Chapter 43 : Love in conspiracy

70.4K 2K 213
                                    


***

Pilipinas. Araw ng Biyernes.

"Ano'ng sabi mo kay Hans?"

Sumulyap si Tonya sa inang kasabay sa almusal.

"Sabi ko po, pag-iisipan ko muna 'yong tanong niya. Kaya tanungin na lang niya ako uli," matamlay na sagot niya sa ina.

Nang sumubo ito ng sinangag ay nanliit ang mata sa kanya. "Nasaan na 'yong paninindigan mo kay Grey? Kahapon lang ng umaga, matatag na matatag ka."

"Kahapon 'yon, Ma. Nakita n'yo naman 'yong balita."

Tumungo siya. Tuyo pa rin ang mga mata niya. Pending ang mga luha na gusto niya sanang iiyak para gumaan ang mabigat na pakiramdam.

Si Grey kasi! Bakit wala man lang itong paramdam? Imposible namang hindi nito nakikita 'yong article sa internet, 'di ba? Sa Germany lang naman ito pumunta at hindi sa outer space. Hindi man lang ba ito magpapaliwanag sa kanya?

" 'Yong balita sa internet? O, hindi ba't ikaw ang nagsabing iba naman 'yong singsing na suot no'ng Noreen?"

"Madali naman bumili ng ibang singsing, Ma. Mayaman 'yon si Goryo."

"Sabi mo, nagsasayaw lang sila sa picture."

"Magkayakap sila, Ma."

Binitiwan ng Mama niya ang kubyertos nito. "Naniwala ka naman sa bunganga ng bruhang ina no'n? Eh, bruha nga iyon. Malay mo naman kung nagsisinungaling sa interbyu!"

"Ma... galing 'yong Mama niya sa Berlin. Nando'n din si Noreen sa Berlin. Kung hindi totoong nagkita-kita at nag-usap-usap sila ro'n, dapat tumawag na si Grey. O nag-text. Kasi... alam niyang mag-aalala ako."

Kahit sinabi nitong huwag siyang maniwala sa mga bagay na hindi ito ang nagsabi, may mga pagkakataong tulad nito na dapat itong magsalita o magpaliwanag agad para hindi siya maguluhan. Kung nananahimik ito, ano'ng dapat niyang isipin?

"Bruho kasi 'yang Goryo na 'yan eh! Bakit ba nananahimik at hindi tumatawag? Sinubukan kong kontakin ang cellphone, nakapatay 'ata!"

Nanatiling nakatungo si Tonya.

"Pero... ano? Suko ka na? Tatanggapin mo ang alok ni Hans dahil suko ka na?" ang Mama niya pa rin.

"Si Hans ang pumigil no'ng mga tsismis tungkol sa akin, Ma."

"Eh, ano ngayon? Magagawa niya talaga 'yon dahil pulitika ang linya ng pamilya niya! At kulang pa 'yong pambawi sa pagtatarantado niya sa 'yo!"

"Hindi naman siya tarantado talaga, Ma. Iniwan niya 'ko dahil gusto niya 'kong maging masaya. Kasi nalaman niyang baog siya."

"Mali pa rin ang paraan niya! Sinaktan ka niya! Pinagnakawan at—"

"Nasa kabilang unit lang ng apartment namin 'yong mga appliances."

Natahimik na ang ina. Nawalan naman siya ng ganang sumubo. Kaya niyang intindihin si Hans. Sa haba ng pinagsamahan nila, alam niyang mabuti itong tao. Pero kahit habang ipinagtatanggol niya ito, pakiramdam niya ay patay na ang puso niya sa dami ng nangyayari. Masyado siyang maraming hinihintay. Masyadong maraming sakit at luha ang nakabitin sa ere na hindi siya sigurado kung dapat na bumagsak. Bakit kailangang ganito kakomplikado ang magmahal ng isang Montero?

"Mahal mo pa ba si Hans?"

Uminom siya ng tubig sa tanong ng Mama niya.

"Tumingin ka sa akin. Mahal mo pa ba si Hans?"

Nagtaas siya ng mukha at sinalubong ang mata ng Mama niya. Kinagat niya ang labi.

Paanong mangyayari 'yon? Ang buong pag-iisip at puso niya, sinakop ni Grey. Kahit na parang tumakbo na palayo ang masasayang mga alaala nila at mahirap nang habulin; kahit na kakaunti pa ang pinagsamahan nila na gusto niya pa sanang dagdagan, kapag matutulog siya, magigising, o mapapatingin sa orasan, naiisip niya ito. Nagbibilang siya ng pitong oras pabalik para lang malaman kung anong oras na sa panig nito sa Berlin. Sa tuwing matutulog siya, magigising, at mapapatingin sa orasan, napapasulyap siya sa cellphone niya. Umaasa siyang may message do'n na maliligaw. Pero bokya. Maraming mensahe pero walang galing kay Grey.

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon