KABANATA 30

424 23 2
                                    

THIRD PERSON'S POV

Kaharap ni Harris si Mario James at pinag-uusapan nila ang tungkol sa patuloy na paghahanap nito kay Mia.

"Pinuntahan ko noong isang araw ang orphanage na pinanggalingan ni Mia," panimula nito, "pero wala na s'ya ro'n. Simula kasi nang mawala ang bata ay hindi na nila ito nakita." Bumagsak ang balikat ni Harris sa kaniyang narinig. "Pero may good news ako. Nakita ko na ang mga magulang ni Mia."

"T-talaga?" Hindi maitago ni Harris ang saya. Tila nagkaroon siya ng pag-asa na baka alam ng mga ito kung nasaan na si Mia.

"Oo." Inilabas nito ang isang maliit na papel. "Ito ang address ng mga magulang n'ya. P'wede mo silang puntahan sa address na 'yan kung gusto mo."

Nang makaalis si Mario James ay agad din gumayak si Harris upang tunguhin ang orphanage at ang address na ibinigay nito sa kaniya.

"Kuya, saan ka pupunta?" habol ng kapatid niyang si Pitchie nang pasakay na siya sa kaniyang kotse. Ngunit dahil abala ang kaniyang isip ay hindi niya ito sinagot.

"Ano ba, Pitchie! May pupuntahan ako! Bumaba ka!" baling niya rito. Bigla na lamang kasi itong sumakay sa passenger seat, sa kaniyang tabi.

"Sasama 'ko." Sumimangot ito. "Wala akong kasama rito sa bahay mo. Paano na lang kung may pumasok na magnanakaw at patayin ak—"

"Fine. Shut up." Sumuko na lamang siya kaysa makipagtalo. "Ikabit mo 'yang seatbelt mo."

Sumunod naman agad si Pitchie habang nakangiti.

PITCHIE'S POV

"Sunshine orphanage?" Kunot-noo at mahina kong binasa ang karatulang nasa harap ng isang lumang gate.

Bakit kami narito?

Halos kalahating oras ang naging biyahe namin tapos sa ampunan lang pala kami pupunta?

Bumaling ako kay Kuya Harris upang tanungin sana siya. Pero namilog ang aking mga mata nang may bigla akong maisip.

"Oh my gosh! D-Don't tell me...i...ipapa...ipapaampon mo 'ko?!"

Saglit naman siyang natigilan bago ako lingunin at tawanan. "Bakit nga ba hindi ko naisip 'yan?"

"YA!" saway ko sa kaniya. [HEY!] "Subukan mo lang na ipaampon ako, isusumbong kita kay mommy!"

"Hindi ka nga umuuwi ro'n—pa'no ka makakapagsumbong?" Napailing pa siya bago humakbang papasok sa gate.

Kinakabahan naman akong humabol sa kaniya. "Oppa, geunyang nongdamhaneun gojyo, geurochyo? H-hindi mo naman talaga 'ko ipapaampon, 'di ba?" [Brother, you're just joking around, right?] Hinawakan ko pa siya sa braso, kumapit ako roon. "Oppa, magpapakabait na 'ko, please! H'wag mo lang akong ipaampon!"

Napahinto naman siya sa paglakad at hinarap ako. "Magpapakabait ka na?"

"Oo, promise! Kaya sige na. H'wag mo na akong ipaampon." Nanggigilid na ang luha ko sa kaba dahil baka hindi ko pa rin siya makumbinsi. Gano'n ba kasi ako kasamang kapatid sa kan'ya para gawin n'ya sa 'kin 'to?

"O, sige. Mula ngayon, kailangan maging mabait ka na kay Sandrynne." Seryoso ang mukha niya at walang bahid ng pagbibiro.

Saglit naman akong tumitig sa kaniya bago nag-react. "Wow! Mukhang masaya yata rito sa ampunan, ah! Parang gusto ko rito. Nakaka-excite!" masaya kong sabi. Sinamaan niya naman ako ng tingin. "Oo na nga! Sige na. Magiging mabait na 'ko sa kan'ya." Sumimangot pa ako. Bakit ba kasi sa lahat ng p'wede n'yang hilingin ay 'yon pa?

"Good. Kung gano'n bumalik ka na sa kotse. May kakausapin lang ako sa loob. Sasabihin ko na ikakansel ko na ang plano kong pagpapaampon sa'yo." Sumunod agad ako sa sinabi niya. Baka kasi magbago pa ang isip nito.

WHAT IF IT'S ME? (Tagalog)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon