FIRST WHAT IF

69 3 0
                                    


FIRST WHAT IF

"What if this is all just a dream?"

~ Rosejanet Cruz

~~~

DAX' POV

Sa mga oras na 'to, ang laki ng hiling ko na sana panaginip lang ito. Na sana hindi ko 'to totoong gagawin, ginagawa, o ginawa. Na sana maayos naman ang pamumuhay namin ni Ate na hindi ko kailangang gawin ito. Na sana—

"Sigurado ba talagang sasama 'yang kaibigan mo, Man?" Napabalik ako sa wisyo nang marinig ko ang boses ng isa sa mga kasama namin. Siya ata ang pinaka-boss sa mga ganitong operasyon.

Inakbayan naman ako ni Norman saka nakangiting tumango sa lalake. "Oo naman, medyo masama lang kasi ang gising ng isang 'to. Mukhang nabigyan ng homily ng ate niya," pagdadahilan nito.

Medyo matagal akong tinitigan ng lalake na para bang pinag-aaralan niya ang mukha ko hanggang sa tumango na lamang siya saka nakipag-usap sa isa pa naming kasama.

"Dax, ayusin mo naman sarili mo, ha? Para rin ito sa inyo ng ate mo. Kapit lang, pre." Tinanguan ko lang naman siya saka siya umalis para ayusin ang gamit niya.

Napabuntong hininga naman ako saka na rin kumilos. Bale lima kaming papasok sa mansyon na target namin at may dalawa naman sa aming maiiwan dito sa truck para sa technical stuff. Sila ata yung bahala sa mga CCTV.

Ang sabi nila ay nasa bakasyon ang mga maid at guard ng mansyon, at ang nasa loob lamang ay isang personal nurse, personal bodyguard, at ang may-ari ng mansyon.

Nakikita naman nila kung nasaan kasalukuyan ang mga tao sa loob ng mansyon. Tapos isa pa raw sa advantage ay hindi naman makakagalaw ang may-ari ng bahay.

Kasi lumpo naman ito. Kasalukuyang nasa sariling kwarto at natutulog. Hindi iyon makahahabol kahit na mamataan niya kami kasi nga naka-wheelchair naman daw.

Hindi ko naman alam kung bakit pero kabadong-kabado pa rin ako kahit na sinabi na nila na magiging okay ang lahat. Na magiging madali lang naman. May assigned area at rooms naman na kami. Hindi rin kami makikita sa CCTV dahil may gagawin daw na glitch glitch yung sa technicals namin.

Kaya lang kasi...

"Sa master's bedroom ka, ha? May vault doon na kayang-kaya mong buksan. Tulog naman ang may-ari kaya advantage mo 'yun."

Nagkaroon kasi ng operasyon noon na sumakto ako sa may vault silang kailangang buksan at mabilis ko lang na nagawa. Kaya simula noon ay bumilib na sila at gustong-gusto nila akong sumasama sa mga operasyon nila eh yun na nga ang naging una't huli ko dahil kinakain ako ng konsensya ko.

Pero eto pa rin ako. Gagawin ko pa rin ito.

Napabuntong hininga na lang ako. Sana nga panaginip na lang ito.

Ilang ulit pang ipinaliwanag sa amin ni Dale, ang lider, lahat ng kailangang gawin, puntahan, at kuhanin. Kinlaro niya para raw walang papalya sa amin, lalo na raw ako dahil nga sa Master's ako nakatoka. "Oh, tara na," wika nito saka nauna nang lumabas ng truck na agad naman naming sinundan. Sinuot ko na rin ang itim na maskara saka naglakad.

Nasa likuran ako ni Dale at nasa likuran ko naman si Norman. Nagse-senyasan lang kami kung sino ang titingin sa loob, kung may tao ba sa loob, at kung aakyat na ba sa pader.

Nang makompirma ni Norman na walang tao sa hardin ay saka kami umakyat sa pader. Mabibilis lang ang galaw at sa totoo lang ay hindi rin ako nahirapang umakyat. Pakiramdam ko ay hasang-hasa na ako kahit ilang beses lang ako nakapag-practice sa lungga nila.

Naging maayos ang pag-landing naming lahat sa damuhan saka tumingin sa amin ang lider namin. "Maging maingat ang kilos niyo ha?" muling paalala na naman ni Dale sa amin bago kami

Tumango naman kami saka nagkanya-kanyang lakad sa mga target naming pwesto. Nakasunod lang sa akin si Norman dahil iisang direksyon lang naman kami saka kami naghiwalay nang nasa tapat na kami ng isa sa mga stock room ng mansyon—ang assigned target ni Norman.

"Dax, mag-iingat ka ha?" Tinanguan ko lang naman si Norman saka ako nagtuloy sa master's bedroom.

Ang sabi ni Richard, isa sa mga techie, ay wala sa master's bedroom ang personal nurse ng may-ari ng bahay. Ang personal bodyguard naman nito ay nasa kusina at nagtatanghalian, base sa utos ng may-ari.

Huminga muna ako nang malalim bago maingat na binuksan ang pinto ng kwarto. Nap time raw ng may-ari at hindi ito ganoon kadaling magising, sabi nila Dale kaya tama lang sa akin ang pagpasok sa kwarto nito.

Maingat at dahan-dahan ang bawat paghakbang ko papalapit sa malaki nitong walk-in closet. Doon daw nakatago ang vault ng may-ari. Ilang beses kong hinawi ang mga damit para lang mahanap ito hanggang sa nagtagumpay na ako.

May munti akong ngiti sa labi habang tinititigan ang vault. Isa ito sa latest version ng vaults pero may ang pagbubukas nito ay halos pareho lang sa lumang bersyon ng tatak ding iyon. Ang pinagkaiba lang ay dalawang beses lamang ang pagsubok sa pagbubukas noon. Kapag naubos ang dalawang subok ay paniguradong mag-a-alarm ang buong bahay.

Muli akong huminga nang malalim saka idinikit ang tenga ko sa vault at ipinikit ang mga mata. Kailangan kong pakinggan nang maayos ang bawat tunog sa kabila ng metal na iyon. Nakasalalay sa ginagawa kong kasalanan ang kinabukasan at ang buhay namin ni Ate. Kailangang maging maayos ito. Sorry, Mama. Sorry, Papa. Sorry, Ate.

Nakahinga naman ako nang maluwag nang marinig ko ang pag-click na inaasam kong marinig. Bigla namang may tunog na mechanicals na umiikot mula sa vault saka ito bumukas.

"Yes," bulong ko sa sarili ko. Agad ko iyong binuksan nang mas maluwag saka nakita ang isa sa puntirya ng grupo.

Limpak-limpak na libo-libong pera. May mga dolyar at Euro pa na mas ikinalaki ng ngiti ko.

Pinagkukuha ko iyon saka inilagay sa black na bag saka akmang isasara ang vault nang may makita akong mukhang ginto pero lumang relo. Agad ko iyong inabot saka tinitigan. Ilang saglit lang ay napagdesisyunan kong ilagay iyon sa bulsa ng pantalon ko saka tuluyang isinara ang vault.

Dahan-dahan naman akong lumabas ng walk-in closet. Walang ingay ko ulit na isinara ang pinto noon saka akmang lalabas na nang tuluyan nang mapansin ko ang kama sa may pinaka-gilid at madilim na parte ng kwarto.

Hindi ko naman sana planong lapitan iyon kaya lang ay nakuha ng picture frame ang atensyon ko. Naningkit ang aking mga mata saka dahan-dahang nilapitan iyon.

Para kasing... pamilyar ang mukha ng batang lalakeng iyon—

"Sh*t," nasabi ko na lang bigla nang may maramdaman akong hapdi sa braso ko. G*gi! May hiwa!

Napatitig ako sa nagdudugo kong braso na may maliit na hiwa saka tiningnan ang may sala nun. Agad nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang may-ari na nasa wheelchair at may hawak na patalim na mukhang dagger.

Siya ang may kagagawan nito‽ 'Di ko man lang siya narinig!

"Thief! Rafael! Charmaine! There's a thief in the mansion!" sigaw ng lalake saka akmang lalapit na naman sa akin nang mabilis akong humakbang patalikod.

Nagmamadali kong tinakbo ang pinto saka akmang bubuksan iyon nang may biglang lumipad na patalim at halos isang inch na lang ang layo nun sa mukha ko. Sa pinto iyon tumama saka ko muling nilingon ang lalakeng nasa wheelchair saka sinamaan ng tingin bago ako tuluyang lumabas ng kwarto saka nagmamadaling lumabas na nang mansyon.

Paano ko ngayon ipapaliwanag kay Ate 'tong sugat ko‽ Kainis naman eh!

15 What Ifs [COMPLETED]Where stories live. Discover now