July 14, 2017 | 02:08 PM

370 40 24
                                    


Matapos ang ngarag na limang araw sa talyer, ngayon lang ako nakabalik ulit sa sementeryo. Ang totoo n'yan kahit ngayong araw ngarag pa rin kami sa dami ng inaayos na sasakyan (hashtag blessed) at hanggang ngayon, 'di pa ako nakakapananghalian. Ang paalam ko sa kanila, manananghalian lang ako.

Nagduda pa sila dahil bagong ligo, nakapagpabango, suot ko ang isa sa mga bagong "good vibes" shirt na may nakalagay na T-SHIRT NA PUTI PARA SA GAYA KONG POGI, ang ever reliable kong maong at luma pero pogi pa ring sneakers.

Oo, manananghalian lang talaga ako.

Sa sementeryo.

Bakit ba? Kanya-kanyang trip lang 'yon at 'di na nila kailangang malaman.

Nakabili ako ng kanin at makunat na pritong manok tapos isang nilalagnat na Coke Mismo sa isang karinderyang nadaanan ko. Solb na ang pananghalian ko.

Ang 'di ko lang na-anticipate, ganito pala kahirap kumain sa sementeryo. Masikip sa dibdib ang bawat lunok. Bakit? Ikaw ba naman ang kumain habang kaharap ang lapida ng taong miss na miss mo na? Halos mabibilaukan ka sa bawat subo. Pero kasalanan din talaga 'to ng matigas na manok, eh. Kailangan pang makipagbuno bago mo makagat.

Haaay.

Naubo na ako nang tuluyan kaya mabilis kong kinabog ang dibdib ko habang umiinom ng Coke. Napangiwi ako. Ang pangit talaga ng lasa kung 'di malamig.

Habang ngumunguya, sa ibang bagay ko na lang ibinaling ang atensyon ko.

"Young Master!" masigla kong bati habang nag-ba-bow sa lapida ni Vince Gabriel Marco. "Musta ang heaven? Kung iyong mararapatin, Young Master, pwede bang magtanong?" magalang at pormal kong tanong sa picture n'ya.

Sumubo muna ako ng isang kutsarang kanin bago nagpatuloy. "Ba't ang aga n'yong umalis? Sa sobrang aga, ayan tuloy, 'yong magandang babae, parang 'di pa nakaka-move on sa pagkawala mo. Biruin mo, two years ka nang wala ta's hanggang ngayon parati pa rin s'yang dumadalaw. Ta's umiiyak at nalulungot pa rin s'ya. 'Di pa nakaka-move on." Kumagat ako sa drumstick na kasing tigas nga ng stick. "Nga pala, kaano-ano mo pala s'ya?"

Pagkatanong ko n'on, 'yong katahimikan ng paligid biglang napalitan ng isang tunog ng makina.

Kinabahan ako bigla.

Beetle kasi ang tunog na 'yown!

Mabilis ko 'yong nilingon at napa-"shet na malagket" nang makitang kulay light blue iyon.

Binalingan ko si Popo at si Young Master—o ang mga lapida nila. "Po! Young Master! Andito s'ya ulit!" pabulong kong bulalas kaya nagsitalsikan ang mga mumo mula sa bibig ko. Tinamaan ang lapida ni Popo kaya mabilis ko iyong pinalis. "Sorry, Po, sorry! Bastos na mga kaning 'to nagsipagtalsikan lang bigla!"

Nilingon ko ulit ang kotse nang mapansing nakapatay na ang makina. Nakita ko sa bintana 'yong magandang babae. Mabilis akong nag-iwas ng tingin. "Pucha, andito nga s'ya."

At bakit ako natataranta? Kalma!

Tiningnan ko ang ayos ko. Mukha naman akong tao. Poging tao pa nga.

Nyehehehe!

Mabilis kong niligpit ang pagkain ko na nasa plastic lang. Nakakahiya namang masyado akong makalat sa harap ng isang anghel. Uminom na rin ako, natataranta kasi talaga ako, e. Kahit pa 'di naman nakakatanggal ng nerbyos ang Coke.

Nakababa na s'ya ng sasakyan nang lingunin ko s'ya ulit pero natigil siya, tila ba nagdadalawang isip na lumapit.

Tumayo na 'ko. "Miss!" tawag ko sa kanya, malakas ang boses. Pasensya na sa mga namamahinga, pramis, ngayon lang 'to. Wala kasi akong balak lumapit sa magandang babae kasi baka bigla na lang siyang kumaripas ng takbo. Nilahad ko ang kamay ko sa puntod ni Young Master. "Lapit ka lang! Walang kailangang ikatakot! Saka—"

Dos and Don'tsWhere stories live. Discover now