10

24 1 0
                                    

Dahil sa nangyari kanina, naglaan ako ng kaunting oras upang pag-aralan ang pledge. Ayaw ko na ulit ma-blangko! Nakakahiya! Baka mamaya ay mabawasan pa ako ng points dahil doon. Ang sabi kasi ni Ma'am Rowena kailangan maging participative kami tuwing training para mag-gain ng points. Para daw more chances of being on a national competition!

Ang mga araw sa paaralan ay boring dahil ang gusto ko nalang ngayon ay nasa training. Napaka-weird naman ng gusto ko. Hindi ko naman itatanggi na kaya gusto kong may training nalang palagi ay dahil nakikita ko si Cede. Kahit na kinakabahan ako! Dapat ba ay gumawa ako ng paraan para mapansin niya? 

Patapos na ang third grading period namin kaya naman malapit na ang exam. Next week na iyon at mabuti nalang ay mauuna kaming matapos na mag-exam kaming mga kasama sa training. Ipinaliwanag na ni Ma'am Rowena iyon sa mga teachers namin. Noong una ay ayaw nila kaming payagan ngunit kalaunan ay napapayag din sila. 

Pagsapit ng Sabado ay tinulungan ko si Lola sa paglilinis ng bahay. Ayaw na niyang magpatulong dahil gusto niyang mag-focus nalang ako sa pagre-review ngunit hindi ako sumangayon sa kanya. Hindi ko rin naman gustong mag-review buong araw dahil baka mas ma-pressure lang ang utak ko. Isa pa, halos nag-aaral naman ako ng mga lessons kaya magiging madali nalang para sa akin ang mag-review.

"Apo gusto mo bang bumili ng bagong kurtina? Baka nagsasawa ka na?" tanong ni Lola sa akin habang tinatanggal ang kurtina sa kwarto ko. 

"Hindi na po Lola. Ayos pa naman po ang mga iyan" tumango lamang si Lola sa sinabi ko. Pagkatapos maglinis ay naglaba naman kami ni Lola. Tumungo si Lolo sa bayan upang mamalengke. Tinatamad kasing lumabas ang Lola. Ako ang naglaba sa mga de-color habang si Lola naman ang sa mga puting damit. Tanghali na kami natapos. Si Lolo na ang nagsampay at nagluto ng tanghalian namin. Pagkatapos kumain ay nagpaalam na akong maliligo at mag-aaral ng liksyon. Iyon lang ang ginawa ko sa hapong iyon. Natapos akong mag-review nang oras na para sa hapunan.

"Apo, bumaba ka na at kakain na tayo" sabi ni Lola.

"Opo Lola" sabi ko. Inayos ko muna ang table ko bago sila samahan sa hapag-kainan.

"Kumain ka pa ng marami. Ang konti naman niyan" sabi ni Lolo habang linalagyan pa ng ulam ang aking pinggan. Hindi nalang ako nag-reklamo dahil gutom na gutom ako. Ako na ang naghugas ng pinagkainan namin. Sumang-ayon naman sila. 

"Lola punta na po ako sa kwarto ko" sabi ko kay Lola. Naligo na ako bago humiga sa aking kama.

Sa araw ng Linggo ay sa kabilang parokya kami nagsimba. Mayroon daw kasing kailangan daanan si Lolo sa kumpadre niya pagkatapos ng misa. Maaga kaming nakarating sa simbahan. Lumimos muna ng misa si Lola bago kami umupo. Nasa may bandang harapan kami dahil hindi pa naman masyadong maraming tao. Nag-rosaryo muna kami ni Lola. Nang matapos kami ay sakto namang nag-umpisa ng sambitin ang mga mass intentions. Kalaunan ay nagsimula na rin ang misa.

Halos matumba ako sa kinatatayuan ko ng makita ang isang pamilyar na mukha. Si Cede! Parang gusto ko tuloy magtago! Iba ka rin mag-isip Maggy paano ka makikita niyan e nasa altar ang tingin niya! Kinakabahan ako habang papalapit siya sa banda namin. Gusto ko nalang mawala dahil sobrang kinakabahan ako! 

Hindi ako halos makahinga nang tumigil siya sa tapat ni Lola. Mabuti nalang at hindi ako doon umupo! Nakahinga lang ako ng maluwag ng lumampas na siya sa amin. Isa siya sa mga may dalang kandila. 

Ang nangyari ay imbes na makinig ako sa misa ay lumilipad ang utak ko kung saan! Nako Maggy hindi mo nga alam kung nakita ka ba niya talaga. Ano ba 'yan!? Hindi ko namalayan na mabilis lang na lumipas ang mga pangyayari sa misa. Nang sumapit ang offertory ay napilitan tuloy akong mag-offer. 

"Ikaw na ang mag-offer apo, para naman mabasbasan ka ng holy water ni Father" hindi na ako naka-hindi kay Lola. Sumunod nalang ako. Tumayo na ako mula sa kinauupuan at dumiretso sa harapan. Napaka-galing talaga dahil nasa tabi pa siya ni Father! Gusto ko tuloy tumakbo pabalik sa upuan. Bakit ngayon pa kasi!?

Nakayuko lang ako noong ibinigay ko kay Father ang sobre at tumabi sa gilid. Nang wala ng nago-offer pa ay binasbasan kami ng holy water. Nagmadali naman akong bumalik sa upuan. Nabalik lang ako sa realidad nang Santo Santo na. Naging hudyat iyon para lumabas muli ang mga knights of the blessed sacrament. 

Sa tuwing nakikita ko siya ay kinakabahan talaga ako kahit na hindi ko alam kung nakikita niya ba ako o sadyang hindi niya lang ako napapansin dahil sa napakaraming tao. Wala na naman tuloy ako sa huwisyo. 

Wala ako sa sarili ko buong oras ng misa. Paano na ako mamaya sa sharing namin nina Lolo at Lola? Gusto ko nalang maiyak. Siguro naman ay makakagawa ako ng dahilan para lumiban muna? Pero nakakahiya naman kay Lola! Ang tagal na naming ginagawa iyon. 

Mabilis lang na natapos ang misa. Palabas na kami ng simbahan nang makita ang isang pamilyar na mukha. Si Tita Elisha! Halos hilahin ko si Lola paalis ng simbahan dahil ayokong makita siya. Nakakahiya! Ngunit huli na ang lahat dahil napatingin siya sa direksiyon namin!

"Maggy?" patay! Naaalala pa niya ako!

"Tita!" kumaway ako sa kanya. Wala akong choice kung hindi ang lumapit at magmano sa kanya. Kasama niya si Kuya Jace.

"Hello Kuya! Long time no see!" sabi ko sa kanya. Mas tumangkad pa si Kuya Jace kaysa sa dati. 

"Ang laki mo na Maggy! Kamusta ka na?" sabi ni Tita Elisha.

"Mabuti naman po. Kayo po?" 

"Naku..maayos naman din kami. Nakita mo na ba si Cede? Ang tagal na rin simula noong huli kang bumisita sa amin. Lumipat ka na rin pala" 

"Opo kila Lola po ako nakatira ngayon"

"Kapag may oras ka bumisita ka sa amin. Welcome na welcome ka naman sa bahay" sabi pa ni Tita Elisha. Welcome pa rin po ba ako sa buhay ng anak niyo? Nang makita ni Tita Elisha si Lola ay nagmano siya sa kanya. Nag-kamustahan lang sila. Kilala din naman ni Lola si Tita Elisha dahil kaibigan niya rin si Papa. Nang makita kong papalapit na si Cede sa amin ay nataranta ako. Sakto naman na nagpapaalam na si Lola kay Tita Elisha na aalis na kami. Napakaganda rin ng timing ni Lolo dahil nasa tapat na ng simbahan ang sasakyan.

Sumakay na kami ni Lola at napalingon ulit ako kila Tita Elisha na ngayon ay kasama na si Cede. Seryoso lang siyang nakikinig sa kanyang Mama. Napatigil ako ng mapalingon siya sa akin. Hindi ko mabasa ang kanyang mga mata.

Ano na Cede? Maaalala mo pa ba ako? O nagkukunwari ka lang na hindi mo ako kilala?



After The SunsetWo Geschichten leben. Entdecke jetzt