Chapter XXXVI

3.9K 989 55
                                    

Chapter XXXVI: Sparring with the Light Guards (Part 4)

Sa puntong ito, hindi na ngayon sinasalag ni Viro ang mga atake ni Finn dahil nakasasabay na siya sa binata. Sa wakas ay nagawa niya nang makaalis sa dehadong sitwasyon. Mayroon na siyang ilang pinsala sa mukha at mga braso, subalit hindi niya ito iniinda dahil ang mababakas sa kanyang ekspresyon ngayon ay pananabik at kasiyahan. Siya lang ang tanging nakakaalam kung bakit masaya pa siya sa kabila ng kalamangan ni Finn sa kanya.

Habang si Viro ay nahihirapan na makipagsabayan kay Finn, si Finn ay nananatiling kalmado. Tumatama ang kanyang mga atake kay Viro, ang kanyang lakas ay sapat na para mapatalsik ito at mapuruhan. Hindi rin siya makikitaan ng gaanong pinsala, at hindi siya mababakasan ng pagod kahit na simula't simula pa lamang ay agresibo na siya kung umatake.

Kung siya ay ordinaryong 5th Level Heavenly Chaos Rank lamang, hindi siya tatagal ng ganito katagal. Siguradong talo na agad siya kay Viro dahil sa mga Heavy Hoop sa kanyang braso, pupusluhan, hita, at binti na naglilimita sa kanyang mga pagkilos.

Ang bilis ni Finn ay patuloy sa pagtaas. Bumibigat din ang kanyang mga atake habang mas lalong nahihirapan si Viro na umiwas kaya wala siyang magawa kung hindi salagin na lang ang mga atake ng binata.

Nagagawang basagin ni Finn ang depensa ni Viro, at maya't maya niya itong tinatamaan sa mukha, sikmura, at binti.

Malinaw na malinaw kung sino ang lamang sa dalawa. Makapigil-hininga ang kanilang laban, at habang nanonood ang apat na Light Guard, mababakas ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa kanilang mukha habang nakikita na dehadong-dehado si Viro sa laban.

Kilala nila si Viro. Alam nila kung ano ang kayang gawin nito, at malinaw sa kanilang apat na si Viro ay higit sa kanila kung husay sa pakikipaglaban ang pag-uusapan.

“Nagtamo kaagad siya ng pinsala sa simula pa lang ng laban kaya nahihirapan na siya ngayon. Ang desisyon ni Finn Doria na biglain si Viro sa simula pa lang ay kahanga-hanga. Ngayon, punong-puno na ng pinsala sa katawan si Viro kaya nahihirapan na siyang gumalaw at gumanti ng atake,” taimtim na paglalahad ni Anda. “Kung ako iyan, mapipilitan akong gumamit ng sandata at kapangyarihan para makabawi kay Finn Doria.”

“Ang hirap talagang hulaan kung ano ang gagawin niya, kagaya na lang ng mga nakaraang pagsasanay kung saan paulit-ulit siyang gumawa ng mga kahanga-hangang pangyayari,” komento ni Bien.

Tumango-tango si Ivee at sinabing, “Nagawa niya pang baguhin ang pagsasanay na ibinigay ni Pinunong Aemir. Hindi siya kontento sa anim na oras kaya nakiusap siya na gawing isang oras na lang ang palugit. Kahanga-hanga talaga siya... ngayon lang ako nakakilala ng matapang, mapusok, at talentadong gaya niya.”

Sumang-ayon sina Bien at Anda sa pahayag ni Ivee. Napansin ng tatlong babae na tahimik si Ox kaya hindi mapigilan ni Bien na tanungin ito upang malaman kung ano ang iniisip nito.

“Ikaw, Ox? Ano'ng tingin mo kay Finn Doria?” Tanong ni Bien kay Ox.

Bumaling sa kanya si Ox at tumugon, “Nagkamali ako ng hatol sa kanya noong una. Sa kanilang lima, si Finn Doria ang may pinaka kahanga-hangang abilidad. Ang kagustuhan niyang lumakas ay kahanga-hanga, at dahil dito kaya masasabi kong mayroon siyang kalidad ng pagiging isang magaling na pinuno.”

“Tama ka. Nakakahawa ang kanyang pagkasabik na matuto at maging malakas kaya pati ang mga nasa paligid niya ay gusto siyang gayahin,” malumanay na sabi ni Anda.

Samantala, nagpagulong-gulong sa lupa si Viro matapos siyang tamaan ni Finn ng direktang suntok sa mukha. Agad siyang bumawi. Tumalon siya paatras ng tatlong beses at tumingin sa direksyon ng binata. Kumalma lang siya noong makita niyang nakatayo lamang ito ilang metro ang layo sa kanya. Hindi niya ito nakikitaan ng senyales ng pagsugod.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon