Chapter 15

5.6K 272 28
                                    


15:

Kinaumagahan ng magising si Rose ay nagulat siya dahil pagtingin niya sa labas ng bintana ng kuwarto niya ay may nakita siyang pamilyar na kotse na naka-park sa harap ng bahay nila.

Tarantang inayos niya ang sarili at mabilis na bumaba papunta sa sala ng bahay nila. At doon niya naabutan si Eira na kinakausap ng ina niya.

"Ma." Tawag pansin niya sa ginang na magiliw na kinakausap ang bisita.

Napatingin ang ina niya sa kanya. "O, gising ka na pala. Kanina pa naghihintay itong manager mo sa iyo. Gigisingin na nga sana kita pero pinigilan niya lang ako dahil sabi niya pagod ka dahil sa trabaho mo kahapon."

Nagulat siya sa itinawag ng ina niya kay Eira pero nagawa niya paring itago iyon. Tiningnan na lang niya ang babae ng may pagtatanong ang ekspresyon.

Pero iniwas naman ng babae ang tingin mula sa kanya at sa ina niya ito tumingin.

"Ma'am, may juice po ba kayo diyan o kahit tubig lang na malamig. Nauuhaw po kasi ako."

Napangiti naman ng malawak ang ginang dahil doon. "Kung nauuhaw ka ay dapat kanina mo pa sinabi, iha."

Tumayo ang ginang at nagpunta sa kusina para kumuha ng juice para kay Eira.

Nang makalayo ang ginang ay tsaka naman lumapit si Rose kay Eira.

"Ano'ng ginagawa mo dito, Big Boss?"

Napatingin ito sa kanya. "Ano namang masama kung andito ako? Sinusundo lang kita para makapagsimula ka na sa trabaho mo."

"Ang sabi mo kagabi kung kelan ko gusto."

"Nagbago na ang isip ko."

Kung hindi lang si Eira ang nagsabi nun ay baka nahampas na niya ito sa ulo dahil sa sinabi nito. Ang ibig sabihin lang kasi nun ay sinabi nito na nasa kanya kung kelan niya gustong magsimula para mapakagat siya nito sa alok na pagtira sa bahay nito.

"No doubt, she's a businesswoman. Alam niya kung paano mapapakagat sa mga gusto niya ang mga tao."

Pinatunayan lang nito sa kanya na tama ang hinala niya kagabi dito. Planado nito ang alok kagabi at sa una pa lang ay balak na talaga nitong patirahin siya sa bahay nito. Ang tanging tanong lang na hindi nasagot ay kung bakit nito gustong patirahin siya sa bahay nito.

Sinabi nito kagabi na gusto lang nito na malayo siya sa kapahamakan dahil itinuring na rin siya nitong kaibigan pero para sa kanya hindi iyon dahilan para gawin iyon ng babae, lalo na si Quinn Eira Saavedra ang pinag-uusapan dito.

"Pero hindi ko pa sinasabi sa mga magulang ko ang tungkol sa pagtira ko sa bahay mo."

"I took care of that problem while you're soundly sleeping upstairs."

Para wala lang dito ang sinabi sa kanya. Ipinaparating ata nito sa kanya na maliit na bagay lang iyon para dito.

"Hindi sila nagalit? Nagtaka?" pang-uusisa niya. Iniisip niya pa lang na kapag siya ang nagsabi sa mga magulang niya tungkol sa pagtira niya sa bahay ni Eira ay siguradong magtatanong ng sandamakmak ang mga iyon sa kanya.

"Hindi."

"Hindi?"

"Sinabi ko sa kanila na manager mo ako at bilang manager mo ay naisip ko na makakabuti sa iyo kung titira ka malapit sa M-Light para sa convenience mo. Sinabi ko din na wag silang mag-alala dahil bilang model ng M-Light ay sagot ng agency ang tirahan at mga kakailanganin mo doon."

"At pumayag naman kaagad sila?" Hindi makapaniwalang saad niya. Parang andali naman kasi at pumayag kaagad ang mga ito sa ideya ni Eira.

"Nagpapasalamat pa nga sila sa akin dahil iniisip ko ang kapakanan mo."

The Pampered Girlfriend (GxG) ☑️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon