Chapter LIII

3.8K 1K 80
                                    

Chapter LIII: Face Me, Alisaia!

Sa harap ng dambana na mayroong malaking estatwa ng fire phoenix, kasalukuyang nagninilay-nilay si Alisaia. Bumubuo siya ng koneksyon sa kanilang mga ninuno, at pilit siyang nakikipagkomunikasyon sa mga ito. Napakatahimik ng kanyang paligid kaya malaya niyang naitutuon ang kanyang konsentrasyon sa pagninilay-nilay. Matatagpuan ang dambana sa harapan ng napakalapad na katawan ng punong nag-aapoy ang mga sanga at dahon, at bukod kay Alisaia, naroroon din si Fae na kasalukuyang may komplikadong ekspresyon.

Kanina niya pa alam na mayroong dumating sa kanilang teritoryo. Alam niya na rin na hinahanap ni Finn ang kanyang guro, ngunit hindi siya gumagawa ng paraan upang malaman ng kanyang guro na ang adventurer na nasa hula ni Filvendor ay narito na upang sila ay paslangin.

Ayaw niyang mamatay ang kanyang guro kaya plano niyang ipagsawalang-bahala ang kasalukuyang nangyayari. Makasarili siya sa desisyon niyang ito, pero ito na lang ang nakikita niyang paraan sa ngayon para hindi mapahamak ang pinakamahalaga sa kanyang buhay.

‘Bakit ang tagal mo, Ashe?! Lumabas ka na at pakiusapan mo ang adventurer na iyon na itigil na ang kanyang binabalak! Iligtas mo ang ating guro... Kailangang-kailangan kita kaya bilisan mo!’ Hindi mapakali si Fae habang iniisip ang mga bagay na ito.

Nakatingin siya kay Alisaia, at bumaling siya sa dambana kung saan kasalukuyang nasa loob si Ashe para makausap ang kanilang mga ninuno.

Hindi niya sigurado kung tutulungan siya ni Ashe sa bagay na ito, pero si Ashe na lang ang kanyang pag-asa kaya gagawin niya ang lahat tulungan lang siya nito na protektahan si Alisaia. Handa siyang gawin ang kahit ano kahit pa lumuhod siya sa harapan ni Ashe at magmakaawa.

--

Sa pitong miyembro ng Feathers of the Phoenix, ang tatlong magkakapatid na lamang ang nakakatayo pa at kaya pang lumaban. Bagsak na sina Don, Hage, Roshi, at Belle ganoon din ang Fiery Fire Bird na sinasakyan kanina ni Mira.

“Sumuko na kayo. Imposibleng matalo n'yo ako kaya tawagin n'yo na ang inyong pinuno para kami ang magtuos. Naghahanap lang kayo ng sakit ng katawan at kahihiyan sa patuloy ninyong paglaban sa akin,” malumanay na sabi ni Finn habang pinagmamasdan ang tatlong magkakapatid na naghahabol ng hininga, subalit taas-noo pa rin silang nakatayo.

“Walang nakakahiya sa pagprotekta namin sa aming teritoryo. Umalis ka na dahil wala kang mapapala rito, hindi ka mahaharap ng aming pinuno dahil wala siya rito,” sabi ni Mira.

Umismid si Finn. Matalim niyang tiningnan si Mira at sinabing, “Ang tingin mo ba sa akin ay uto-uto? 'Wag n'yo akong hadlangan, at hayaan n'yo akong makaharap si Alisaia. Kung isa siyang pinunong may pakialam sa kanyang nasasakupan, lalabas siya para ako ay harapin. Binugbog ko na ang karamihan sa kanyang mga tauhan, nabahag na ba ang kanyang buntot kaya ayaw niyang magpakita sa akin?”

Galit ang nararamdaman ng magkakapatid dahil sa samu't saring pang-iinsulto ni Finn sa kanilang pinuno. Hindi sila ang aktwal na inaatake nito ng masasakit na salita, pero apektado sila ng sobra dahil napakataas ng tingin nila kay Alisaia bilang pinuno ng Ancient Phoenix Shrine.

“Wala kang karapatan para insultihin si Pinuno. Hindi mo siya lubusang kilala!” Sigaw ni Anna.

Nanlamig ang ekspresyon ni Finn nanghahamak niyang tiningnan si Anna at sinabing, “Oo, isang beses ko lang siyang nakilala, at sa ginawa niya tumatak na sa isip ko ang napakarumi niyang pagkatao. Isa siyang nilalang na makasarili at gumagamit ng kapangyarihan para tapakan ang mga mahihina.”

Nang marinig nina Mira ang sinabi ni Finn, nabigla sila at hindi lubos na naniwala. Hindi sila naniniwala sa paratang ni Finn dahil sa pagkakaalam nila, kailan man ay hindi nang-aapak ng mas mahina ang kanilang pinuno. Isa pa, iilang beses pa lang umalis si Alisaia sa kanilang teritoryo, at hindi pa muli ito sumasabak sa laban.

Legend of Divine God [Vol 11: Order of the Holy Light]Where stories live. Discover now