Chapter 5 - Takot sila sa dilim

18 8 2
                                    

"DI BA and sabi ko isasama ka namin kapag behave ka?" sabi sa akin ni Mama, "Wag kang tumayo, Lulu. Upo ka lang. Pa, liko ka sa drive thru. Naalala ko, hindi pa pala ako kumakain. Kaya pala masakit ang tiyan ko."

"Si Jollibee!" Tinuro ko ang mascot sa tabi ng pinto. "Mama... Papa... Lapit tayo kay Jollibee."

"Hindi ka na naman kumain?" tanong ni Papa, "Ulcer aabutin mo niyan." Lumiko si Papa sa drive thru ng Jollibee at huminto para pumila. May tatlong kotse pa sa harap bago kami maka-order.

"Anong gusto mo kainin?" tanong ni Papa kay Mama.

"Ikaw kahit ano."

Napakamot si Papa sa ulo. "Gusto mo ng spaghetti?"

"Ayoko ng spaghetti, makalat kainin sa sasakyan."

"E, anong gusto mo nga?"

"Kahit ano nga."

Tumingin sa akin si Papa. Ngumiwi siya, saka nagkagat-labi. Gigil na kinurot niya ang pisngi ko.

"Aray, Papa. Masakit," sabi ko sabay nguso.

"Ang cute-cute mo kasi. Ikaw na lang kaya kainin namin ng Mama mo? Tutal ang laki ng mga hita mo. Parang hilaw na crispy pata." Sinubukan ni Papa kunin ang hita ko na para ngang kakainin talaga niya.

"Haha! Hilaw na crispy pata?" ani ni Mama, "Akin na nga. Pahingi ako. Gutom na ako."

"Huwag daw po," sigaw ko, "Huwag niyo daw ako kainin."

"Sige na," gigil na sabi ni Mama, "Pakagat." Kinurot pa niya ako sa puwit.

Pisngi ko naman ang susunod na pupuntiryahin ni Papa. Ayoko 'pag hahalik si Papa sa pisngi. Ang talas kasi ng bigote niya. Natutusok ako. Kaya pag didiskarte na siya ng nakaw, tatakpan ko parehas ang pisngi ko para hindi niya ako mahalikan.

"Dali na, Lulu. Pakiss ako. Isa lang," ngumuso si Papa.

"Ayaw!"

"Ay, sige. Di na kita love."

"Ayaw!"

"Ay, sige. Di na kita bibilhan ng Jollibee."

Inalis ko ang mga kamay sa pisngi.

Tawa si Mama nang malakas.

"Muah!" maingay na halik niya, "Sa kabilang pisngi naman. Muah!"

"Ako din nga," sabi ni Mama, "Pakiss ako kay Lulu." Suot ni Mama ang jade bracelets niya. Kumalembang sila nang hawakan ni Mama ang ulo ko para humalik sa pisngi.

Palagi na lang ganito. Walang araw na lumipas na walang pumisil o humalik sa aking mga pisngi. Basa ng laway palagi ang mukha ko dahil kay Mama, Papa, Lola Nita, Kuya AC, Kuya Deng, mga tito, mga tita, at mga pinsan ko dahil sa mga halik nilang malagkit. Masaklap kung mabaho ang hininga tapos hahalik sa mukha ko. Buti pa si Ate Yna, hindi ako kinukurot o hinahalikan.

Yuck! Gamit ang manggas ng t-shirt ko, pinunasan ko kaagad ang dalawa kong pisngi.

"Ay, bakit mo binura ang kiss namin?" reklamo ni Mama, "Isa pa."

"Ayaw!"

"Sungit naman," reklamo ni Papa.

Binaba ni Papa ang bintana at tumapat sa babaeng kumukuha ng order. Tinanong ni (tinignan ko ang nametag niya) Jenny kung ano ang order namin. Umorder si Papa ng...

"...tatlong cheese burger meal—"

"Ayoko pala," biglang sabi ni Mama. "Dalawang cheese burger meal lang."

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon