Chapter II

5.8K 1K 121
                                    

Chapter II: It's Been Years

Sa tuktok ng tore, kapansin-pansing abala si Firuzeh sa pagsusuri sa mga sangkap na nakapatong sa kanyang mahabang lamesa. Isa-isa niyang sinusuri ang mga ito gamit ang kanyang mga mata at pandama. Makikitaan ng tingin ng pagkakontento ang kanyang ekspresyon, at maya't maya siyang tumatango habang bumubulong. May iba't ibang katangian ang mga sangkap. Mayroong animo'y prutas na may mga matang gumagalaw, batong may mga galamay na nakalagay sa isang garapon, likidong maya't mayang nagbabago ang hugis, at kung ano-ano pang kakaibang sangkap.

Makaraan ang ilang saglit, habang abala pa rin si Firuzeh sa kanyang ginagawa, bigla na lang may lumitaw na lagusan sa kanyang likuran. Dahan-dahang umangat ang pigura ni Gecko na kasalukuyang naka-krus ang mga braso sa dibdib. Nakatago ang kanyang mga mata sa suot niyang sombrerong dayami, at ang kanyang katawan ay naglalabas ng kakila-kilabot na aura.

“Kumusta?” Tanong ni Firuzeh habang patuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa.

“Patay na siya. Pinaslang ko na siya, Firuzeh,” sabi ni Gecko.

Napahinto si Firuzeh sa kanyang ginagawa. Sandali siyang natigilan bago humalakhak at umiling-iling. “Huwag kang magbiro ng ganiyan. Alam kong hindi mo ginawa, at magagawa iyon, Gecko,” kumpyansang hayag ni Firuzeh at tuluyan niya nang hinarap si Gecko.

Suminghal si Gecko sa kanya. Matalim siya nitong tiningnan at mariing nagwika, “Paano ka nakasisiguro? Marami akong rason para paslangin siya noon pa man.”

“Paano mo nakalimutan na ang nararamdaman natin ay magkaugnay? Naramdaman ko kanina lamang ang galit sa iyong puso, at doon pa lang ay sigurado ako na hindi mo siya pinaslang dahil kung pinaslang mo siya, kaluwagan ang mararamdaman mo sa halip na matinding galit,” paglalahad ni Firuzeh habang umiiling-iling. Seryoso siyang tumitig kay Gecko at nagpatuloy, “Kumusta..? Tinanggap niya ba ang ipinabibigay kong Fruit of Life?”

“Hmph! Wala akong planong magsayang ng laway at panahon sa kanya kaya pinuwersa ko sa kanyang bibig ang Fruit of Life. Kung hindi dahil sa pagmamakaawa mo, hindi ko kailanman gagawin ang bagay na iyon,” sabi ni Gecko sa malamig na boses. “Iyon na ang huli mong Fruit of Life na mas magagamit mo sana sa mas mahalagang bagay. Hindi ako makapaniwalang sasayangin mo iyon sa isang nilalang na ilang beses ka nang pinagtangkaang patayin.”

“Ano..? Pinuwersa sa kanya ang Fruit of Life? Gecko, ikaw..” hindi makapaniwalang tiningnan ni Firuzeh si Gecko. Makaraan ang ilang segundo, bumuntong-hininga na lamang siya at umiling-iling, “Ang mahalaga ay nakain niya ang Fruit of Life. Maraming salamat, Gecko. Alam mo namang matagal ko nang gustong linisin ang pangalan ko na nadungisan dahil sa pangyayaring iyon. Marami ang iniisip na isa akong manggagamit at patalikod kung umatake, subalit hindi ako ganoon. Wala akong kasalanan, at papatunayan ko iyon sa kanilang lahat. Sisiguruhin ko na lalabas ang totoong may kasalanan sa pagkawala ni Baragon.”

Makikita ang determinasyon sa mga mata ni Firuzeh. Umismid lang sa kanya si Gecko, at pagkatapos, lumitaw muli ang lagusan sa kanyang paanan at unti-unti siya nitong nilamon.

“Bahala ka sa gusto mong mangyari. Huwag mo na ulit akong tatawagin kung hindi makabuluhan ang dahilan. Lalabas na lang din ako kung kailan ko gusto,” sabi ni Gecko bago siya tuluyang lamunin ng lagusan.

Ngumiti lang si Firuzeh at bahagyang umiling. Pumihit siyang muli at hinarap ang mga sangkap sa lamesa. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsusuri sa mga ito.

--

Matapos makabalik kung nasaan ang mga dating naninirahan sa Ancestral Continent, hindi kaagad nagtungo si Finn sa tahanan nina Creed at Olivia para makisali sa muling pagkikita-kira ng mga ito, bagkus kasalukuyan siyang nasa himpapawid habang pinagmamasdan ang kabuoan ng Craftsman Alliance mula sa itaas.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Där berättelser lever. Upptäck nu