Chapter XXIX

4.1K 1K 73
                                    

Chapter XXIX: Barely

Sa opisina ni Auberon, tatlong magkakasunod na katok ang umalingawngaw kasabay ng pagbukas ng pinto ng opisina. Isang lalaking fairy na may maikling puting buhok ang pumasok. Nagagandahan din ang mga pakpak at pares ng ginintuan niyang mga mata. Maputi ang kanyang kutis at ang kasuotan niya ay kulay ginintuan na mayroong kaunting puting kulay. Nakaburda sa kanyang kasuotan ang sagisag ng mga Holy Knight, ibig sabihin siya ay may kaugnayan sa mga Holy Knight.

Naglakad ito patungo kay Auberon, at agad itong yumukod sa direksyon nito. Nanatiling mariin ang kanyang ekspresyon, at ang kanyang tingin ay nasa sahig lamang.

“Naparito ako upang tugunan ang iyong pagtawag, Pinuno,” aniya.

“Tumayo ka, Porion. Mayroon tayong mahalagang pag-uusapan, at ito ay may kaugnayan sa hinaharap ng Order of the Holy Light at ng Holy Light Realm,” sabi ni Auberon habang nakatingin kay Porion.

Tama, ang lalaking fairy na ito ay ang pinuno ng mga Holy Knight. Siya rin ay anak ni Auberon, at kapatid ni Aemir. Siya ang may ikatlong pinakamataas na katungkulan sa buong Order of the Holy Light dahil hawak niya ang isa sa pinakamalaking puwersa sa ilalim ng Order of the Holy Light.

Dahan-dahang tumayo si Porion. Tiningnan niya sa mga mata si Auberon, at marahan siyang nagwika, “Handa akong makinig, Pinuno.”

Bahagyang ngumiti si Auberon, at noong makita ni Porion ang ngiting ito, kakaibang pakiramdam ang naramdaman niya. Hindi niya masabi, pero sigurado siyang ang sasabihin sa kanya ni Auberon ay napakahalaga.

--

Sa kasalukuyan, taimtim na nagpapahinga si Finn. Katatapos niya lamang sa pag-e-ehersisyo, at ang kanyang buong katawan ay nananakit kaya masaya siya dahil nakasisiguro siya na epektibo ang kanyang paghahanda. Kailangan niya lang magpahinga ngayon. Mayroon pa siyang ilang oras para maipahinga niya ang kanyang mga nananakit na kalamnan.

Habang ipinapahinga niya ang kanyang kalamnan, iniisip niyang mabuti ang isinagawa nilang pag-akyat ng bundok. Nag-isip siya ng diskarte kung paano pa niya matitipid ang kanyang lakas, at habang nag-iisip siya, naimahe niya ang ginawa ni Yasuke.

Hindi niya maiwasang mapatingin kay Yasuke na kasalukuyan na ring nagpapahinga. Naalala niya kung paano nito nagawang maunahan silang lahat sa pag-akyat, at sa totoo lang, para sa kanya ay si Yasuke ang pinaka kahanga-hanga sa kanilang lima sa usapin ng pag-akyat sa tuktok ng bundok.

“Sa kabila ng pagtataglay ng pinakamahinang pisikal na katawan, nagawa niyang mauna sa pag-akyat ng tuktok ng bundok,” sambit ni Finn. “Siguradong may kaugnayan iyon sa kanyang pagninilay-nilay. Marahil iyon ang kanyang diskarte para makatagal sa kabila ng napakabigat na grabidad at malamig na temperatura.”

“Dapat akong matuto sa kanya. Marahil iyon ang susi para magtagumpay ako sa susunod kong subok,” sabi niya pa.

Ipinagpatuloy niya na ang kanyang pagpapahinga. Susubukan niya ang paraan ni Yasuke para umakyat sa bundok, mas nakikita niya ito bilang epektibong paraan para magtagumpay.

Habang lumilipas ang mga oras, ang pananakit ng kanyang katawan ay mabilis na naiibsan hanggang sa tuluyan na itong nawala.

Kalmado na muli ang kanyang paghinga, at kahit hindi pa tapos ang dalawampu't apat na oras, nanatili pa rin siyang nagpapahinga. Tumingin siya kina Altair. Nakita niyang ayos na rin ang kalagayan ng mga ito, pero patuloy pa rin sila sa pagpapahinga. Tungkol kay Yasuke, nakapikit ang mga mata nito at malinaw na ito ay nagninilay-nilay.

Makaraan pa ang ilang minuto, kinuha na ni Aemir ang atensyon nina Finn, Yuros, Altair, Whang, at Yasuke. Tinawag niya ang mga ito dahil ang susunod na pagsubok sa pag-akyat sa bundok ay magsisimula na.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Onde histórias criam vida. Descubra agora