Chapter XLIII

3.6K 966 105
                                    

Chapter XLIII: Nonstop Training (Part 2)

Kabuoang tatlong taon ang nakalipas magmula nang magsimulang magsanay si Finn at ang ilan sa pangunahing miyembro ng Order of the Holy Light. Marami na ang nangyari, subalit hanggang ngayon, patuloy pa rin sila sa pagsasanay. Bawat isa sa kanila ay malaki na ang ini-unlad. Lahat silang lima ay bumulusok na ang kabuoang lakas at kakayahan sa pakikipaglaban. Hindi na lang sila basta-bastang hindi pangkaraniwang adventurer ngayon dahil ang bawat isa sa lima ay makapangyarihang adventurer na--na hindi kayang pabagsakin nang basta-basta kahit pa ng mga adventurer na mas mataas ang antas sa kanila.

Bukod pa roon, tumaas na rin ang kanilang antas at ranggo. Maging si Finn ay nasa Supreme Rank na, at iyon ay dahil lamang sa sobrang pagsusumikap niya sa pagsasanay.

Samantala, sa opisina ni Auberon, abala siya sa pagsusulat sa pahina ng isang may kakapalan na libro. Hindi siya gumagamit ng kapangyarihan, natural lang siyang nagsusulat na parang isang manunulat na sumusulat ng isang mahabang kuwento.

Habang nagsusulat, bakas kay Auberon ang mangha at kasiyahan. Hindi maalis ang kanyang ngiti sa bawat kudlit niya ng salita sa blankong pahina ng libro. At matapos ang ilang minuto, ibinalik niya sa lalagyanan ng tinta ang balahibong panulat. Itinaas niya ang libro at pinagmasdan sandali ang mga nakasulat bago siya tumango at makontento.

Isinara niya ang libro. Dinampot niya ito at inilagay sa istante na nilalagyan ng iba pang libro. Pagkatapos noon, pinagmasdan niya ang istante ng ilang minuto hanggang sa mapabaling siya sa pintuan dahil nakarinig siya ng tatlong magkakasunod na katok mula rito.

Naglaho ang kanyang pigura. Lumitaw kaagad siya sa harapan ng pinto, at marahang binuksan ito.

Dahil sa kanyang matalas na pandama na kayang sakupin ang kanyang kastilyo, alam na agad ni Auberon kung sino ang kanyang bisita. At ito ay walang iba kung hindi ang inatasan ni Porion na pansamantalang pumalit sa kanya bilang pinuno ng mga Holy Knight--si Zeraf.

Agad na yumukod si Zeraf nang buksan ni Auberon ang pinto. Nakasuntok ang kanyang kamao sa sahig habang nakatingin siya sa lupa.

“Mayroon ka ba uling i-u-ulat, Zeraf?” Tanong ni Auberon dahil alam niyang kaya lang siya nito personal na pinuntahan ay upang mag-ulat ng isang mahalagang bagay.

“Oo, Pinunong Auberon. Mayroon akong kailangang ipaalam sa inyo tungkol sa isa sa ating pinangangasiwaang middle realm--ang Holy Land of Erekia,” paglalahad ni Zeraf nang hindi pa rin tumitingin nang deretso kay Auberon.

Nang marinig ni Auberon ang tungkol sa Holy Land of Erekia, agad siyang naging interesado. Ang middle realm na ito ay isa sa pinaka tumatak sa kanyang isip dahil sa nangyari noon sa Dark Continent na ini-ulat din sa kanya ni Aemir. Mayroong kaugnayan sa kanyang batang panginoon ang namumuno sa middle realm na ito, at ang kaugnayang iyon ay hindi maganda dahil si Finn at Liere Eden ay magkaaway.

Tinalo ni Finn ang kapiranggot na kapangyarihang itinanim ni Liere sa Dark Continent na naging dahilan para kamuhian ni Liere si Finn.

Inimbistigahan ni Aemir ang tungkol sa bagay na ito dahil gustong malaman ni Auberon ang lahat ng pangyayari tungkol kay Finn, ng detalyado. At kahit na nalaman niya ang ginawa ni Liere, wala siyang balak na parusahan si Liere dahil ang ganito kaliit bagay ay hindi niya pinagtutuunan ng pansin.

Isa pa, hahayaan niyang magdesisyon si Finn tungkol kay Liere at sa Holy Land of Erekia dahil unang-una, si Finn ang sangkot sa pangyayaring iyon.

“Ano iyon? Magsalita ka, ngayon din mismo,” sabi ni Auberon.

“May mga adventurer ang nanghimasok sa Holy Land of Erekia. Sinakop nila ang mundo ni Liere Eden, at kasalukuyan pa ring namamalagi roon ang mga hindi kilalang adventurer,” ani Zefar. “Wala kaming kahit kaunting impormasyon sa nanakop sa Holy Land of Erekia, Pinunong Auberon. Nawalan na rin kami ng komunikasyon sa mundong iyon kaya napagdesisyunan ko na magpadala roon ng miyembro ng ating puwersa at ng mga tauhan upang imbestigahan ang mga nangyayari.”

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Where stories live. Discover now