Kabanata 13

7.1K 416 35
                                    

"Wow! Fried chicken!"

Pinunasan ni papa ang bibig at kamay ko gamit ang basang towel dahil sa lagkit ng candy na mga kinain ko.

"Wow, Diego! Ang dami!"

Nilingon ko si papa. Seryosong seryoso niyang pinupunasan ang kamay ko na naglagkit dahil sa candy. Sabi ko isa lang na candy ang gusto ko pero dalawang garapon ang ibinigay niya sa akin.

"Papa, sa atin lahat 'yon?" hinalagilap ko ang mga mata niya.

Tumingin siya sa mga mata ko bago binitang ang towel sa gilid ng mesa.

"Oo. Kakain ka na ngayon nang marami, ha?" wika niya. "Ito, uminom ka muna ng tubig. Masyadong marami ang nakain mong matamis."

Tinanggap ko ang isang basong tubig na inabot niya sa akin at ininom iyon habang nakatingin sa mga pagkain sa hapag. Nang maubos ko iyon ay inupo ako ni papa sa kaniyang hita.

Akmang dadampot ako ng french fries nang pigilin niya ang kamay ko at lagyan ng panyo sa leeg. Tiningnan ko iyon at nilingon si papa.

"Papa, gusto ko french fries," inabot ko ang braso niya.

Tahimik siyang kumuha ng french fries doon at inabot sa akin ang isang piraso. Nagsimula ko nang unti - untiin iyon at dahan - dahan dahil baka di na ako abutan ni papa mamaya kasi kakain na ng kanin.

Masarap, maalat pero masarap pa rin.

Ngayon lang ulit ako nakatikim nito. Tanda ko dati, sampong piso bili ko sa ganto tapos may cheese. Kapag may benta ako ng sampaguita ganito binibili ko.

"Ahhh . . ." binuka ko nang malaki ang bibig ko nang makita ang kutsara sa harapan ko. Tiningnan ko si papa, tila natigilan. Nanatiling nakabuka ang bibig ko habang nakatingin sa kaniya bago ko siya nakitang tumawa.

"B-bakit?" nilingon ko rin si Diego na tumatawa.

"Wala, ang cute lang," tawa ni Diego.

Nilingon ko si papa na ibinaba ang kutsara.

"Ang liit mo kasi para sa 'min," halakhak ni Diego. "Para kang baby, e. Ang liit mo."

Tiningnan ko ang palad ko. Maliit kumpara sa palad nila. Aakalain mong wala pa akong kamuwang muwang sa mundo dahil sa liit ko.

"Lalaki pa naman ako, 'di ba?" bulong ko habang nakatingin sa palad ko.

Naramdaman ko ang paghalik ni papa sa tuktok ng ulo ko.

"Oo, kaya kumain ka nang marami para lumaki ka," aniya at muling dinampot ang kutsara. "Say ahhh . . . "

Humagikgik ako at ngumanga. Si papa ang nagpakain sa akin hanggang sa matapos kami. Siya rin ang naghugas ng mga plato habang kalaro ko si Diego.

Masaya kalaro si Diego. Maingat din siya sa paghawak sa akin. Kahit hinahampas ko siya kapag natatalo ako sa paglalaro ay hindi siya nagagalit at bumabawi. Imbis, tinatawanan pa niya ako.

"Ito naman ang terris natin," sabi ni papa.

Iginagala nila akong dalawa sa mansyon na napakalaki't lawak.

Hawak hawak ni papa ang kamay ko habang naglalakad kami sa iba't - ibang sulok ng mansyon. Ang ibang bahagi ay walang kalaman - laman. Mukhang bago pa talaga ang mansyon na ito.

Nanatili kami sa teresa. Binuhat ako ni papa at halos malula na ako sa tanawin na nakita ko.

Tumuro siya sa kung saan.

Barangay Series #3 : Calius DashkovWhere stories live. Discover now