Chapter 8 - Ang huling halik

13 6 0
                                    

"SALI ako sa inyo, Ate Yna. Sabi mo noon, kapag big girl na ako pwede na ako sumali sa inyo."

"Kapag nadapa o nasugatan ka, lagot ako kay Mama at Papa," namaywang si ate, "Baka hindi na naman ako payagan lumabas ng bahay."

"Pero natulog ako kaninang hapon. Sabi ni Mama, kapag natulog ako sa hapon, pwede ako maglaro sa labas ng bahay at kumain ng champorado mamaya."

"Pumasok ka na lang at kumain ng champorado. Wag ka na makipaglaro sa amin."

Pumadyak-padyak ako. "Hindi pa luto ang champorado! Niluluto pa lang ni Mama."

Nanlisik ang mata ni Ate Yna, napipikon na. Bumulong siya sa dalawa niyang kalaro na kapit-bahay namin—si Janis ang nasa kaliwa at si Hannah ang nasa kanan. Matapos bumulong ni Ate Yna, humagikgik ang dalawa.

"Okay, sige. Pwede ka makipaglaro sa amin," sabi ni Ate Yna, "Pero ikaw ang taya."

"Talaga? Sige. Sige. Anong lalaruin natin?"

"Tagu-taguan. Sumandal ka doon sa puno ng bayabas. Takip ka ng mga mata. Saka ka magbilang ng one to one hundred."

"Magbibilang ako ng one to one hundred?" Napakamot ako sa noo.

"Oo."

Patay. Kaya ko lang magbilang hanggang thirty.

"Naku po!" daing ni Leonardo, hinilamos ang mukha sa mga palad, "Sige na. Tutulungan kita magbilang. Wag ko lang makita ang mga pangit na kaibigan ng ate mo. Pumayag ka na, Lulu."

"Okay! Ako ang taya!" Tumakbo ako sa puno ng bayabas. Sumandal at ginamit ko ang braso para takpan ang mga mata ko. Ang lakas ng loob ko. Marunong kasi magbilang si Leonardo. Nagsimula akong magbilang at nang marating ko ang thirty, awtomatikong nagbilang ang matalik kong kaibigan.

"Thirty one, thirty two, thirty three, thirty four, thirty five..."

Pagkatapos magbilang ni Leonardo, umalis agad ako sa puno at tumingin sa buong paligid. Saan naman kaya sila nagtago? Takbo ako sa kanto, sa kabilang street, at sa susunod pang street. Ang hirap naman ng tagu-taguan.

Dito sa Kingsville Subdivision, pangalan ng mga hari ang bawat street. Dito kami nakatira sa Rameses Street. Konti pa ang mga bahay. Halos mga bakanteng lote ang kaharap ng bahay namin. Sabi ni Ate Yna, feeling niya nandoon daw siya sa Europa sa tuwing lalakad siya sa kalsada ng subdivision dahil ito ay brick road. Pero ayoko ng kalsada dito. Ang sakit ng mga bato noong nadapa ako. Nagkaroon ako ng peklat sa tuhod nang makipaglaro ako kina Ate Yna ng mataya-taya.

Hapon na at hindi na mainit ang sinag ng araw sa balat at bumbunan. Lahat ng tatamaan ng kaniyang sinag, nagiging ginto—ang buhok at balat ko, mga kalsada, damo sa bakuran, maliit at malaking puno, pader at gate ng mga bahay, maging ang mga bubong. Naglaban ang asul at ginto sa langit, at kahit ang mga ulap, kinulayan ng araw.

Gusto ko na sana umalis para hanapin sina Ate Yna pero...

"Teka lang," tutol ni Leonardo, tulala sa langit, "Marami pa namang oras. Sandali lang. Baka pwedeng dito muna tayo. Tinatandaan ko pa ang mga kulay nila. Bago dumilim dito sa lupa, parang nasusunog ang langit. Umaapoy ang mga ulap dahil sa araw."

"Ngayon mo lang ba nakita ang araw na lumubog?" tanong ko sa kaniya.

"Hindi ito ang unang beses. Pero sobrang bihira. Kaya tuwing dapit-hapon, parang iyon na din ang unang beses na nakita ko ang araw na lumubog."

Oo nga pala. Sabi niya, sinilang siya sa siyudad na sinusundan ang liwanag at hindi pa tinamaan ng dilim kahit kailan.

Itong oras sa hapon ang pinaka paborito ko, sana matagal pa bago tuluyang dumilim at sumulpot ang buwan.

"Ako din, Lulu," ngumiti si Leonardo, "Sana matagal pa bago lumubog ang araw. Ang ganda pala dito sa inyo bago sumapit ang gabi," tumango-tango siya, "Hindi na masama."

Saglit kaming natahimik at tumingin lang sa umaapoy na langit.

Maya-maya, nagsimula na ulit ako maghanap. Bumalik kami ni Leonardo sa kabilang kalsada, doon sa Peter Street. Pero hindi sina Ate Yna ang nakita ko. Nandoon ang barkada nina Kuya Deng, nagpapalipad sila ng saranggola. Lumapit ako sa kanila at umupo sa gutter. Nakatingala silang lahat, pinapanood ang saranggola doon sa langit. May dalawang nagpapalipad—si Kuya Deng at si Kuya Abe. Nandoon din si Calvin at kampi silang dalawa ni kuya. Si Calvin ang may hawak ng sinulid at si kuya ang nagpapalipad. Bukod sa pataasan, minsan sinusubukan nilang putulin ang saranggola ng kalaban.

Pinapayagan ako ni Kuya Deng manood sa kanila basta wag daw akong maingay.

"Wow! Ang taas ang saranggola ni Kuya Deng. Tignan mo, Lu. Mapuputol na niya ang saranggola ni Abe. Ay!! Putol na. Tapos? Anong mangyayari sa naputol na saranggola? Bakit hahabulin ng kuya mo?"

"Kapag naputol na ni Kuya Deng ang saranggola, sa kaniya na 'yon."

"Woohoo!" sigaw ni Calvin, "Habulin mo Deng. Akong bahala sa saranggola natin."

"Okay!" tatakbo na si kuya para sundan ang saranggola ni Kuya Abe.

"Kuya Deng! Kuya Deng!" tumayo ako, "Sama ako sa 'yo!"

"Sige. Tara, Lulu!"

Sabay kaming tumakbo. Sa direksyon na tinatahak nito, mukhang babagsak siya sa clubhouse—doon sa bakanteng lote katapat ng bahay namin. Lumiko kami pabalik sa Remeses Street. Binilisan namin ang takbo at doon nga bumagsak ang saranggola sa bakanteng lote. Hinawi namin ang mga damo at kinuha ang saranggola. Aalis na sana kami pero may narinig kaming kaluskos sa loob ng clubhouse.

Sina Kuya AC at ilang barkada ni Kuya Deng ang gumawa ng clubhouse. Karaniwan ng tumatambay dito, halos sa Rameses Street nakatira. Mayroong portable na kalan sa loob at doon sila nagluluto ng mga prito tulad ng hotdog, fish ball, cheese stick, at iba pa. Kasing liit nito ang cubicle sa mga public bathroom. Lutuan lang talaga ang mayroon dito, tapos uupo o hihiga sa damuhan para kumain at magkwentuhan.

May tao pala sa loob. Hindi kami nag-usap ni Kuya Deng pero parehas ang nasa isip namin.

Tsibog! Baka may nagluluto ng meryenda! Lapit kami at sumilip sa pagitan ng mga plywood. Naroon sa loob si Kuya AC at Ate Tintin at hawak ni kuya ang...

!!!!

Bumuka ang bibig namin ni Kuya Deng.

Titig na titig ako. Parang Kodak ang mga mata ko na kumukuha ng litrato.

"Lulu," saway sa akin ni Leonardo.

Tinakpan ni Kuya Deng ang mga mata ko. Maingat at tahimik kaming umalis sa labas ng clubhouse. Lumakad na kami sa kalsada.

"Si Kuya AC," bulalalas ni Kuya Deng, "may girlfriend na!"

"Girlfriend?" litong-lito na tanong ko.

"Ha! Subukan mo lang sabihin 'yan kay Mama at Papa. Itatakwil ka ni Kuya AC. Alam mo naman na mahigpit sila pagdating sa mga ganiyan. Baka hatakin nila sa kasalan—este kumpisalan si kuya. Papaliguan pa nila ng holy water. Lulu, seryoso ako. Wag mong sasabihin kahit kanino ang nakita nating dalawa."

"Kahit kay Ate Yna?"

"Lalo na kay Yna. Gagamitin niya 'yon para i-blackmail si Kuya AC."

"Bakit magsusulat si ate ng itim na sulat para kay kuya?"

"Hahaha!" tawa parehas si Leonardo at Kuya Deng.

"Ang tanga mo talaga," kinutusan ako ni kuya, "bumalik ka na nga sa bahay."

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon