+𝕶𝖎𝖓𝖘𝖊+

44 10 18
                                    

Ilang buwan na nga ba mula nang una't huli kong marinig ko ang boses na 'yon?

Desyembre noon, pasado alas dose ng madaling araw at mag-isa lamang ako sa kuwarto. Nakaluhod ako sa sahig sa tapat ng maliit at kahoy na krus na nakasabit sa dingding. Patay na ang mga ilaw ng sandaling 'yon at tanging ang pag-indap ng kidlat ang nagbibigay liwanag sa buong silid. Hindi maitatangging nakakapanginig ang lamig dahil lakas ng hangin at ulan.

Pinagdikit ko ang aking mga palad at ipinikit ang aking mga mata, inihanda ang sarili para sa isang panalangin.

"Sa ngalan ng ama, ng anak, ng espiritu, santo ... Amen," panimula ko. Taimtim kong dinamdam ang bawat segundo, pinakikiramdaman ang haplos ng langit.

"Ama, iligtas po ninyo ang lahat sa panahong ito. Iligtas ninyo kami mula sa mga sakuna at gabayan niyo kami sa mga pagsubok. Hindi ko alam kung nasaang parte na ako ng buhay ko ngayon, sa'yo lamang ako kumakapit at naniniwala. Gabayan mo ako, Panginoon."

Nahinto ako sa pagsasalita matapos makarinig ng mga laginit sa sahig. Ipinaling ko ang aking ulo at tiningnan kung sino ang humahakbang ngunit walang ibang tao, baka si Bonna, ang aking alagang pusa. Nagpatuloy ako sa pagdadasal, " Iligtas po ninyo kami sa anumang uri ng sakuna at gabayan kami sa mga problema. Iligtas mula sa laro ng mga demonyo at panganib sa mundo. Sa ngalan ng ama, ng anak, ng espiritu, santo -"

"AMEN," tugon ng isang malalim na boses mula sa likuran ko. Hindi ko mapigilan ang manginig dahil sa takot.

Walang ibang tao sa bahay kaya nakapagtatakang may ibang boses akong maririnig. Pinilit kong ilipat ang aking atensyon sa krus na nasa unahan, huminga ako ng malalim at inisip na baka guni-guni lamang ang lahat. Akmang tatayo na ako mula sa pagkakaluhod ay tila ba may kung anong puwersa ang pumasok sa aking katawan. Hindi ko mapigilan ang paghabol sa aking hininga, napaliyad ako habang ibinubuka ang aking bibig. Para akong sinasakal, namimilipit sa sakit ng katawan, parang pinaliguan ng isang timbang tubig dahil sa hindi normal na pamamawis. Ramdam ang mainit na palad na sumasakal sa akin ngunit kahit anong hawak ay hindi ko ito makapa. Napahiga ako sa sahig, boluntaryong nangisay ang aking katawan ng mga sandaling 'yon. Isang boses ang bumalot sa buong paligid. Nakatapagtatakang nahinto ang pagkidlat ngunit tanaw mo ang nagbabadyang kuryente na pababa sa lupa, nahinto ang pag-ulan na bakas sa kawalan ang butil ng tubig. Para bang huminto ang oras, huminto ang lahat sa pagalaw.

"Kanino ka ba nananalangin,anak?" tanong niya.

Hinihingal kong inilibot ang aking paningin, walang ibang tao. Nawala rin ang lahat ng gamit sa buong kuwarto at tanging natira na lamang ay ang krus na nakasabit sa dingding. May dugong umagos mula rito, hindi ko alam kung paano ito nangyari ngunit alam kong totoo ang nasaksihan ko.

"Sino ba ang dinadasalan mo? Narito kami," pagpapatuloy niya.

****

Ang boses na 'yon, narinig ko na ang boses na 'yon. Ang pamilyar niyang pagkakabigkas ng bawat salita.

Hindi pa rin ako makapaniwala sa aking nasaksihan, sa paanong paraan niya naisipan na gawin 'yon? Sino ka ba talaga?

Mula sa aking kinatatayuan ay tanaw ko kung paano halos masiraan ng ulo si Ranz sa nangyari. Para akong baliw na nakatayo sa gitna ng giyera. Hinawakan niya sa braso si Alex at paulit-ulit na niyanig ang katawan nito.

"Narito sila!" sigaw ng mga lalaking palapit sa kinatatayuan namin.

Hindi pa rin dumaloy sa utak ko ang bawat senaryo. Bakas sa mga mata ni Ranz ang pag-aalala, ang pagkatakot at pagkalito. Malamang pareho kami nang iniisip, pareho ng palaisipang nais masagot. Bakit? Ang paulit-ulit kong tanong sa isipan.

"TAKBO! TUMAKBO KA NA!" sigaw na Ranz habang nakatingin sa akin.

Umiiling akong napalunok ng laway, hindi ko mapigilan ang hindi maiyak. Parang alam ko na kung ano ang sasapitin nito.

Pray for Us Sinners (PUBLISHED UNDER TBC PUBLICATIONS)Where stories live. Discover now