Kabanata 14

6.1K 411 40
                                    

"Dito si robot tapos si bear . . . Tapos si robot ulit na maliit."

Inayos ko lahat ng laruan na napili ko noong namimili kami ni papa. Lahat ng malalambot na laruan ay inilagay ko sa kama ko para katabi ko sila matulog.

Nilingon ko ang pintuan nang bumukas iyon. Kumunot ang noo ko nang makita sina Diego at papa na may dala dalang mga kahon.

Bumaba ako sa kama at pinanood silang ibaba iyon.

"Papa, laruan 'yan?" lumapit ako sa kahon. Balak ko sanang buksan kaso nakatape iyon.

"Mga libro at gamit sa pag aaral ang laman niyan," imik ni Diego.

Pinanood ko si papa na buksan ang kahon.

Libro at gamit sa pag aaral? Mag aaral na ba ulit ako? Pinanood ko si papa ilabas ang ilang libro at pangsulat doon. Hinawakan ko ang kahon ngunit marahang tinabig ni papa ang kamay ko't naglabas ng mga libro.

Napa-atras ako nang makita ko ang mga libro habang nakatitig doon. Ni hindi ko man lamang mabasa ang pabalat ng libro . . .

"Ito maganda ito," nagsimulang magbuklat si papa ng isang libro. "Coloring book with story ito."

"H-hindi naman ako maalam n'yan," wika ko.

Nilingon ni papa si Diego. Naramdaman ko ang paggulo ni Diego sa buhok ko bago umimik si papa.

"Tuturuan ka namin, anak. Magpapadala rin kami ng professional homeschool teacher para sa 'yo para kahit papaano ay may matutunan ka."

"Teacher?" tanong ko.

Huli kong rinig sa teacher ay kay Mingming ko pa iyon narinig. Ni hindi ko na nga alam kung ano nga ba talaga ang kaguluhan ng salitang teacher kaya halos wala akong maiimik.


"Teacher, guro," wika ni papa. "Yung nagtuturo sa eskwelahan. Yung . . . mga pangalawang ina ninyo sa paaralan. Sa school."

"School . . ." Unti unting nagliwanag ang mga mata ko. "Papasok ako sa school, papa?!"

"Hindi ka pa puwedeng pumasok sa paaralan, Amanda," buntong hininga niya at mahinang sabi. "Hindi ka pa handa para pumasok. Kailangan mo munang maturuan dito sa bahay para pagpasok mo ay nakakasabay ka na sa mga bata roon."

Lumunok ako habang pinapakinggan nang mabuti si papa. Ganoon ba . . . Mukhang kaya ko naman iyon. Kaya ko naman sigurong matuto dahil hindi puwedeng wala akong alam palagi. Dapat mayroon . . .

"Diego, na-contact mo nga ba pala si Lilith para maturuan si Amanda?"

Nilingon namin pareho ni papa si Diego.

"Ah, oo naman. Pumayag siya. Nagulat nga, eh. Akala niya matagal pa ang dating ni Amanda sa 'yo," tumawa siya. "Excited na siyang makita si Amanda. Sa lunes daw siya magsisimula."

Tumango si papa at marahan akong hinila palapit sa kaniya. Nang makalapit ay hinalikan ni papa ang pisngi ko bago ako nginitian.

"Huwebes pa lang ngayon. Hindi pa ako masyadong busy, kayang kaya kitang turuan habang wala pa si Teacher Lilith mo," wika niya. "Gusto mo ba 'yon? Si papa muna ang magtuturo sa 'yo?"

"Oo naman," kumunot ang noo ko. "Bakit hindi?"

Mahina siyang tawa. "Opo naman. Opo, Amanda. Lagi mo tatandaan ang paggamit ng po at opo, okay?"

Lumabi ako at tumango. Hindi ako sanay, nasanay ako na wala ang mga salitang iyon. Ni hindi ko man lamang alam kung paano gumalang kaya ganito na lamang ako.

Barangay Series #3 : Calius DashkovWhere stories live. Discover now