Chapter 2 - Paano sila kikinang kung walang dilim?

27 8 4
                                    

"BAKIT si Lulu na lang palagi ang naka-upo sa harap? Gusto ko din umupo sa harap," reklamo ni Ate Yna, ang haba ng nguso niya.

"Kasi ikaw ang umupo dito sa harap kanina, di ba? Ngayon, si Lulu naman ang uupo dito."

Ito ang sasakyan naming L300 na asul. Ito ang ginagamit ni Papa para pumunta kami sa mall, at para magdeliver ng mga kahoy o furniture sa mga kliyente nila. Parehas na arkitekto si Mama at Papa.

"Sakay na, sakay na," utos ni Papa, "Baka abutin tayo ng traffic."

Sumakay kami ni Mama sa harap. Katabi ko ang bintana at katabi ko sa kaliwa si Leonardo—nasa pagitan namin siya ni Mama. Binuksan ni Papa ang makina, lumabas kami ng parking lot, at sumalang kami sa kalsada.

Hapon na at malapit na lumubog ang araw. Naghalo ang orange at dilaw sa mga ulap na hiwa-hiwalay at nagkalat sa kalangitan.

"Wow! Leonardo, saang ulap ka nakatira? Ang lawak!"

"Hmmp! Hindi mo makikita kung saan ang siyudad namin kasi tinatago namin siya sa mga tao."

"Siyudad sa ulap?"

"Oo. Sinusundan ng siyudad sa ulap ang sikat ng araw, malayo sa lupa. Malawak doon sa langit. Rinig namin ang iniisip ng mga tao. Kitang-kita sa itaas ang mga nangyayari sa buhay dito sa ibaba. Palaging maliwanag kung saan ako nakatira, hindi pa doon sumasapit ang dilim kahit kailan."

Namangha ako. Lumilipad ang bahay nila sa ulap.

"Mama, sabi po ni Leonardo doon daw sila nakatira sa langit. Kasama po niya si Lolo Pepe."

Ngumiti si Mama at hinagod ang buhok ko. "Binigyan ka ni lolo mo ng guardian angel kasi love ka niya. Kaya mamaya bago ka matulog, magdasal ka kay Papa Jesus at magpasalamat."

"Okay po."

"Ugh! Hindi ako pinadala ng tatay mo para bantayan ang pangit mong anak," sabi ni Leonardo.

"Para kang matanda kung magsalita, Leonardo. Ilang taon ka na ba? Ako six-years-old," pinakita ko sa kaniya ang anim kong daliri.

"Kahit perahas tayo ng edad, di hamak na mas angat ako kaysa sa 'yo. Isa kang tao."

"Bakit hindi ka gumagamit ng po at opo? 'Pag narinig ka ni Mama at Papa, pipingutin nila ang tainga mo."

"Hay, nako! Hindi mo ba naiintindihan? Ikaw lang ang nakakakita sa akin at sa posas. Alam mo ba kung anong iniisip ng mga magulang mo? Iniisip nila may imaginary friend ka. Hahaha! Mukha kang baliw!"

"Paano mo nalaman kung anong iniisip nila?"

"Kasi narinig ko."

"Weh? Bakit wala akong naririnig?"

"Kasi tao ka lang."

"Bakit sa ulap ka nakatira? Pwede din ba ako tumira doon?"

"Hindi pwede kasi tao ka lang."

"Pwede ko din bang kainin ang prutas na pinapakain sa 'yo ni Lolo Pepe?"

"Hindi pwede kasi tao ka lang."

Tumingin akong maigi sa ulap, baka sakaling makita ko si lolo. Estudyante daw niya si Leonardo. Ano kayang itsura ng school nila sa itaas? Pwede din ba ako mag-aral doon?

Tumingala si Leonardo kay Mama at Papa, pinakinggan niya ang pinag-uusapan nila.

"Maniningil ako bukas sa Baclaran," sabi ni Mama, "Huli na 'yon. Matumal na. Tatanungin ko ulit si Mr. Chen kung pipirmahan ba niya ang financial estimate at proposal na binigay ko."

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon