July 08, 2017 | 02:12 PM

398 35 7
                                    


"'Wag kang tumakbo!" sigaw ko sa makulit na si Duke na tumakbo papunta sa puntod ni Popo. Kasama ko silang dalawa ng mama n'yang si Daniella.

Sabado at walang pasok si Dani kaya gusto n'yang bumawi sa hindi pagpunta dito noong pang-forty days ni Popo kaya sinamahan ko sila.

Napansin ko ang bagong bitbit na robot ni Duke. Kanina pa n'ya pinagyayabang na galing daw 'yon sa langya n'yang Tatay. Ako na ang nagdagdag ng 'langya', 'di si Duke.

"Sunget." Nilingon ako ni Dani habang naglalakad kami. "Nagkikita na naman ba kayo ng hinayupak mong ex?" Kumulo dugo ko habang iniisip ang katarantaduhan ng tanginang 'yon.

"Isang beses lang naman 'yon, Kuya. Gusto lang makita si Duke."

"Sarap putulan ng kaligayahan ang gagong 'yon. Tinalikuran kayo tapos ngayon, parang wala lang nangyari? Gusto na n'yang makita anak n'ya na pinagtaguan n'ya ng ilang taon?"

"Pinagbigyan ko lang naman kasi gusto din ni Duke. 'Di na nga binitiwan ang robot na bigay ng papa n'ya."

Tiningnan ko s'ya ng mataman. "Baka naman nakikipagbalikan na ang gunggong na 'yon."

"Kuya, 'di ko na 'yon babalikan. Ang ganda ko para bumalik pa sa basurang 'yon."

Natawa na ako. 'Di maipagkakaila. Magkapatid nga kami ni Dani . . . may dugong mayayabang.

Pero masyadong malayo ang mga ugali namin. Masyado kasing seryoso 'tong isang 'to sa buhay. Habang ako . . . well, sabihin na lang nating mas gusto ko ang comedy kesa sa drama.

"Kuya, ba't naman pink 'tong bulaklak na binili natin?" pagtataka n'ya. Salubong ang mga makakapal niyang kilay, naniningkit pa lalo ang mga mata at nililipad ng hangin ang light brown na buhok.

"Gusto ni Popo ang fenk," simpleng sagot ko sa kanya.

"Pa'no mo alam?"

Hinawakan ko ang baba ko sabay ngisi sa kanya. "Dahil ang pogi ko."

Pinaikutan n'ya ako ng mga mata na lagi n'yang ginagawa sa akin. "Ewan ko sa 'yo, Kuya. D'yan ka na nga." At iniwan ako ng maganda kong kapatid.

Tumatawa lang akong sumunod sa kanya. Kinuha ko 'yong tarp na naka-ipit sa puno at naluhod kami sa harap ng lapida ni Popo. Habang ang cute kong pamangkin ay kung anu-ano na lang ang itinatanong. Bakit daw namin inaalayan ng bulaklak ang isang semento. Bakit daw kami nagsisindi ng kandila gayong maliwanag naman. At bakit daw umiiyak ang mama n'ya.

Tumambay kami sa ilalim ng puno habang nag-mo-moment ang mama n'ya sa harap ng lapida ni Popo.

"Duke, assignment ko na lang 'yang mga tanong mo. Upo ka lang d'yan. Magbunot kayo ng robot mo ng damo para masaya."

Sumunod ang kawawa kong pamangkin sa kalokohan ko. Wala akong magawa kaya tiningnan ko na lang ang kalsada.

Walang light blue Beetle Volkswagen ang nakaparada do'n. Tapos naalala ko bigla 'yong nangyari noong isang araw, no'ng nag-hello sa kanya si Duke. Parang naririnig ko ulit ang matamis na boses ng anghel.

Tiningnan ko ang suot kong relo. Kapag ganitong oras, andito na dapat s'ya.

Pero bakit wala pa?

"Alin, Kuya?"

"Ha?" pagtataka ko kay Dani. Pati si Duke napatingala na rin sa akin habang. Binalingan ko muna ang bata sa tabi ko. "Maglaro ka lang d'yan. Marami ka pang damong 'di nabubunot." Tapos si Dani naman ang kinausap ko. "Nasabi ko ba ng malakas?"

"Anong hinihintay mo?" pabalik n'yang tanong, nagpapahid na ng mga luha. Tiningnan n'ya rin ang kalsada. "May dadating ba?"

"Poreber ko," biro ko sa kanya.

Sumimangot siya. "Walang gan'on!"

"Bitter neto. 'Di ibig sabihin nasaktan at naloko ka na sa pag-ibig 'di na totoo 'yon. Paano pa lalapit ang pag-ibig sa 'yo kung una pa lang 'di ka na naniniwala sa kanya?"

Natahimik si Dani sandali. "Paano mo nagagawang maniwala matapos ang nangyari kina mama at papa? Ng ginawa ng . . . " Tiningnan n'ya si Duke na nagbubunot pa rin ng mga damo. " . . . ng censored n'yang tata sa akin?" Natawa ako sa paggamit n'ya ng salitang censored nang literal. "Mga ka-age lang 'ata nila Popo at Wawa ang makakaranas n'on. After nila, wala na."

Napangiti ako. "Kailangan mo lang maniwala, Sunget. May kanya-kanya naman tayong mga lab stowi, e. Ikaw, bata ka pa. Paparating pa lang ang ka-poreber mo." Ngumisi ako nang may maisip na kalokohan. "O malay mo, si Dondon pala 'yon?"

"Yuuuck, Kuya!"

Tawa ako nang tawa sa kanya. Diring-diri, e.

Lumipas ang maraming minuto, tumayo na kami ni Dani para umuwi. Pawis na pawis na rin si Duke sa kakatakbo, bored na kasi sa pagbunot ng mga damo.

Tiningnan ko ulit ang relo ko. Malapit nang mag-alas tres.

At wala pa rin s'ya.

'Di kaya mali ako nang hinala? 'Di talaga s'ya araw-araw na nandito? Pero imposible kasing nagkataon lang 'yong palagi naming pagkikita dito.

"Ano? Dumating ba forever mo? 'Di ba wala?"

Inakbayan ko si Dani. "Marami pang araw ang darating. Don't stop bilibing!"

Dos and Don'tsWhere stories live. Discover now