ang takip ng toilet bowl, at ibinuga roon ang inalmusal niya. May kasama na rin sigurong hapunan mula sa nagdaang gabi. Isang beses siyang sumuka. Dalawa. Sa ikatlo ay wala nang mailabas ang sikmura niya kundi asido. Nangilid ang luha niya nang mapaupo sa sahig ng restroom. Humihingal siya.

Gutom na gutom na siya. Ngayon na lang uli siya nagutom nang matindi. Dahil 'yon sa kilig ni Grey kahapon sa tanghalian. Idagdag pa ang hapunan na magkasabay din sila. At kaninang umaga bago umalis sa bahay ay lutang pa rin ang pakiramdam niya. Nakabubusog mang kiligin, kailangan pa rin niya ng pagkain. At hindi siya nakakain nang maayos mula kahapon. Ngayon naman ay inilabas niya ang kakaunting intake na mayroon sa katawan.

Ngalay na ngalay na rin siya sa routine sa gym. Ang sabi ni Dennis noong unang araw na akala niya ay mamamatay na siya, kalaunan daw ay mababawasan ang sakit ng katawan at pangangalay niya. Pero mukhang hindi pa sapat ang nagdaang mga araw para maibsan nang kaunti ang pagod, ngalay, at pagsusuka dahil sa exercises na ipinagagawa sa kanya. May treadmill siya, bike, weights, at pilates. Magsisimula na rin ang dietician na pakialaman ang calorie, carbohydrates, at protein intake daw niya. Isa lang ang naiintindihan niya roon: lalo siyang magugutom sa mga darating na araw.

Nasa pag-e-emote siya nang mag-ring ang cellphone niya.

"Ano'ng ginagawa mo ngayon?" excited ang boses ng bestfriend niyang si Mitch sa pagtatanong.

Nanghihina siyang napatingin sa kalat sa toilet bowl.

"Nagsusuka."

Sandaling natahimik ang kaibigan, bago, "Ah... nasa gym ka nga pala ng ganitong oras."

"Oo." Huminga siya nang malalim. "Gutom na gutom na 'ko, Mitch," halos mag-crack ang boses na sabi niya rito.

Dinig niya ang buntonghininga ni Mitch sa kabilang linya, "Kaya mo 'yan, girl. Tumingin ka na ba sa salamin lately? Wala pa bang nabawas?"

Umiling siya. Tumulo ang luha sa tagiliran ng mata. "Hindi ko alam kung may nabawas. Nakakatakot magsukat, eh."

"Tonya naman..."

"Baka kasi hindi naman pala tumatalab 'yong mga ginagawa ko. Forever na akong mataba."

"Gutom ka lang, friend... kaya parang walang pag-asa."

Naisip na rin niya iyon. Baka gutom lang siya kaya para siyang binagsakan ng langit. Madalas din siyang puyat. Pero totoong hindi talaga naging payat kailanman si Tonya. Mula pagkabata ay mabilog siya.

Tanggap na niya iyon dati, lalo na at mahal naman siya ng Papa niya at mga kapatid. Nang makilala niya si Hans at magsama sila, okay pa rin iyon. Nang mawala si Hans, dahil mataba siya at boring, nang mag-second the motion ang mga bruha niyang kaklase sa high school dahil wala raw nagbago sa kanya, gusto niyang subukang mag-focus naman sa sarili at magbago ayon sa gusto niya.

Sa mundong kapayatan at kurbada ang basehan ng kagandahan, maraming ulit na siyang hindi inirespeto dahil lang sa size niya. Kaya niyang maging mataba. Tanggap niyang maging mataba. Pero masakit ang mainsulto ng salita, ng tingin, ng mga bulungan. Kahit akala niya ay sanay na siya, may panahon na sumasakit ang puso niya tuwing tumitingin sa salamin. At kahit tuwing ngumingiti.

"Lalo pa 'kong magugutom, Mitch. Magkakaroon ako ng dietician."

"Magtimbang ka na kasi. May kiluhan diyan, 'di ba?"

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant