RED TAPE 5

3.4K 121 8
                                    

CHAPTER FIVE

When your Dreams become Worst Nightmares


MAY ibang nararamdaman si Alex sa kanyang pagbabalik. Kahit isaksak niya sa kanyang utak na natanggap na siyang muli ng kanyang Tiya Jennifer, may parte ng kanyang utak na ayaw paniwalaan ito. Siguro ay dahil na rin sa kakaiba niyang nakita kanina lang.

Ano bang mayroon sa ngiting iyon na ayaw niyang paniwalaan?

Naging mabilis ang proseso ng pagtanggap sa tingin niya. Hindi pangkaraniwan sa isang tao ang magpatawad agad depende sa naging kasalanan nito. Pero ang pagpatay? Ano nga ba ang katumbas na kapatawaran nito?

Bumalik mula sa kusina ang kanyang Tiya bitbit ang isang tray ng pagkain. Nakangiti itong lumapit sa kanya at saka binaba ang bitbit. Naupo sila sa mahabang sofa habang parehong hindi nakatingin sa mga mata ng isa't-isa.

Lumunok muna siya upang ayusin ang kanyang nanunuyot na lalamunan dahil sa kaba. "Tiya Jennifer, kumusta na po pala kayo dito?" tanong niya para mabawasan naman ang kanyang panghihinala.

"Maayos naman, Alex. Minsan ay nalulungkot dahil ako na lang mag-isa dito sa bahay. Pero ganoon talaga siguro ang buhay. May pagkakataon na kailangan mong mapag-isa," saad nito.

Imbes na mapanatag, nakaramdam pa tuloy siya ng bigat sa dibdib. Sa tingin ni Alex ay nagkamali siya sa pagtatanong sa kalagayan ng Tiya.

"Ganoon po ba?" maikli niyang tugon. Tumikim siya sa pagkaing dala ng Tiya. "Ang sarap naman po nito!" papuri niya para maiba kaagad ang atmospera. Ginantihan kaagad siya ng ngiti nito at nagpasalamat. "Hindi pa rin talaga kumukupas ang galing niyo sa pagluluto."

"Ikaw talagang bata ka. Hindi na naubos ang pambobola mo. Kahit noon pa ay mambobola ka na." Napatigil si Alex dahil sa sinabi nito. Para kasing may kakaibang kahulugan ang binitiwan nitong mga salita, parang patudtsada sa kanya. "May nasabi ba akong mali?" tanong nito nang mapansing tumahimik siya pansamantala.

"W-Wala po ito, Tiya."

Hindi naman mabasagang-pinggan ang mga sumunod na sandali. Magkakatinginan sila saglit pagkatapos ay mabilis ding mag-iiwasan. Pinagmasdan na lamang muli ni Alex ang kabuuan ng bahay, ang bawat sulok na noon ay kanyang tinataguan, ang bawat butas na kanyang sinisilip. Lahat 'yon ay biglang nanumbalik sa kanya.

"Hindi pa rin po nagbabago ang bahay na ito. Ito pa rin ang bahay na kinalakhan ko simula nang..."

"Huwag mong isiping ampon ka namin. Tunay ka naming anak, Alex. Hindi ka na naiba sa amin... sa akin," anito. "Sa tingin ko ay kailangan mong magpahinga. Pagod ka pa 'ata. Doon ka na muna sa kwarto ko. Hindi ko pa kasi nalilinis ang kwarto mo simula nang umalis ka," suhestyon nito.

"Siguro nga po. Sige, magpapahinga na muna po ako."

"Mayamaya ay ako naman ang dapat mong kwentuhan tungkol sa 'yo," untag nito.

Dumiretso na sa kwarto ng kanyang Tiya si Alex at pabagsak na humiga sa kama. Tiningnan niya ang maagiw na kisame at nag-isip nang malalim. Kahit pa sabihin na nakabalik na siya sa kanyang 'tunay' na tahanan, hindi niya pa rin maramdaman ang bagay na hinahanap niya.

"Bakit parang may kulang? Hindi na ito ang dating bahay ko. Parang may ibang nakatira. Parang may ibang buhay," saad niya sa sarili.

Binalikan niya ang mga alaala na nagpapasaya sa kanya. Gusto niyang balikan ang panahong iyon kung kailan totoo siya at hindi ang kilala ng nakararami na 'Alex Farr'. Pero unti-unti na siyang hinahagkan ng kasakiman ng kasikatan at hindi na niya kayang kumawala pa. Mahigpit ang pagkakayakap nito sa kanya. Unti-unti na niya itong nagugustuhan pero unti-unti rin siya nitong binabago.

Red Tape (Book Two of Red Ribbon)Where stories live. Discover now