July 30, 2017 | 09:34 AM

154 22 2
                                    

Bumalik ako sa sementeryo. Nagbabakasakali. Pero ganoon pa rin.

Wala akong naabutan.

Ang makina ng motor ko lang ang maingay. Pagkapatay ko, para akong nilamon ng katahimikan. Rinig na rinig ko ang bawat pag-apak ko sa damo papunta sa puntod ni Popo.

Kahit na 'yong mga dahon sa malaking puno, 'di sila nag-iingay. Para bang nakikiramdam sila sa akin.

Tiningala ko sila pagkaupo ko sa tapat ng lapida. "Ayos lang ako, mga dahon, mas makakatulong kung nag-iingay kayo d'yan."

Naghintay ako ng ilang sandali pero 'di nila ako pinagbigyan.

Nagsindi na lang ako ng kandila.

Tiningnan ko ang bakanteng espasyo sa tabi ko.

Bumuntong-hininga ako at ginulo ang buhok.

"Po, ano ba 'tong ginawa ko?"

Hinayaan ko na ang sariling mahiga sa damuhan. Wala akong pake kung nasa sementeryo ako. Mag-isa. At walang kasama. Kung meron man, 'di ko siya nakikita. At sana 'wag na siyang magpakita. Mag-rest in peace na lang siya.

Nasa mga mata ko ang isang braso.

"Po, 'di ko alam gagawin ko. 'Di ko iningatan, eh. Kumawala at lumayo tuloy."

Kinabog ko ang isa kong kamay sa dibdib ko.

Inayos ko ang braso sa ibabaw ng mga mata.

01:06 PM



Kapapasok ko pa lang ng gate ng bahay namin, una kong nakita ang isang babae. Kausap niya si Mang Kulas at Dondon at mukhang seryoso ang mga mukha nila. Parang galit 'yong babae.

Pasulyap-sulyap din sa kanila ang ilang mga tauhan sa talyer at mga customers.

Mukhang may probema nga.

Dali-dali kong itinabi ang motor ko 'di pa ako nakabababa, nilapitan na 'ko ni Jeprox, isa sa mga mekaniko dito.

"Boss! Si Ma'am Sandy, galit na galit."

Tinanggal ko ang suot kong helmet. "Bakit? Problema?"

"Puntahan niyo na lang, Boss."

Tinapik ko siya sa balikat at nilapitan nga ang tatlo.

"Fine! Babalikan ko na lang 'yan mamaya. I-ca-cancel ko na lang 'yong lakad ko. Tutal wala din naman akong kotseng magagamit."

'Di pa ako nakakalapit nang husto, nag-walkout na si Miss Sandy. Nilagpasan niya ako.

"Problema?" tanong ko kila Mang Kulas at Dondon, umiinit na rin ang ulo. Dumarami ang problema, eh.

"Hindi nagawa ni Dondon ang kotse ni Ma'am Sandy."

Nagsalubong ang mga kilay ko at nagpamewang nang makitang ngumisi lang si Dondon at nag-peace sign sa akin.

'Di ko mapigilang maasar. "Ano 'yan, Don? Tigil-tigilan mo 'ko sa pa-peace sign peace sign mo."

Nagkatinginan sila ni Mang Kulas, parehong gulat sa biglang galit ko.

"Boss kasi—"

"Ano? Papetiks-petiks lang tayo dito? Laro ka lang kasi ng laro! Pucha ang daming gawain dito pero panay ka kalokohan! Dinadaan mo sa laro at biro ang lahat. Pati trabaho mo nakakaligtaan mo na!"

At sumabog na nga ang bulkang Dos mga kababayan. Pero 'di naman talaga si Dondon ang sinabihan ko n'on. Ang sarili ko.

Napayuko si Dondon. "Sorry, Boss."

"Gawin mo na 'yong kotse!"

"Dos." Awat sa akin ni Mang Kulas at doon lang ako medyo nahimasmasan.

Nagmadaling pinuntahan ni Dondon ang kotse at 'di ko mapigilang makonsensya.

Tinapik-tapik ako ni Mang Kulas, pinapakalma. Siya na 'yong nagsilbing tatay-tatyan namin sa talyer. Right hand siya ni Popo at mapapagkatiwalaan na rin dito sa talyer. Siya nga ang palagi kong kinukonsulta tungkol sa mga bagay-bagay dito.

Doon ko na napansin na nakatingin na pala silang lahat sa akin, mga tauhan ng talyer at pati mga nagpapagawa.

"Kuya! Kuya!"

"Ano!"

Asar kong nilingon si Dani.

Nawala 'yong galit ko nang makita ang takot na takot niyang mukha.

Tumambol ang puso ko at tila natigil ang mundo lalo na n'ong sinabi niyang...

"Si Wawa!"

Dos and Don'tsWhere stories live. Discover now