I Love You. Pinky, I Love You.

731 11 7
                                    

Ako ang unang-unang bumaba ng sasakyan pero ako ang pinakahuling pumasok sa kuwarto. . .kuwarto kung saan nakaburol ang best friend ko. Dahan-dahan akong naglalakad palapit sa kanya. Pinipilit ko ang sarili kong kumalma. Hindi ako iiyak. Hindi ako iiyak. Hindi ako iiyak. Pauli-ulit kong sinasabi sa aking sarili. Hindi totoong wala na si Pinky. Napatitig ako sa larawan na nakapatong sa kabaong niya. Ang ganda-ganda ng ngiti niya. . .ang saya-saya niya. . .buhay na buhay siya. At umaasa ako. . .ipinagdarasal ko na prank lang ang lahat ng ito. Wala akong pakialam kung mapahiya ako on national television dahil nasa Wow Mali pala ako. Ang mahalaga, buhay siya. Ang mahalaga, masabi ko sa kanya na mahal na mahal ko siya.

Hindi ako iiyak. Hindi ako iiyak. Hindi ako iiyak.

Pero ilang hakbang na lang ang layo ko sa kabaong niya, wala pa ring lumalabas na camera. Hanggang sa heto na, nasa harapan ko na siya. Nakapikit ako, praying na pagbukas ng aking mga mata, walang Pinky na nakahiga sa kabaong na nasa harapan ko. Bibilang ako ng tatlo bago ko buksan ang mga mata ko.

Isa. Hindi ako iiyak.

Dalawa. Hindi ako iiyak.

Tatlo. Hindi ako iiyak.

Pagmulat ng aking mga mata, nakita ko ang pinakamamahal kong best friend. Nakapikit. Wala ng buhay. Pinilit kong mag-smile. Hindi ako iiyak. Hindi ako iiyak. Hindi ako iiyak. Repeat ten times.

"Pinky", mahina kong tawag sa pangalan niya.

. . .

"Pinky", ulit ko habang unti-unting namumuo ang luha sa aking mga mata.

. . .

"Pinky. . ." konting-konti na lang papatak na.

. . .

"May sasabihin ako sa 'yo. . ."

. . .

"First time ko itong sasabihin sa 'yo ah. . .huwag kang tatawa. . ."

. . .

"Pinky. . ."

. . .

"Huy. . . Pinky Labs! Sabi ko may sasabihin ako. . ."

. . .

"I love you. Pinky, I love you."

. . .

"Pinky, sabi ko, mahal kita", at tuluyan na ngang dumaloy ang luha sa aking mga mata na tumulo sa aking magkabilang pisngi papunta sa salamin ng kabaong ni Pinky.

. . .

"Pinky, tinagalog ko na. . ." Ito na yata ang pinakamalungkot na joke na nasabi ko sa kanya.

. . .

"Pinky, nasabi ko na. Gising ka na."

. . .

"Pinky, mahal na mahal kita."

. . .

'Yon ang pinakagusto niyang marinig sa 'kin pero huli na. Kahit paulit-ulit kong sabihin na mahal ko siya, wala na. . .

huli na. . .

hindi na niya maririnig. . .

at 'yon ang pinakamasakit.

My Sweetest Downfall (Based On A True Story) by Epey HerherTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon