+𝕼𝖚𝖆𝖙𝖗𝖔+

170 25 41
                                    

Alas syete na ng gabi at iba na ang simoy ng hangin, mukhang nagbabadya na naman ang isang malakas na ulan. Kahit maayos na ang higa sa kama ay hindi ko pa rin magawang matulog. Bagama't walang ibang kakilala sa islang ito ay bukas palad kaming tinanggap ni Nanay Krising, marahil siya lamang din ang may malaking bahay na kayang tumanggap ng malaking bilang ng bisita. Iniisip ko pa rin ang sinasabi niyang may kakaibang kondisyon, bakit ako?

Habang nagpapaantok ay narinig ko ang pagbukas ng bintana dahil sa malakas na hangin. Ang paglagingit ng lumang kahoy ay nakakairita sa tenga kaya bumangon ako at kahit natatakot ay lumapit dito. Doon ko napansin ang isang babaeng nakaitim na nakatayo sa tapat ng bahay, nakatitig ito sa bintana ko. Mataas mula sa kinatatayuan niya, ang aking silid ay nasa ikalawang palapag ng bahay. Nang maisara ang bintana ay agad akong bumalik sa aking pagkakahiga at nagbalot ng kumot. Ngunit narinig ko na lamang ang tunog ng lumang kadena na hinihila mula sa hagdan. Palapit ito sa akin, palapit nang palapit sa aking kuwarto.

Hindi ko na mapigilan ang pamamawis ng aking katawan at kahit naiinitan na ay hindi ko pa rin magawang tanggalin ang aking kumot. Ilang segundo pa ay naramdaman ko na ang marahang paghila ng aking kumot at kahit anong pilit na pigilan ay nahahatak nito ang tela dahilan upang mabungad ang tao sa dilim. Doon tumambad sa akin ang mukha ng isang nakakatakot na babae, itim ang mga mata nito at kulubot ang balat. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at nasaksihan ko ang pagtulo ng maitim na likido mula sa nahahalit niyang pisngi. Nanlaki ang mga mata ko ng sandaling iyon at wala na akong ibang nagawa kung hindi ang sumigaw.

"Ayos ka lamang ba?" tanong ng isang babae na nakatayo sa dilim sa tapat ng aking bukas na pintuan.

"Si-sino ka?"

"Ako ito si Eva," lumapit siya sa akin at hinaplos ang aking likuran."Narinig ko ang sigaw mo mula sa kuwarto ko sa baba kaya umakyat ako, ayos ka lamang ba? Mukhang pawis na pawis ka ah," pagpapatuloy niya.

"May babae, Eva, may babae dito."

"Anong babae? Bukod sa akin, sa kaibigan mo, at kay nanay Krising ay wala ng ibang babae dito."

"Hindi, may babae talaga kanina dito" giit ko sa kaniya.

"Alam mo magpahinga ka na. Baka masyado ka lamang napagod kaya ka nagkakaganyan, hayaan mo bukas na bukas ay ipapaalam ko kay Nanay ang sinasabi mo." Inihiga niya ako sa kama at hinaplos ang buhok.

Kinabukasan ay maaga akong nagising, bumaba ako sa unang palapag at inilibot ang aking mga mata sa paligid. Napakalinis ng bahay at napakaayos ng disenyo, tila ba pinag-aralang mabuti bago itayo. Habang naglilibot ay narating ko ang dulo ng unang palapag, isang nakakandadong pintuan. Kumatok ako dito at inilapit ang aking tenga, walang tumutugon mula sa loob. Aalis na sana ako nang maamoy ang isang malansang hangin, halos masuka-suka ako habang naglalakad paalis sa kinatatayuan ko.

Naupo ako sa salas at pilit na nililimay ang nangyari sa mga nagdaang araw lalo na sa kababalaghang nangyari kagabi.

"Ang aga mo ah," bati ni Ranz na naupo sa tabi ko.

"May napansin ka bang kakaiba kagabi?" tanong ko sa kaniya.

"Wala naman, bakit? Ang himbing nga ng tulog ko e, ikaw ba? Anong nangyayari sa'yo?"

"Wala, baka panaginip lamang. Mukhang kailangan nating gumawa ng bagong plano. Ako ang itinuturo ni Nanay na may sakit at hindi si Mhia, alam rin niya na si Mhia ang naglakad papalapit sa kaniya gayong sabi nila ay bulag na ang matanda. Mukhang hindi biro 'tong ginagawa natin ah."

"Edi Plan B tayo, ikaw ang magpanggap. Si Mhia naman ang mag-aasist sa amin ni Olive, ikaw pa rin ang leader. "

"Wala sa akin kung sino ang leader o ano ako dito, parang gusto ko ng umuwi. Puwede bang tapusin na natin 'to at umuwi na tayo? Hindi ako komportable dito, hindi ko alam."

"Pinatatawag ka ni Nanay," napalingon kami ni Ranz at doon lamang namin nalaman na nasa likuran pala si Eva. Lumapit siya sa mesa at ibinaba ang dalawang tasa ng tsaa. Tumayo ako saglit at pumasok sa kuwarto ni Nanay Krising.

"Maupo ka hija, kumusta?" tanong niya. Malamang rinig niya ang pagbubukas ko ng pintuan kaya alam niyang may tao na sa loob ng kuwarto.

"Ayos naman po, pinatawag niyo daw po ako?"

"Alex? Tama? Nabanggit na ni Eva sa akin ang nangyari sa'yo kagabi, hayaan mong hawakan ko ang palad mo," inihawak ko ang kamay ko sa kamay niya at mahinhin niya itong kinapa hanggang sa magtagpo ang aming mga palad.

"Mapaglaro ang utak ng tao, minsan ang akala nating totoo ay pawang kathang-isip lamang. Minsan naman ang akala nating kathang-isip ay siya na pala ang totoo. Nakakalito, nakakatakot, at nakababahala, pero ano bang basehan ng katotohanan? Ang naririnig mo ba? Nakikita? O nararamdaman? Mag-iingat ka hija, hindi biro ang sumusunod sa'yo,"bulong niya sa akin.

Kumuha siya ng baso mula sa gilid ng kaniyang kinauupuan. Nilalangaw na ito at sa hindi kalayuang pagitan ay amoy ang pagkapanghi  ng likido. Dumura siya rito at doon ay tanaw ko ang mamula-mulang laway na galing sa kaniyang bibig.

"Ikaw ang hinirang, ikaw ang itinakda. Ikaw ang simula, ikaw ang katapusan.Ikaw ang pinili para sa bagong buhay, ikaw rin ang pinili upang wakasan ito. Ikaw ang purong puti at ikaw ang dudungis at magmamantsa. Ikaw ang liwanag, ikaw ang dilim."

"Ano pong ibig ninyong sabihin?"

"Magiging malaya ka lamang kung pipiliin mo ang bulong sa'yo, Alex. Tandaan mo na hindi mo makakamtan ang tunay na kalayaan hangga't hindi mo pinipiling maniwala."

"Malaya? Malaya naman po ako, ano po bang mas malinaw ninyong ibig-sabihin d'yan?"

"Sinadya tayong magtagpo hija, hindi ito basta nangyari. Ikaw ang inukit sa buwan at matagal ng hinihiling ng sansinukuban."

Kinapa niya ang bell na nasa mesa sa tapat niya, itinaas niya ito at kinalansing ng paulit-ulit. Umihip ang malakas na hangin at tuluyang namatay ang apoy sa mga kandila sa loob ng silid. Mahina ngunit nababakas sa mga labi niya ang mabilis na pagsambit ng mga salita, para siyang nagdadasal ng ibang lenggwahe. Tumirik ang mga mata niya at bigla na lamang siyang tumumba. Agad naman akong tumayo at sinilip ang kaniyang mukha.

"Libertad!" sigaw niya.

Nagmadali akong lumabas ng silid at tinawag si Eva para tingnan ang matanda. Pumasok siya sa loob at ilang minuto pa ay lumabas muli upang harapin kami. Bakas sa mukha niya ang mga ngiti at masiglang umakyat sa ikalawang palapag, hindi ko alam kung bakit pero nakapagtatakang hindi siya nag-aalala sa kalagayan ni Nanay Krising. Ilang sandali pa ay umalingawngaw ang malakas na pagtunog ng bell. Isa, dalawa, tatlo. Makatatlong ulit niya itong kinalembang bago lumabas sa iisang kuwarto si Olive at Mhia.

"Anong nangyayari?" tanong ni Olive.

"Hindi ko rin alam," sagot ko sa kaniya.

Sa hindi malamang dahilan ay malakas ang pagkabog ng aking dibdib, parang gustong kumawala ng puso ko mula sa aking katawan. Nanindig ang mga balahibo ko ng sandaling 'yon at nagdilim na lamang ang aking paningin. Nawalan na lamang ako ng malay at tuluyan nang bumagsak sa sahig.

"Magsisimula na ang piyesta! Sa wakas, ibinigay na ang bagong simula!" masayang sigaw mula sa mga hindi ko mabosesang tao.

Pray for Us Sinners (PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONS)Where stories live. Discover now