Pinky Labs

4.8K 119 12
                                    

aayaw – ayaw

ambo– puro

ari – puwede

bahin – bakit

ga – ba

kabulaanan – kasinungalingan

laang – lang

magpapalakat – iiyak

mangkabumaho – sobrang baho

mangkayumabang – sobrang yabang

naito – nandito

yanga – talaga

"Ay ano ga iyan? Sasali-sali sa contest, hindi naman pala alam ang lyrics", pambu-bully ng mga kaklase kong lalaki.

Sa totoo lang, gustung-gusto kong manapak ng mga sandaling 'yon pero dahil nag-promise ako sa best friend ko. . .

"Isang matamis na ngiti laang ang iganti mo", bulong ni Pinky.

Ngiting-aso ang iginanti ko.

"Ay ang hirap, mangkayumabang", muling pang-aasar ng kaklase kong mukhang hindi ko mahitsurahan. "Ay iyon pala'y magkakalat laang?"

Isang malakas na tawanan ng mga kaklase kong bullies.

"Ay kung ako iya'y magpapalakat na ako", kantiyaw ng isa ko pang kaklase.

"Baka nga ako'y magbigti pa eh", kantiyaw ng isa pa.

Nakasarado na ang mga palad ko. Mananapak na talaga ako.

"Hoy! Ikaw na mukha kang kalabaw, bakit kaya hindi ikaw ang magpakamatay?" sugod ni Pinky sa kaklase kong bully sabay hablot na manilaw-nilaw nitong kuwelyo. "Ano ang karapatan mong pagsalitaan ng ganyan ang best friend ko?"

"Masama gang magsabi ng totoo?" tanong ng kaklase kong tama! Mukhang kalabaw sabay bawi sa kanyang naninilaw na kuwelyo.

"Unang-una, bago ka magsalita. . .mag-toothbrush ka muna. Bukod sa ambongkabulaanan ang pinagsasasabi mo, mangkabumaho pa ng hininga mo", pagsasabi ni Pinky ng totoo.

"At para sabihin ko sa inyo", sabi ni Pinky sa grupo ng mga bully. "Sisikat itong best friend kong ito."

Tawanan. Isang maugong na tawanan.

"Ay bahin sisikat iyan ay tomboy?" pangangantiyaw ng isa ko pang kaklase.

"Darating ang araw na itong magandang tomboy na ito ang magiging dahilan kung bahin magiging proud kayo na taga-Lubang kayo", taas-noong sabi ni Pinky sabay hablot sa kamay ko. "Tara!" matamis ang ngiti nitong yaya.

"Thank you, Pinky", sabi ko sa kanya nang kami na lang dalawa.

"Wala 'yon. Basta naito ako, walang aring umaway sa 'yo", nagmamalaki niyang tugon.

"Hawag kang mawawala, huh?" pakiusap ko.

"Bahin? Love mo na ga ako?" nakangiti niyang tanong.

"Mmm-mmm", sagot ko sabay taas-baba ng aking dalawang kilay.

"Yanga?" kitang-kita ko ang kislap sa kanyang mga mata.

Isang kindat at isang matamis lang na ngiti ang isinagot ko.

"Sabihin mo ga eh", nakangiti niyang pangungulit.

"Eh", tanggi ko.

"Sabihin mo, "I love you, Pinky", pang-uuto niya.

"Ayoko nga", mariin kong tanggi.

"Ay ang sabi mo'y love mo ako. . .ay bahin aayaw mong sabihin?" basag ang boses nitong tanong.

"Pinky Labs", sabi ko. From now on, Pinky Labs na ang itatawag ko sa 'yo."

"Pinky Labs mo ako at ikaw ang Sweet Apiang ko", matamis ang ngiti niyang sabi.

Malaki ang binago ni Pinky sa aking buhay. Natuto akong magpahalaga sa kahit maliliit lang na bagay. Dati, ayaw na ayaw ko pero dumating ang isang araw na palagi na kaming tumatambay sa simbahan. 'Yong tipong bago pumasok sa school at bago mag-uwian. Wala lang, ang sarap lang sa pakiramdam, sobrang nakagagaan.

My Sweetest Downfall (Based On A True Story) by Epey HerherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon