Prologue

312 10 15
                                    

Trailing Deep Waters (University Royalties #3) - Prologue


"Kaya mo naman pumasok sa paaralan mag-isa, 'di ba?" saad ni mama habang nanonood ng telebisyon. May business kasi kami kaya hindi ko na rin sila ini-istorbo sa mga bagay na kaya ko naman. Tumango na lang ako.


"Ano? Sagot!" Tumaas ang tono ng boses niya kaya napatingin ako.


"Opo," kabado kong sagot.


"Umuwi ka kaagad, huwag ka nang mag-gala gala pa," paalala niya sa'kin. Hindi na lang ako nag-salita pa para dumepensa.


Oo ka lang dapat nang oo kapag matatanda ang kausap mo, it was like the rule of living peacefully. Kasi kapag kumontra ka, masama ka.


Nag-luto ako ng babaunin ko para sa lunch at hinanda ko na rin ang bag ko, agad-agad akong umalis pagkatapos kong mag-paalam.


Excited akong nag-lakad papunta sa bahay ng mga kaibigan ko para sabay kaming pumasok. 


"Rivier!" 


Pag-tawag ko sa kababata ko mula sa labas ng bahay nila dahil kadalasan ko siyang puntahan dito sa bahay nila dahil magkapit-bahay lang rin sila ng bestfriend ko na si Isabella.


"Nasaan si Isabella? Kumain na ba iyon?" agad na bungad sa'kin ni Rivier pagkalabas ng bahay nilang moderno ang disenyo ng exterior. Ako ba, 'di niya tatanungin kung kumain na ako?


Mayaman sila Rivier at may kaya sa buhay kaya kadalasan siya ang nanlilibre sa amin ni Isabella kahit pa noong elementarya pa lang kami hanggang ngayong fourth year high school na kami. 


Ang pamilya ko rin naman ay may kaya kung tutuusin sa buhay dahil OFW ang tatay ko sa Dubai. Siya na nga lang ang kakampi ko sa bahay, nawala pa siya. Siya na nga lang ang nag-papasaya sa'kin sa tuwing nasa bahay ako, siya lang ang nagpapa-excite sa'kin umuwi ng bahay, pero ngayon wala siya kaya ginagawa ko ang lahat, sumasali ako sa kung ano-ano para makalusot na huwag munang umuwi ng bahay.


"Favoritism ka, ah!" angil ko. "Paano naman ako," pag-kanta ko pa kaya napangiwi na lang siya.


"May chichirya akong dala rito. Ano'ng gusto mo? Lay's o Pringles?" tanong niya pero hindi niya na ako hinintay maka-sagot at binigay sa akin ang Pringles. "Sa'yo na iyan, kay Isabella na itong Lay's." Napa-nganga na lang ako dahil halatang-halata talaga kung sino ang gusto ng mokong na ito! 


Alam kong mas mahal ang Lay's kaya napairap na lang ako kay Rivier na pinasok na ang gate nila Isabella upang sunduin. 


Alam ko noong una pa lang, gusto na talaga ni Rivier si Isabella. Hindi naman ako naiinggit kahit trio kami dahil kahit pa mas mahal ang mga binibigay niya kay Isabella, hindi niya pa rin ako nakakalimutang bigyan. Hindi nila ako pinag-iiwanan. Kung maging mag-jowa 'man sila at sila ang magkatuluyan, ayos lang basta huwag nila akong kalimutan. Support naman ako sa kanila kahit anong mangyari, basta masaya sila. Sa totoo lang nga, masaya ako kapag kasama ko sila dahil natatakasan ko ang mga problema ko sa bahay.


"Tara na, ma-lalate na tayo!" pag-tawag sa akin ni Isabella kaya napatingin ako sa kaniya at nag-tatakbo para mahawakan ang braso niya habang nag-lalakad. Si Rivier ay naka-hiwalay sa'min mag-lakad dahil baka ma-issue pa kami lalo.


"Nagawa niyo ba 'yung assignment sa Math?" tanong ni Isabella.


"S'yempre," agad na sagot ko.


"May assignment sa Math?" Salubong ang kilay ni Rivier nang mapatingin siya sa'min. "Pa-kopya naman ako, oh!"


"Asa ka," binelatan ko siya at tumawa.


"Sige na, oh. Bibigyan rin kita ng Lay's," sinubukan akong kumbinsihin ni Rivier kaya nag-liwanag ang mga mata ko at napa-palakpak.


"Deal!" Nag-tawanan sila dahil sa mabilisang pag-babago ng isip ko.


Napa-daan kami sa tabing-dagat kaya hindi ko na inalala ang oras ng pag-pasok at agad umupo sa malaking harang na nasa pagitan ng dagat at ng lupa. Sinundan ako nila Isabella at Rivier at tumanaw rin sa tabi ko.


"Ang ganda talaga, 'no..." Napangiti ako habang winawasiwas ang palad ko sa simoy ng hangin at dinadama ang tunog ng bawat alon sa karagatan. "Kung mamamatay 'man ako... gusto ko sa dagat. Payapa kasi roon."


"Bakit mo naman gugustuhin mamatay? Huwag ka ngang ganiyan," agad na pag-suway sa akin ni Isabella. 


Hindi ko alam pero mahilig talaga ako sa katahimikan kahit pa ang daldal-daldal kong babae. Ang katahimikan at kapayapaan na iyon... natatagpuan ko lang sa katubigan na nakikita ko.


 I want to be one with the waves. I find peace... in the deep waters.


----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Trailing Deep Waters (University Royalties #3)Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu