Chapter 7 - Mga halimaw sa loob ng banga

12 6 0
                                    

ANG PINAKA ayoko sa lahat, gigising ako sa umaga, tapos hindi ko makita si Mama at Papa sa buong sulok ng bahay.

"Wala. Umalis. Trabaho," ang palaging sagot ni Lola Nita sa akin 'pag tinanong ko kung nasaan sila.

Tapos biglang lalamig ang mga paa ko, pati mga daliri at kamay ko. Bigla ako matatakot. At matagal bago ako masanay na kaming dalawa lang ni lola ang natira sa bahay. Pumasok na sa school si Kuya AC, Kuya Deng, at Ate Yna. Mas lalong lumaki at lumawak ang bubong at mga pader ng bahay kasi wala sila. Palaging ganito tuwing umaga ng Monday, Tuesday, Wednesday, Thursday, Friday, at minsan pati Saturday.

Kaya paborito ko ang Sunday! Pagdilat ko ng mata, nasa tabi ko si Mama, nagbabasa ng Ikea. Nasa kusina si Papa, nagluluto at naaamoy ko ang bawang at luya na ginigisa sa butter. Naririnig ko ang mga kuya at si ate sa sala. Bukas ang TV at naririnig ko ang paborito nilang cartoons o anime. Saka ako babangon.

Pero hindi pala lahat ng Sunday masaya. Tulad ng Sunday ngayon.

Nagising ako kahit sobrang tahimik. Parang hindi tama na walang ingay. Kaya ako biglang napadilat.

Paglabas ko ng kwarto, humawak ako sa pader habang naglalakad. May naapakan akong basa. Doon sa puting marmol, nakita ko ang mga yabag ko—pula. Pulang likido sa marmol na sahig. Patak-patak sila hanggang sa pinto. Tulad ko, may naka-apak at kumalat ang yabag.

Sinundan ko ang patak hanggang sa nakita ko si Kuya AC, Kuya Deng, at Ate Yna sa sala.

Bukas ang TV at palabas ang episode ng Doraemon. Sinakop ng boses ni Nobita at Shishuka and buong kwarto. Nanonood si Ate Yna. Tulala si Kuya Deng. Nakita ko si Kuya AC na malalim ang kunot sa noo.

Nasaan si Mama at Papa? Nasa Taytay si Lola Nita kaya talagang wala siya.

"Lulu..." matamlay ang boses ni Leonardo.

Tumingin sa akin si Kuya AC at sa paa ko. Naalarma siya. "Lu, wag kang maglakad. Linisin natin paa mo." Ingat na binuhat ako ni kuya saka inupo sa sofa. Sa ganitong posisyon, hindi ko abot ang sahig. Umalis siya sandali, at may hawak siyang tisyu at alcohol pagbalik niya.

Ang lamig ng alcohol sa balat nang punasan ni kuya ang mga paa ko. Pero ba't ganon? Yumayanig ang mga daliri niya na parang hindi niya alam ang ginagawa.

"Nasaan si Mama at Papa?" tanong ko sa kaniya.

Napalunok si Kuya AC at tumingin silang lahat sa akin pero walang nagsalita.

Ayaw nilang sumagot. Matapos linisin ang paa ko, tumayo si kuya. "Deng, tara. Tumayo ka diyan. Linisin natin ang dugo sa sahig bago pa kumalat at matuyo."

Tumayo bigla si Kuya Deng at sumunod kay Kuya AC. Wow. Walang reklamo. Sumunod ang aking Kuya Deng na parang ginagawa niya araw-araw ang maglampaso ng sahig.

Umalis silang dalawa sa sala.

"Ate Yna, nasaan sina Mama at Papa?"

"Wag ka ngang tanong nang tanong! Basta wala sila!" Hindi man lang niya ako tinignan.

Ewan kung anong nangyayari. Pero si Leonardo, tiyak, alam niya—palagi niyang alam.

"Leonardo? Nasaan si Mama at Papa?"

Nahuli ko ang matalim na tingin ni Ate Yna. Ganito niya ako tignan palagi 'pag kausap ko si Leonardo. Kinuha niya ang remote at nilakasan ang volume ng TV.

"Angelina!" sigaw ni Kuya AC mula sa labas, "Bingi ka ba?! Hinaan mo ang TV!" Hininaan ni Ate Yna ang volume ng TV—walang reklamo. Wow. Ang bait ng mga kapatid ko ngayong umaga.

"Leonardo? Pati ba naman ikaw? Galit ba kayo sa akin? Ba't ayaw niyo 'ko pansinin?" Malapit na 'ko umiyak.

"Hindi ko kasi maintindihan kung bakit ayaw nila sabihin sa 'yo. Kaya... Ang hirap. Ayaw nilang malaman mo kasi... Pero sa tingin ko, dapat mong malaman. Ah, sumasakit ang ulo ko."

"Ano ngang nangyari?"

"Dinala sa ospital ang nanay mo."

"Ha? Bakit nasa ospital si Mama?"

Naglakihan ang mga mata ni Ate Yna, sabay lingon sa akin.

"Nakunan ang Mama mo. Ayon sa iniisip ni Kuya AC, ito ang pang-apat na beses na nakunan siya."

"Kunan?" tanong ko kay Leonardo, "Nakunan si Mama?"

Umisod si Ate Yna palayo sa akin. Bakas ang takot sa mukha niya. Hanggang sa...

"Ahhh!!! Kuya AC! Kuya AC! Si Lulu, may kausap na multo!" Kumaripas siya ng takbo palabas ng sala, bumagsak ang remote ng TV sa carpet. "May kausap siyang multo!!!"

"Anong nakuha kay Mama?" tanong ko.

Pero hindi na sumagot si Leonardo. Lumutang siya at tumingin sa malayo. 

Mga Abo sa AlexandriaWhere stories live. Discover now