Chapter 3 - Ayaw kalimutan ni Lola Nita

20 7 1
                                    

"DALAWANG araw lang ako nawala, ganito na agad kadami ang lalabhan ko?" Napakamot si Lola Nita sa ulo niya, tinitignan pa lang niya ang gabundok na labahan.

Paglabas ng kusina, open ang area at nandoon ang labahan at sampayan ni Lola Nita. Bumubunga ang puno ng mga kamyas. Minsan, pumipitas siya doon at nilalagay niya sa sinigang.

Madalas akong maiwan mag-isa sa bahay kasama si Lola Nita. Palaging nasa trabaho si Mama at Papa. Nasa eskwela naman mga kapatid ko. Bagot na bagot ako palagi. Lalo na 'pag tapos ko na panoorin ang Sesame Street, Doraemon, at Teletubbies sa TV. Kapag wala na akong pinapanood sa TV, panonoorin ko si lola maglaba sa labas ng kusina.

Suot lagi ni Lola Nita ang daster niyang batik. Araw-araw, iba't-ibang kulay. Ang tigas nito minsan kasi nilalagyan niya ng gawgaw ang damit niya. Mahina ang pandinig ni lola kaya kailangan sumigaw 'pag kausap siya. Parang asin at paminta ang buhok ni Lola Nita—may mga hibla na puti at itim. May malaki siyang nunal sa baba. Sabi ko sa kaniya, parang ulo ang nunal niya kasi ang daming buhok. Sinusundan ko ng tingin ang braso niyang lawlaw kapag nagkukusot siya ng damit.

Hindi gumagamit ng washing machine si Lola Nita. Kaya daw siya naging kuba sabi ni Kuya AC. Matiyaga siya sa batya, detergent bar soap, at palo-palo. Naka-upo siya sa maliit na upuan at saka nagkukusot ng kuwelyo at ilalim ng manggas.

Pagkatapos niyang maglaba at magsampay, maglilinis naman siya ng bahay, at saka lang magpapahinga. Maya-maya niyan, magpaplantsa siya ng damit sa hapon.

Kapag kami lang ang magkasama sa bahay, kinakandado niya ang gate para hindi ako lumabas ng bahay at maglaro sa kalsada ng subdivision. Hala! Tinatago ni Lola Nita ang tsinelas ko panlabas para hindi ako umalis. Dito lang daw ako sa loob ng bahay. Wag daw akong makikipaglaro sa mga kapit-bahay namin kasi mayroon silang kuto.

Ewan ko kung ano yung kuto. Hindi pa ako nagkakaroon noon. Pero ang sabi ni Lola Nita, kapag kumati ang ulo mo, ibig sabihin mayroon kang kuto. Sabi niya, maliit na demonyo daw ang kuto na nakatira sa buhok ng mga bata. Kaya daw sila nagiging makulit kasi binubulungan sila ng kuto.

Kaya tinanong ko si Leonardo kung kumakati ba ang ulo niya. Kasi kung may kuto siya, hindi kami pwede magtabi sa kama. Ayaw ko malagyan ng demonyo ang buhok ko.

Bored na bored si Leonardo habang pinapanood namin ang cartoons sa TV. Ang babaw, sabi niya. Tinuruan ko siya kung paano sumabay sa kanta ni Elmo at Big Bird.

Nang matapos ang cartoons, lumapit ako kay Lola Nita. Siya naman ang panonoorin namin.

Umupo ako sa pintuan ng kusina. Naabutan namin si Lola Nita na hawak ang palo-palo. Pinapalo niya ang pantalon ni Papa.

PAK. PAK. PAK.

"Hahaha!"

Nagitla ako sa tawa ni Leonardo.

"Anong nakakatawa?" tanong ko.

"Natatawa ako sa iniisip ng lola mo," aniya at tumawa pa nang malakas.

Nag-angat ng tingin sa akin si Lola Nita at kumunot ang noo niya. "Lulu? Sinong kausap mo?"

"Si Leonardo po, lola."

Lumalim ang kunot sa noo niya. Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa akin at sa pantalon.

"Sinong Leonardo?"

"Tinali siya ni Lolo Pepe sa kamay ko. Kaya kahit saan ako pumunta, palagi ko na siya kasama ngayon. Hindi kami pwedeng maglaro ng manika kasi hindi niya mahahawakan. Usok lang kasi siya, Lola Nita. Galing si Leonardo sa ulap. Pinarusahan siya ni Lolo Pepe kasi ayaw niyang kumain ng prutas."

"Tinali ni Pepe sa kawayan? Ano? Hindi ko marinig."

"Ang dami mong sinabi tapos hindi niya narinig," sabi ni Leonardo.

"NAKITA KO PO SI LOLO PEPE KAHAPON!"

Naglakihan ang mga mata ni lola. Tumigil siya sa pagpalo. "Maldita kang bata ka. Paano mo siya makikita? Matagal nang patay ang asawa ko."

"BASTA PO. NAKITA KO SIYA KAHAPON."

Napatitig sa akin si Lola Nita. Hindi ata siya naniniwala sa sinabi ko. Nagkibit-balikat na lang siya, umiling nang marahan, saka bumalik sa labahin.

"Hmmm..." usal ni Leonardo, "Balat, tanungin mo nga ang lola mo kung paano namatay si Tanda."

Sumasakit na ang lalamunan ko kakasigaw. Parang ayoko na ata makipag-usap kay lola.

"Dali na," utos ni Leonardo, "Gusto ko malaman kung bakit nila iniisip na patay na si Tanda. Hindi ko malalaman kung hindi iisipin ni Lola Nita kung bakit."

"LOLA, PAANO NAMATAY SI LOLO PEPE?"

Natigil sa ere ang palo-palo ni Lola Nita. Tumalim ang tingin niya sa akin. "Ba't mo tinatanong?"

"KASI HINDI PA SIYA PA—" pinutol ni Leonardo ang sasabihin ko.

"Wag mong sasabihin sa kaniya na hindi pa patay si Tanda," giit niya, "Masasaktan ang Lola Nita mo. Nag-iisip ka ba?"

Ngumuso ako.

"Sabihin mo sa kaniya, gusto mo malaman kasi mukha siyang malungkot."

"KASI MUKHA KAYONG MALUNGKOT."

Umangat ang isang sulok ng labi ni lola pero hindi iyon umabot sa mga tainga niya. Sunod naman niyang kinusot ang uniform ni Kuya AC.

"Naligo ka na ba, Lulu?" tanong ni Lola Nita, "May pasok ka mamayang hapon. Baka akala mo, nakakalimutan ko."

Dalawa ang klase sa kindergarten na pinapasukan ko. May klase na pang-umaga at pang-hapon. Minsan, nakakatamad pumasok. Pero kung hindi dahil sa hanger, tsinelas, sinturon, at palo-palo hindi ako gaganahan mag-aral sa eskwela. Nakita mo naman kung paano paluin ni Lola Nita ang pantalon ni Papa. Masakit mamalo ang lawlaw na braso, sa totoo lang.

"Hala, sige. Maligo ka na," gagad ni Lola Nita.

"Wag kang umalis, Balat," giit ni Leonardo.

Ano ba talaga?

Maya-maya, bumuntong hininga si Lola Nita at tumingin sa akin. "Gusto mo talaga malaman?"

Tumango ako.

"O, sige. Pero maliligo ka na at papasok sa eskwela pagkatapos ko magkwento."

Tumango ako.

"Bago magdeklara si Marcos ng batas militar sa Pilipinas," simula ni Lola Nita...

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon