1 - Good And Bad News

95 9 21
                                    

"I now pronounce you, husband and wife..."

Nagpalakpakan lahat matapos ang seremonya ng pag-iisang dibdib nina Martina at Randell. Isang simpleng beach wedding ang naganap at iilan lamang ang panauhin, tanging kamag-anak lang nila at malalapit na kaibigan ang dumalo.

Napakaganda ni Maam Martina at ang guwapo naman ni Randell. Napakalaki nang pinagbago ni Maam Martina nang ma-inlove siya. Grabe, napaka-magical siguro ng pag-ibig.

May kinang sa mga mata ni Alina habang tinitingnan ang bagong kasal. Hindi niya maitatanggi pero pinangarap niya ring maging bride at ikasal sa kanyang ideal guy. Pero paano ba mangyayari 'yon? Ang tagal na nilang hindi nagkikita.

"Inggit ka ano?"
Kumunot ang noo niya dahil biglang nagsalita ang lalaki sa kanyang tabi, si Ricky na half brother ni Randell.

Kanina pa napapansin ni Ricky kung paano magpigil ng kilig si Alina. He found her stunning in a mini dress, actually she's the only girl who caught his attention.

"Oo," maiksing tugon nito sabay irap.

Nagtipon-tipon ang mga single na babae nang magpaagaw ng bouquet ang bride na si Martina, isa iyong bahagi pagkatapos ng kasal na kung sino man ang makakasalo ng bouquet— pinaniniwalaang susunod na maging bride.

"One, two, three!" bilang ni Martina nang ihagis ang bouquet. Halos lahat nakiagaw maliban kay Alina, nasira na naman kasi ni Ricky ang magandang mood niya. Hindi niya alam kung bakit lagi siya nitong napupuna. Iyon pa naman ang pinakaayaw niya sa lahat.

But to her surprise, siya pa ang nakasalo ng bouquet. Napatanga na lang siya nang pagtinginan siya ng kapwa bisita na nakipag-agawan pa pero nag-fail naman.

Wait? Bakit sa'kin napunta?

Alanganin siyang napangiti at hinawakan nang mahigpit ang bouquet. Ilang minuto ay nag-picture taking muna sila bago magsipuntahan sa reception kung saan sila kakain.






SIX MONTHS LATER...







"Alina, puwede ba tayong mag-usap muna?"

Mabilis na binitawan ni Alina ang hawak niyang panungkit dahil sa pagsulpot ni Nanay Remmy, ang amo niya na pinagkakautangan niya ng malaking utang na loob.

"Sige po Madam," turan niya nang lapitan ito. Maaliwalas naman ang mukha ng matanda kaya pakiwari niyang hindi kapalpakan sa trabaho ang dahilan kung bakit siya nito kakausapin.

"Alina, hindi naman lingid sa kaalaman mo na magsasampung-taon ka na sa akin 'di ba?"

"Opo." Napaalis ang ngiti ni Alina. Ngayon lang kasi niya narinig na gano'n ang pananalita ni Nanay Remmy kahit nakangiti ito, parang may iba itong gustong ipahiwatig.

Palalayasin n'yo na ba ako?

"Sa sampung taon na magkasama tayo, itinuring na kitang apo. Nakikita ko ang pagsisikap mo bilang katuwang namin sa bahay kaya naman naisip ko..." Pinutol ni Nanay Remmy ang nais niyang sabihin dahil napapansin niya ang pamumutla ng mukha ni Alina. Nerbyosa kasi ang dalaga at pinangungunahan ng takot na baka pagalitan. Gusto niya ng thrill kaya binibitin niya ito.

"Naisip ko lang kung gusto mo pa bang mag-aral? Ipagpatuloy mo ang accountancy course na nahinto dahil nawala ako rito sa mansyon."

Patango-tango si Alina at niyakap si Nanay Remmy dahil sa labis na kagalakan. "Opo, gustong-gusto ko po."

"Mag-e-enroll ka na next week, papatulong tayo kay June," saad ni Nanay Remmy saka hinaplos ang mahabang buhok ni Alina. Ngayon na rin ang tamang pagkakataon na ibigay dito ang reward dahil tumutulong na sa gawaing bahay ang apo niyang si Martina na ikinasal kay Randell.

Dumoble ang tuwa ni Alina nang marinig ang pangalang "June". Si June ang unang pag-ibig ni Alina, pamangkin ito ni Nanay Remmy at itinuring niya na rin na parang kuya.

She fell in love with him when she's only 15 years of age. Ahead sa kanya ng limang taon ang lalaki. Naalala niya muli ang unang pagkikita nila, dumating sa mansyon si June para ibalita kay Nanay Remmy na nakapasa siya sa board exam ng mga guro. Iyon ang unang beses na nakita niya ang matamis na ngiti ng binata nagdulot ng yanig sa kanyang puso. At kahit bata pa lang noon si Alina, natitiyak niyang pag-ibig na nga ang nararamdaman niya para kay June.

Madalas ding magbakasyon noon si June sa mansyon ni Nanay Remmy pero nang magsimula itong magturo sa isang unibersidad, naging abala na ito at hindi na rin nakadalaw.

"Bakit parang natameme ka naman d'yan?" pukaw sa kanya ni Nanay Remmy. Nagbalik tuloy sa realidad ang isip ni Alina.

"Wala naman po, ibig sabihin doon na nagtuturo si Kuya June sa university na dati kong pinapasukan?" nangingiting tanong niya.

"Oo, mag-iisang taon na siyang nagtuturo doon. Mathematics ang subject niya."

"Kailan po pala pupunta si Kuya June dito?"

"Siguro sa next week pa, kung hindi na siya busy."

"Gano'n po ba? Maraming salamat po Madam." Muling niyakap ni Alina si Nanay Remmy.

Napasinghap ang matanda pagtapos silang magyakapan at biglang napawi ang ngiti sa mukha nito. "Alina, kailangang sundin mo rin ang hiling ko kapag bumalik ka na sa pag-aaral."

Lumalim ang kunot sa noo ni Alina. "Ano naman po 'yon madam?"

"May gusto ka ba kay June?" tahasang tanong ni Nanay Remmy. She already know the answer, dalagita pa lang noon si Alina, kitang-kita niya kung paano ito pasimpleng lumandi kay June. Nagpapaganda ito at nagsusuot ng magandang damit kapag bumibisita ang binata. Bukod doon ay narinig niya na umamin ito sa kapwa kasambahay na sina Kikay at Yayo patungkol sa paghanga kay June.

Tila natuyuan ng laway ang lalamunan ni Alina at hindi mawari kung paano pabulaanan ang suspetsa ni Nanay Remmy. "B-bakit n'yo naman po nasabi 'yan? Hindi ko po crush si Kuya June. Nakatatandang kapatid lang po ang turing ko sa kanya."

"Bakit namumula ang pisngi mo kung hindi mo siya crush?" pambubuyo ni Nanay Remmy na may kalakip pang halakhak. Mabilis na ipinaling ni Alina sa kabilang direksyon ang kanyang mukha upang 'di na pansinin pa ni Nanay Remmy ang kanyang pagba-blush.

"Umamin ka na lang. Matagal ko nang alam 'yon eh."

"Pero Madam, crush lang naman 'yon. Saka hindi niya nga alam na crush ko siya." Napilitan siyang magsabi ng totoo dahil wala nang silbi ang pagkakaila niya.

"Pero Alina, gusto ko lang sana malaman mo na dapat mag-focus ka sa pag-aaral. At ang kondisyong hihingiin ko— hindi ka puwedeng makipag-boyfriend. Nakakadala na 'yong nangyari noon sa apo kong si Martina na hindi nakapagtapos dahil na-distract sa pakikipagnobyo. Maliwanag ba?" malumanay na pahayag ni Nanay Remmy kahit naaninag niya ang disappointment sa mukha ng dalaga. Iniingatan lang din niya ito kagaya ng pag-iingat sa apong si Martina.

"Maliwanag po. Saka hindi naman po ako makikipag-boyfriend kung hindi lang din katulad ni Kuya June o si Kuya June mismo ang magiging boyfriend ko," paglilinaw naman ni Alina.

"Mabuti naman. Pero malawak ang university, maraming guwapong estudyante. Marami kang makikilala, kaya mabuti nang alam mo rin ang limitasyon mo."

"Opo, hindi talaga ako magbo-boyfriend," pangako ni Alina. Isandaang porsyento ang pagkasigurado niya sa part na hinding-hindi siya magkakaroon ng nobyo dahil aanhin niya ang boyfriend kung hindi naman ang kuya June ang magiging boyfriend niya?

Tawagin na siyang ilusyunadang palaka pero umaasa pa rin siya na mapapansin ni June ang taglay niyang kagandahan kapag muli silang nagkita. Siyempre, hindi na siya ang dating Alina na walang kaayos-ayos sa sarili. Dalagang-dalaga na siya at handa na ring lumandi kung kinakailangan.

Sweet Yet Dangerous [FINISHED]Where stories live. Discover now