KABANATA 27

291 22 0
                                    

Honey's POV

Pagkatapos tumawag ni Sandrynne ay agad akong bumaba sa living room para puntahan si mommy at ipaalam ang kaniyang pagdating.

"Si Sandrynne?" Bahagya pang umarko ang kilay niya. "Ah. 'Yung sinasabi mong nililigawan ni Harris?"

Tumango ako. "Opo, my. Dito s'ya matutulog for tonight. Is that okay?"

"Yeah. Sure, darling." Ngumiti pa siya sa akin bago muling ibaling ang tingin sa binabasang magazine.

Kilala naman na kasi niya si Sandrynne dahil kahit papaano ay minsan ko na itong naikuwento sa kaniya. Yes. Minamarites ko silang dalawa ni Harris sa aking ina. Iyong tungkol sa pagiging parang aso't-pusa nila at ang panliligaw nga ni Harris sa kaniya.

***

Nang marinig ko na ang tunog ng door bell ay agad akong lumabas. At hindi nga ako nagkamali dahil siya na ang inabutan ko roon.

"Ang bilis mo naman yata?" Pinapasok ko na siya at saka ko muling ini-lock ang mataas naming gate.

"Malapit lang kasi ako kaya nakarating agad." Ang mga mata niya ang una kong napansin dahil halatang mugto ang mga iyon.

"Mamaya na lang kita tatanungin kung ano'ng nangyari sa'yo. Sa ngayon, mag-hello ka muna sa mommy ko." Isinama ko siya sa living room kung saan naroon si mommy upang personal siyang ipakilala rito. "Mommy, si Sandrynne."

"Oh, hi!" Agad tumayo ang aking ina at nakipagbeso pa sa kaniya.

"Hello po, tita..." Ngumiti rin siya kay mommy matapos siya nitong bitawan.

"Ang ganda mo namang bata. Kumusta ka? Buti pinasyalan mo si Honey?"

At bago pa siya tuluyang makagiliwan ng aking ina ay agad ko na siyang ipinagpaalam. "Mommy, marami pa po kaming gagawin na report. Mamaya na lang ang chika."

"O, sige. Ipatatawag ko na lang din kayo kapag kakain na tayo. Bye, Sandrynne." Kumaway pa si mommy sa kaniya bago ko siya hilahin patungo sa tass— sa aking kwarto.

"So, what happened?" usisa ko oras na maisara ko ang pinto. Diretso naman siyang naupo sa harap ng study table ko, habang ako naman ay sa paanan ng kama pumwesto para maging magkaharap pa rin kami.

"Wala naman nangyari. Gusto ko lang makitulog ngayon," walang kagana-gana niyang sagot.

Ako naman ay hindi kumbinsido dahil alam kong hindi naman siya ganito. May kakaiba akong nararamdaman. "Weh? Walang nangyari? Promise?"

"Oo nga. Promise."

"Bati na ba kayo ni Harris?"

Umiling siya nang sulyapan niya ulit ako. "Hindi pa."

Hindi kaya 'yon ang problema n'ya? Masyado n'yang dinidibdib ang naging tampuhan nila?

***

REB's POV

Gabi na pero hindi pa rin umuuwi si Ate Sandrynne. Nag-aalala na si mommy at daddy sa kaniya dahil hindi nila alam kung saan siya nagpunta.

Pero ako ay alam ko dahil nag-text siya sa akin kanina upang ipaalam na sa bahay ng kaibigan niyang si Honey siya mananatili ngayong gabi.

"Nasaan na kaya si Sandrynne? Bakit hindi pa s'ya umuuwi?" nag-aalalang tanong ni mommy habang magkatabi sila ni dad sa magara naming sofa.

"Hindi nagri-ring ang cell phone ng anak mo," baling sa kaniya ni daddy. Kanina pa rin niya sinusubukang tawagan si Ate Sandrynne.

Ngunit hindi ko magawang magsalita at sabihin sa kanila ang totoo dahil ang bilin niya sa akin ay huwag ko na lang daw ipaalam muna kung nasaan siya. Uuwi rin naman daw kasi siya bukas.

WHAT IF IT'S ME? (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon