Chapter LXII

3.9K 999 112
                                    

Chapter LXII: Your Reason

“Ikabubuti ng mga nasa paligid mo? Kung gano'n, bakit ayaw mo pang magpakita sa iyong mga magulang? Sa ating mga kaibigan? Naging ganiyan ka ba dahil sa kapangyarihang natanggap mo? Kaya ba ayaw mong magpakita sa kanila ay dahil mataas ka na ngayon habang sila ay nasa mababa pa rin?” Tanong ni Finn. May halong galit ang kanyang pagtatanong. Hindi niya mapigilan ang kanyang emosyon dahil habang inaalala niya kung paano nag-aalala sina Kiden, Noah, at Vella kay Ashe, nalulungkot siya dahil wala man lang balak na magpakita ni Ashe sa mga ito.

Dalawang beses nang humingi sa kanya ang mga magulang nito ng tulong. Nagbitaw siya ng pangako na ibabalik niya ito sa kanila, subalit ngayon, ayaw nitong sumama.

“Kung ganiyan ang tingin mo sa akin, hindi kita pipigilan. Tingnan mo ako sa paraan na gusto mo akong tingnan, Finn. Mayroon akong sariling rason kung bakit ko ito ginagawa,” mahinahon pa ring sabi ni Ashe.

Nanatili siyang kalmado, pero sobrang bigat ng kanyang pakiramdam. Tila ba may kumirot sa kanyang puso dahil sa mga salitang binitawan ni Finn. Totoong nasasaktan siya dahil ang inaakala niyang makakaintindi sa kanya ay iba rin ang tingin sa kanya.

Oo, tinanggap niya ang kapangyarihan ni Sierra. Mas naging malakas siya, at lumaki ang kanyang potensyal. Ganoon man, hindi lumaki ang kanyang ulo kagaya ng inaakala sa kanya ni Finn. Mayroon lang nagbago sa kanya, subalit siya pa rin ang dating Ashe.

‘Hindi ako gano'n, Finn... Hindi ko kailan man iisipin na mas angat ako sa kanila. Pamilya't kaibigan ko sila... Talaga lang...’ sa isip ni Ashe.

Labis siyang nangungulila sa kanyang mga magulang, pero hindi niya iyon ipinapakita. Ayaw niya ring magpakita sa mga ito dahil mayroon siyang rason, at natatakot siyang baka sa oras na magpakita siya sa mga ito ay magbago ang kanyang plano.

Kahit na sobra siyang nasaktan sa loob-loob niya, hindi niya iyon ipinakita kay Finn. Sa tingin niya, kahit na siya ang nasa posisyon nito, magiging matanong din siya at mag-iisip nang kung anu-ano.

“Kung gano'n, ano ang rason mo? Ipaliwanag mo sa akin upang maintindihan kita,” ani Finn.

“Hindi mo ako kailangang intindihin, hindi ko kailangan na maintindihan ng lahat. Hangga't mayroon akong sarili ko, hindi ko kailangan na maintindihan ninoman,” tugon ni Ashe.

“Pero, gusto kitang maintindihan! Gusto kong marinig ang rason mo dahil anoman ang mangyari, kaibigan mo ako, Ashe,” agad na sabi ni Finn na naging dahilan para matigilan si Ashe.

Bumaling si Ashe kay Finn. Sandali niyang pinagmasdan ang mukha nito bago siya muling humarap sa magandang tanawin. Sandali lang niyang sinulyapan ang ekspresyon ni Finn, pero nakita niya ang sinsiredad sa mga mata nito. Matagal siyang nanahimik, at noong kalmado na muli siya, huminga siya ng malalim at nagsimulang magsalita, “Kumusta sila, ang mga magulang ko?”

Iniba ni Ashe ang usapan, subalit binalewala ni Finn iyon. Mahina siyang bumuntong-hininga at tumugon, “Alam mo ba na ang Ancestral Continent ay wala na? Ang kontinente na pinagmulan natin ay winasak ng isang napakasamang adventurer. At sa likod ng pagwasak ng napakasamang adventurer na ito ay ang sabwatan laban sa akin.”

Nabigla si Ashe. Nakaramdam siya ng kaba sa kanyang puso matapos niyang marinig ang nangyari sa Ancestral Continent. Siyempre, hindi niya alam ang tungkol sa pagkawasak ng Ancestral Continent. Wala na siyang balita tungkol sa kontinenteng iyon matapos niyang mapunta sa Ancient Phoenix Shrine. Hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na malaman, at hindi rin siya nagtanong dahil ayon kay Alisaia, ang Planetang Accra ay hindi sakop ng kanilang teritoryo.

May nilabag ng batas si Alisaia sa ginawa niyang pagtapak sa Planetang Accra nang walang pahintulot. At kung patuloy siyang lalabag, paparusahan na siya ng mga miyembro ng Order of the Holy Light dahil ang mga ito ang batas ng Holy Light Realm.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Opowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz