Chapter 2.2 - Paano sila kikinang kung walang dilim?

20 6 0
                                    

"GUMIYAK na kayo sa pagtulog," utos ni Mama, "Magtooth brush nang maigi, Yna at Lulu."

Dito kami nakatira sa Kingsville Subdivision, Antipolo City. Isang palapag lang ang bahay namin. Puti ang pintura sa labas at berde ang pintura ng mga bakal na gate. May alaga kaming koi fishes sa artificial pond katabi ng garden kung saan makikita ang tanim ni Papa na mga orchids.

Pero hindi pa tapos gawin ang bahay namin. Walang pintura ang mga sementong pader sa loob—kasing gaspang ng mga pader ang black board sa classroom namin. Minsan, nag-uuwi ng chalk si Ate Yna at sinusulatan niya ang pader—doon siya nagdodrawing ng bahay, bukid, kalabaw, at araw.

May apat na kwarto sa loob. Kwarto ni Mama at Papa, kwarto ng dalawa kong kuya, kwarto namin ni Ate Yna, at kwarto ni Lola Nita.

Wala pa si Lola Nita ngayon sa bahay kasi Sunday ngayon. Sa Biyernes ng gabi, umuuwi siya sa Taytay, Rizal at tumitira kasama ang dalawa pa niyang anak na si Tita Crising at Tita Neneng. Saka lang siya babalik dito sa Antipolo City sa Monday. Ewan ko bakit siya palipat-lipat. Pero doon talaga sa Taytay nakatira sina Mama. Lumipat sila dito sa Antipolo nang ikasal daw sila ni Papa.

Puting marmol ang mga sahig at haligi ng bahay. Malamig sila sa paa kaya palagi kaming may suot na tsinelas sa bahay. Ang hindi magsuot ng tsinelas, papaluin ni Mama ng hanger sa puwit.

"Ito ang sala namin," pinakita ko kay Leonardo.

Tumingila siya at nakita niya ang mga yero. Hindi pa nga kasi tapos gawin ang bahay namin. Walang kisame ang sala. Dadagdagan nila ng second floor ang sala para doon sana ang opisina ni Mama at Papa. Pero hindi pa ito nagagawa. Buwang-wang ang second floor, wala itong pader at kitang-kita. Hindi ito nalagyan ng hagdan paakyat. Pero umaakyat doon si Kuya AC at Kuya Deng gamit ang mga bookshelf na nakadikit sa pader—tutuntong sila at saka maglalaro sa second floor. Sabi naman ng mga kuya, bawal daw kami umakyat doon ni Ate Yna kasi girls kami—delikado raw. Lihim lang ang pag-akyat nila kuya doon kasi pinagbawal ng mga magulang namin.

Pumasok kami ni Ate Yna sa kwarto, at lumiwanag sa loob matapos niyang buksan ang ilaw.

"Maganda ba ang kwarto namin, Leonardo?"

Iginila ni Leonardo ang tingin sa buong kwarto.

"Baliw ka ba, Lulu? Nagsasalita ka mag-isa. Wag mo na ako kakausapin. Baka isipin nila, kapatid kita." Kinuha ni Ate Yna ang chalk at nagpraktis magsulat sa sementong pader. Gamit ang dikit-dikit, kinumpleto niya ang pangalan naming apat na magkakapatid:

Alwyn Christopher C. Angbango

Alden Christopher C. Angbango

Angelina Cyril C. Angbango

Angelou Cyril C. Angbango

Lahat kaming apat, may initials na ACCA. Ako si ACCA the fourth. High school na si Kuya AC. Sa susunod na pasukan, high school na din si Kuya Deng. Grade three na si Ate Yna at lilipat na ako sa school niya kapag naging Grade 1 daw ako.

Madalas sabihin sa amin ng mga tao na magkamukha kaming apat, mana lahat kay Papa. Maputi, kulot ang buhok, singkit, matangkad, at prominente ang cheekbones... Mukha daw kaming Intsik.

Malapit ko na matangkaran si Ate Yna. Ayaw niyang aminin 'yon kasi ayaw niyang magpatalo. Paano ba naman siya hindi tatangkad? Pinapatulog siya sa hapon tapos ayaw niya. Ayoko din naman matulog sa hapon pero hindi ako bibigyan ng champorado ni Lola Nita 'pag hindi ako natulog.

"Anong sa tingin mo, Leonardo? Dito ka matutulog sa tabi ko. Ginawan ako nina Mama at Papa ng kama kasi big girl na ako. Sa baso na ako umiinom ng gatas. Dati, doon ako natutulog sa tabi nila. Ngayon kasama ko na si Ate Yna."

Mga Abo sa AlexandriaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon