Chapter 35 : Mother hen

69K 2.1K 483
                                    

***

Umuusok ang kape sa mesang kinauupuan ni Korina. Wala pang bawas ang inumin sa mug kahit na nakapangingilo ang lamig ng air-con na sumisigid sa buto niya. Sa isang coffee shop siya dinala ng isang taong perpekto ang ahit ng nakataas na kilay. Smooth ang balat ng kaharap na babae kahit na halatang magkasing-edad lang sila. Alaga sa derma. Glamorosa ang damit nitong halatang mamahalin. Naka-nail art ang mga kuko. At ang make-up, parang nagpa-salon.

Dapat, nanliliit siya o nahihiya nang kaunti. Pero tigre siyang nakaupo roon dahil hindi niya gusto ang hilatsa ng mukha ng babae at kung paano nito pasadahan ng tingin ang damit niyang galing France. To think that this woman braved to knock on her house to take her away and talk.

"In case you missed it earlier, I am Pearl Montero," pakilala nito na walang bahid ng paggalang ang tono, "Gregory's mother."

"I'm—"

"Korina Atienza, I know. Mother of Tonica Grace Atienza. I wouldn't go to your house if I don't know you."

Alangan naman? Kung siya nga ay hindi rin sasama sa babae kung hindi nagpanting ang tainga niya sa apelyido nito. Sa halip na ibalik ang lamig ng tinig nito ay nagtimpi siya. Alam ng mga tigre kung kailan mananakmal. Hindi pa ito ang oras.

"Ano'ng kailangan mo sa akin?" matabang na tanong niya. "Kasi kanina pa tayo nagtititigan. Sayang ang oras."

Gumuhit ang mapang-insultong ngiti sa labi nito. Parang sinasabing oras nito ang mas mahalaga.

"I'll tell you directly, then." Marahan itong humugot ng hininga. "Hindi ko gusto ang anak mo para kay Grey."

Nagsalubong ang kilay niya sa matalas na pananalita nito. Lalo na dahil sinabayan nito iyon ng pagtataas din ng kilay at bahagyang pag-ismid.

"Gano'n ba? Alam mo, hindi ko rin gusto ang anak mo para kay Tonica."

Bumigat ang katahimikan sa pagitan nila. Nakita niya sa mukha ng babae na malapit na itong magbagong-anyo at manakmal.

"That's better. Ilayo mo ang anak mo sa anak ko. Sinisira niya ang career na pinaghirapan ni Grey."

Umismid siya. Nagmaasim. Ang lakas naman ng loob ng babaeng ito na sabihing sinisira ni Tonya ang career ng anak nito, na wala man lang pagsasaalang-alang sa reputasyon nilang nasasagasaan!

"Hindi siya ang sumisira. Anak mo ang maangas na nanuntok ng reporter sa TV."

"Dahil sa anak mo."

"Dahil pikon siya."

"Dahil sa anak mo!" pagdidiin nito.

"Kung gano'n na napipikon siya dahil sa anak ko, nakakalimutan niya ang career niya, at nag-ala-Pacquiao siya sa harap ng camera, ang dapat mong pagsabihan ay ang anak mo. Hindi mo dapat sinasayang ang oras ko."

May walang-salitang panggigigil sa katahimikan nila.

"Gusto kong maging malinaw ang mga bagay, Korina." Matabang ang ngiti ng babae. "The bad rumors circulating are affecting both our children. Concern ko ang kinabukasan ni Grey. He sacrificed a lot just to be where he is, and now it's on the verge of getting ruined! Just because of what? In love siya sa anak mo? Naniniwala ka?"

Nagtiim ang panga ni Korina. Nagtitimpi pa siya nang kaunti at umiiwas sa isiping buhusan ng mainit na kape ang nagmamagandang babae.

"Let us say he likes her now. Halimbawa, nahuhumaling siya sa anak mo ngayon. Pero hanggang kailan ang kalokohan niyang iyon?" patuloy ni Pearl. "His first love is film! His true love is film! And sooner than later, if he gets to see that the film he loves and his career are ruined because of your daughter, he will hate her! Hindi na bata ang anak mo. Put some sense into her brain. Para matauhan siya at makita niyang isinusugal niya ang oras niya at obaryo niya sa isang bagay na imposible. They could like each other for a while. But them as a couple?" Umiling ito. "I don't think so."

The Late Bloomer (Published under PSICOM)Onde histórias criam vida. Descubra agora