Chapter XXVII

4.1K 934 65
                                    

Chapter XXVII: Too Difficult

Nang mapagtanto ng limang sumasabag sa pagsasanay ang hirap sa pag-akyat ng bundok, agad nilang inisip kung ano ang kanilang magiging diskarte. Umalis sila sa matarik na bahagi ng bundok, at tumigil sila sa patag upang makapag-isip sila ng maayos. Hindi na nila kayang ipagpatuloy pa ang mabilis nilang pag-akyat dahil kung gagawin nila iyon, kokonsumo iyon ng kanilang lakas, at hindi sila makapagpapatuloy dahil darating sa puntong mapapagod sila dahil sa bigat ng grabidad sa bundok.

Pinakiramdaman ni Whang ang bigat ng grabidad. Tumingala siyang muli, at napasimangot siya dahil sa mga sandaling ito, napagtanto niya nang imposibleng marating nila ang tuktok sa loob lamang ng anim na oras.

Habang siya ay malalim na nag-iisip, nakaramdam siya ng pagkilos sa kanyang likuran. Mayroong humahakbang kaya lumingon siya upang tingnan kung sino ang nagpapatuloy na muli sa pag-akyat sa bundok.

Nakita niya si Finn, at bahagya siyang natigilan nang mapansin niya na ang ekspresyon ng binata sa mukha nito ay kalmado. Kalmado ito sa kabila ng kinahaharap nilang mahirap na pagsubok.

Bumilis pa ang paghakbang ni Finn hanggang sa tumatakbo na ito, ganoon man, labis na bumagal ang pagtakbo nito kumpara kanina. Animo'y pagtakbo lang ng ordinaryong tao ang ginagawa ni Finn, at doon napagtanto nina Whang, Yasuke, Altair at Yuros kung ano ang dahilan sa likod nito.

Nasaksihan din nila na sa halip na takbuhin ni Finn ang matarik na bahagi ng bundok, inakyat ito ng binata sa pamamagitan ng paghawak at pagtapak sa mga bato. Para na ngayong pangkaraniwang mangangakyat ng bundok dahil sa natural nitong paraan ng pag-akyat.

“Nagtitipid siya ng lakas. Sa kanyang ginagawa, maiiwasan niya na mapagod agad kumpara sa patuloy na pagtakbo kahit matarik ang bundok. Ito ba ang gusto ni Aemir--ang magsagawa kami ng pag-eehersisyo?” Tanong ni Whang habang pinanonood ang ginagawa ni Finn.

Napagtanto niyang malayo na ito ngayon sa kanila. Napansin niyang napag-iiwanan na sila ng binata kaya agad na rin siyang nagpatuloy sa pag-akyat ng bundok. Siyempre, kumilos na rin sina Altair, Yuros, at Yasuke.

Ginaya nila ang paraan ni Finn sa pag-akyat. Hindi na nila ipinagpatuloy ang kanina nilang ginagawang mabilis na pagtakbo dahil mabilis silang nakararamdam ng pagod. Mahirap puwersahang labanan ang grabidad, isabay pa ang manipis na hangin at mababang temperatura sa bundok.

Samantala, hindi na muna inaalala ni Finn ang kanyang mga kasama. Wala siyang pakialam kahit siya ang may pinakamababang antas sa kanila dahil sa pagkakataong ito, ang magiging sukatan sa kanilang pagsasanay ay ang kanilang lakas. Kaunting kalamangan lang ang kalamangan sa antas. Kaunti lang ang dagdag nito sa pisikal na lakas at tibay ng katawan dahil ang katatagan ay kinakailangan ng mayamang karanasan at kagustuhang maging malakas.

Patuloy lang siya sa pag-akyat na para bang isa siyang propesyonal na mamumundok. Ginagapang niya kapag matarik ang daan habang tinatakbo niya kapag patag o mabato ang bahagi ng bundok na kanyang dinadaanan. Naging maayos ang kanyang pag-akyat. Kumpara sa paraan ng paglalakbay niya kanina, higit na mas matatag ito at hindi gaanong nakakapagod. Nakakayanan niya ang bigat ng grabidad at nipis ng hangin. Hindi rin siya masyadong naaapektuhan ng malamig na temperatura, at sa halip na mainis dahil sa hirap ng pinagagawa ni Aemir, nananabik pa siya at nag-aalab ang determinasyon sa kanyang mga mata.

“Ito ang pagsasanay na kailangan ko. Para bang bumalik ako sa una kung saan itinatatag ko pa lamang ang aking pundasyon at pinatitibay ko ang aking katawan,” pabulong na sambit ni Finn. “Para bang imposible, pero kahit ano'ng mangyari ay hindi ako susuko.”

Hindi niya pa rin makita ang tuktok. Napakalayo niya pa, subalit hindi siya pinanghihinaan ng loob. Nakiusap lang siya para mapasali sa grupong ito kaya isang malaking kahihiyan para sa kanya kung susuko agad siya at hindi na magpapatuloy sa pagsasanay.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Where stories live. Discover now