July 06, 2017 | 02:11 PM

431 39 0
                                    

Forty days . . . porti paking days nang wala si Popo.

At dahil nga do'n, 'di na ako mag-isang dumalaw kay Popo ng araw na 'to.

Kasama ko sina Wawa—ang lola ko, si mama at ang cute kong pamangking si Duke. 'Di nga lang nakasama ang kapatid kong si Dani kasi may pasok s'ya. Bawal umabsent, terror ang mga prof n'ya.

Sumama din 'yong isa kong mekaniko slash sidekick kong si Dondon saka si Aling Tes na nag-no-novena para kay Popo.

Pagkababa ko mula sa driver's seat ng jeep na inarkilahan namin, mabilis naming inalalayan ni Dondon si Wawa. Mahina na kasi s'yang maglakad at baka kasi nahilo sa byahe. 'Di pa naman na n'ya kayang bumyahe kahit sa malapitan lang.

Dahan-dahan lang kaming naglakad papunta sa puntod ni Popo. At habang papalapit kami doon, nararamdaman kong pahigpit nang pahigpit ang hawak sa akin ni Wawa. Tapos tumulo na nga ang mga luha n'ya.

"Wawa," tahimik kong sabi sa kanya.

Binitiwan n'ya ako sandali para magpahid ng luha saka ako nginitian. "Ayos lang ako, Apo. Na-mi-miss ko lang talaga ang Popo mo."

Tiningnan ko si Dondon nang binalingan n'ya ako. Nakikita ko sa mukha n'ya na naghihintay s'ya sa reaksyon ko sa sinabi ni Wawa.

"Ano?" walang boses kong singhal sa kanya. Inaasahan ba n'yang maiiyak din ako? Ang gago, inirapan lang ako.

Nang makarating kami sa puntod, pinaupo na namin si Wawa sa dala naming fordable chair.

Naghanda na sila mama para sa novena. Si Dondon, nag-volunteer na bantayan ang mga dala naming pagkain na nasa jeep. Mukha n'ya, alam kong pupuslit lang s'ya para kumain.

"Duke! 'Di 'to playground!" suway ni Mama sa apo n'ya.

"Ako na magbabantay sa kanya, Ma," boluntaryo ko.

"'Di ka sasabay sa pagdadasal?"

"Pa'no si Duke? Tsaka alam mo namang high blood 'to kay Dondon. Miistorbo lang kayo sa pagdadasal."

Hinawakan n'ya ako sa braso na may kasamang pagpisil. "Oh, s'ya sige."

Hinuli ko na ang makulit kong pamangkin na tumatakbo-takbo sa mga lapida bago nagpunta sa jeep. Para na rin mabantayan si Dondon.

Makulimlim ang langit pero mukha namang 'di naman uulan at malakas din ang hangin.

Nakaupo ako sa bukana ng jeep, sa sahig habang binabantayan ko si Duke na naglalaro sa gilid ng daan.

Si Dondon, ayon, nakahilata sa isa sa mga upuan ng jeep. Nakapatong pa ang isa niyang paa sa sandalan.

"Boss, may tanong ako," bigla n'yang sabi.

Tingnan mo nga 'to. Nakalimutan na namang 'di niya ako dapat tawaging boss 'pag wala kami sa talyer. Hindi ko na lang pinansin. "O?"

"Pang-ilang araw na ba ng novena 'yan?"

"Pang-s'yam. Ngayon nga ang huli, 'di ba? Kasi pang-forty days na."

"Sa s'yam na beses na 'yon 'di kita nakitang sumabay. Natatakot ka bang baka masunog ka?"

Nilingon ko s'ya na may pagbabanta ang mga mata ko. Loko 'to. "Suntok o sipa?"

Nag-peace sign ang gunggong. "Joke lang! Pero 'yon kasi ang napapansin namin nina Manong Kulas. 'Pag nagdadasal na, umaalis ka. Bakit, boss, bakit?" madrama n'yang sabi. "Sabihin mo!"

Inabot ko ang tsinelas n'yang nasa sahig at binato 'yon sa paa n'ya.

"Joke lang! Pero bakit nga?"

Tiningnan ko ang pamangkin kong tumatakbo na naman. "Oy, Duke! 'Wag takbo nang takbo. Walang humahabol sa 'yo."

"Aysows!" Naramdaman kong bumangon na si Dondon at pumwesto sa pinakadulo ng upuan, sa may gilid ko lang. "Boss, 'wag takbo nang takbo. Walang humahabol sa 'yo."

Tiningnan ko s'ya nang masama. "Baka ikaw tumakbo ngayon dahil gugulpihin kitang hayop ka."

"Ikaw kasi ang kulit! Sagutin mo na lang kasi ang tanong ko!"

"Kasi nga, ayoko." Bumaba na ako ng jeep at ipinatong na lang ang isa kong braso sa bakal na nasa likuran ng jeep. 'Yong isa ko pang kamay, nasa bewang ko.

Nakikita ko sila mama na nagdadasal. Binalik ko ang paningin kay Dondon. "Ayokong naririnig 'yong kaawaan mo ang kaluluwa ni—" napailing ako. 'Di ko kayang idugtong d'on ang pangalan ni Popo. "Kuha mo na? Ayoko n'on, Don."

Napahimas ng baba si Dondon, tumango-tango pa s'ya. "Gets, Boss, gets."

"Duke!" napatawag ako sa pamangkin ko nang makitang may kotseng paparating. Tumabi naman ang pamangkin ko. Kaming tatlo, nakatingin lang sa kotseng dahang-dahang huminto sa harap namin.

Pero sa aming tatlo, sigurado akong ako lang ang kinakabahan.

Andito s'ya ulit!

Napa-ayos ako ng tayo at tiningnan ang babaeng nasa likod ng manibela. Nakatingin s'ya sa kinaroroonan nila Wawa. Mukhang nagdadalawang-isip kung pupunta o hindi.

Nagulat na lang ako nang biglang tumalon si Dondon sa tabi ko. "Boss! May chick!" pabulong n'yang sabi pero malakas pa rin.

Tinakpan ko ang mukha niya. "Tumahimik ka!"

"Hello!"

Nanlaki ang mga mata namin sa boses ni Duke. Pagtingin namin sa kanya, nasa gilid na s'ya ng kotse at kinakawayan ang magandang babae.

Pucha, mas nauna pang dumamoves ang three years old kong pamangkin kesa sa amin!

Nakita kong ngumiti ang anghel. Mas lalo s'yang gumanda! Saka niya b'naba ang bintana ng kotse at kinawayan din si Duke.

Tinulak ko ang mukha ni Dondon na hawak ko pa pala. Lumapit na ako kay Duke. 'Di ko hahayaang s'ya lang ang maka-pogi points—este, 'di ko s'ya hahayaang mang-istorbo ng ibang tao! 'Yon ang gusto kong sabihin!

Hinawakan ko ang maliliit na balikat ng pamangkin ko, nakayuko ako, habang nginingitian ang magandang babae. "P-pasensya na, Miss."

Dahang-dahang nawala 'yong ngiti n'ya habang nakatingin sa akin. "It's okay."

Nanghina ako sa sobrang tamis ng boses n'ya. Mahina at malambing pero may kaunting pagmamaldita din. Tapos tinanguan n'ya ako at pinaandar na ulit ang kotse n'ya saka umalis.

Nanatili ang mga mata ko sa kotse n'ya hanggang sa lumiko 'yon at 'di ko na nakita.

"Tito Pogi!"

"Ha?" nagulat ako sa pagtawag ni Duke, tumalsik pa ang laway n'ya sa mukha ko!

"Aysows! Natulala na tito mo, Duke. Nakausap lang ng maganda," hirit naman ni Dondon. "'Lika ka dito, ako na lang tawagin mong pogi."

"Waaatteeer!"

Kinarga ko na ang pamangkin ko. Ako rin, parang kailangan ko din ng malamig na tubig nang mahimasmasan ako. "Tara, walwal!"

Dos and Don'tsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon