RED TAPE 1

5.9K 153 26
                                    

CHAPTER ONE

Lights, Camera, Action!


MAKALIPAS ANG ISANG TAON...

Kasalukuyang nasa isang programa sa telebisyon si Alex Farr upang bigyang linaw ang mga tsismis na naging kakambal niya matapos maging isang sikat na aktres. Mag-iisang taon palang siya sa nasabing industriya ngunit mistulang isang bomba na sumabog ang karera ni Alex at tuloy-tuloy ang naging swerte niya sa naturang larangan.

Marami ang nagbago sa kanyang karera bilang aktres noon sa teatro hanggang sa maging isa sa mga pinakasikat na artista ng kanyang henerasyon. Kung noon ay tanging mga manunuod lang ng teatro ang nakakakilala sa kanyang talento, ngayon, ang buong mundo ay hinahangaan na siya.

Ganon naging kabilis ang swerteng dumapo sa kanya. Ngunit hindi niya alintana ang magiging kaakibat nitong konsekwensya. Hindi pa sa ngayon...

"Maraming salamat sa iyong paunlak sa aming panayam, Ms. Alex Farr," taos-pusong pasasalamat ng host sa dalaga at saka ngumiti dahil na rin sa tuwa bago matapos ang programa.

Ginantihan naman ni Alex ang host ng ngiti kahit alam ng mga taong lubos na nakakakilala sa kanya na peke ang mga iyon. "Walang anuman po. Lagi naman po akong bukas para sa inyong programa," pagkukunwari niya.

"Salamat muli, Ms. Farr," pasasalamat muli nito at humarap na sa camera upang magpaalam."At d'yan na nagtatapos ang isang oras nating pagsasama. Muli ay abangan niyo ang maaanghang na pag-amin ng inyong mga paboritong artista dito sa... Showbizness Lang!"

Kumaway pa si Alex sa nakaharap na camera bilang tanda ng pagpapaalam bago niya hinubad ang kanina pa niyang pekeng ngiti – na karaniwan na sa industriyang kanyang kinabibilangan. Kailangan maging isang magandang imahe ka sa publiko na tila walang kapintasan. Isang magandang modelo na dapat nilang tularan.

Tumayo na siya sa pagkakaupo at lumapit sa kanyang make-up artist na nag-aabang lang sa kanya mula sa backstage.

"Ayusan mo ako. May meeting pa ako kasama si Mr. Chua," maawtoridad niyang utos sa kanyang make-up artist na si Leslie. Mistulang isang aso naman na napasunod sa isang iglap ang ginang na nasa edad talompu't anim.

Agad na itong lumapit sa nagmamadaling si Alex na patungo naman sa kanyang dressing room. Naupo si Alex at tiningnan ang sariling repleksyon sa salamin.

"Ma'am, maayos pa naman po ang make-up niyo, e. Konting retouch na lang po ang gagawin ko," anito habang kinukuha ang mga nakalatag na make-up sa ibabaw ng mesa na may malaking salamin na naliligiran ng bombilya.

Nakataas-kilay na minata ni Alex si Leslie na may halong pagkainis. "Bakit ba kailangan mo pang sabihin sa akin? Sino ba sa atin ang make-up artist? Hindi ba't ikaw? Ayusin mo na lang!" iritableng sabi niya. Ang ayaw niya kasi sa lahat ay ang mga taong aanga-anga na kailangan pang ipamukha na tanga sila.

Sinunod na lamang ni Leslie ang kagustuhan ng amo at inilapat na sa mukha ang blush on na hawak. Kahit sa loob-loob ay halos sumabog na ang galit sa dibdib ni Leslie, minabuti na lang nitong magtimpi para hindi matanggal sa trabaho.

Maya-maya'y biglang tumunog ang cellphone ni Alex. Tiningnan niya kung kaninong pangalan ang nakarehistro sa kanyang cellphone, si Tristan Simpson. Napangiti naman siya at agad na sinagot ang tawag.

"Hello, Mr. Simpson," saad niya sa malanding tono habang iniikot sa kamay ang buhok. Napatigil naman sa paglalagay ng blush on si Leslie dahil sa nakaharang na kamay ni Alex.

"Hi, Ms. Beautiful," saad naman sa kabilang linya. "Do you have a free time today? Wanna have a date tonight?"

"I'll check my schedule first," wika niya at nagkunwari na may tinitingnan na schedule. "I'm free tonight."

Red Tape (Book Two of Red Ribbon)Where stories live. Discover now