CHAPTER 1

2K 17 0
                                    

Chapter 1: Froyee’s introduction

FROYEE HANNABI’S POV

ANG sabi nila, ang buhay na ibinibigay sa atin ni Lord ay may kabuluhan at ang pagmamahal Niya sa atin ay pantay-pantay. Ngunit hindi ko Siya maintindihan.

Kung bakit ibinigay Niya sa akin ang lahat ng malas sa buhay ko ngayon. Hindi ko makita kung saan ang pantay-pantay na pagmamahal Niya kung marami naman ang nagdurusa at isa na ako sa mga taong iyon.

Minsan ay hindi na ako naniniwala na mayroon Siya. Nawawalan ako ng tiwala at isa lang ang naisip ko sa mga oras na iyon. Tayo lang ang makagagawa ng paraan upang makaalis sa kalungkutan, pasakit at pagdurusa na ito.

At tama naman talaga ako, pero nang minsan ay gusto kong takasan ang realidad, ang buhay ko na punong-puno ng sakit at kalungkutan ay sa kauna-unahang pagkakataon ay muli ko Siyang pinagkatiwalaan.

Tumakas ako kahit mahirap, tinawag ko Siya at bumulong sa hangin, piping nagdasal ako. Na sana pagbigyan naman Niya ako ngayon. Na sana ilayo Niya ako sa masalimuot na buhay na hindi ko inaasahan na mangyayari pa sa akin.

Bata pa lamang ako noong iniwan ako ng Mama ko. Nasa sampung taong gulang pa ako no’n at kamamatay lang din ng aking ama.

“Froyee?”

“Bakit po, Mama?” tanong ko at bigla niya akong pinaupo sa bench. Nasa bus terminal kami. Pasakay na kasi kami ngayon ng bus at hinihintay lang namin. Ang sabi niya ay aalis kami. Pupunta kami sa probinsya niya para magsimula ng bagong buhay roon.

“Nagugutom ka ba, anak?” malambing na tanong nito sa akin at tumango ako bilang tugon.

“Bibilhan kita at dito ka muna para hintayin ang bus. Babalik ako agad, ha? Bibili lang ako ng makakain mo. Basta huwag kang umalis dito, ha, anak?” Tumango ako at humikab pa.

“Opo, Mama. Dito lang po ako.”

Matagal pa akong naghintay hanggang sa may huminto na nga na bus at sumakay na ang lahat ng taong nakaupo sa tabi ko. Napalingon ako sa lugar na dinaanan ng Mama ko at hindi ko pa siya nakikita. Hindi pa rin siya bumabalik.

Muli akong napatingin sa bus dahil umandar na iyon at hindi na ako sigurado pa kung may bus pa ba kaming masasakyan ni Mama, maliban doon sa una. Yakap-yakap ko ang bagahe namin hanggang sa naisip ko na lamang na hanapin siya pero hindi ko na siya nakita pa.

Naiyak na ako sa takot at pakiramdam ko ay mahihilo na ako sa dami ng taong naglalakad pero nabigo akong hanapin ang aking ina.

Doon kami naghiwalay ni Mama at isa lang ang tumatak sa puso’t isip ko na sinadya akong iwanan ng Mama ko kaya siya umalis. Na kunwari ay bibilhan niya ako ng makakain pero hindi na niya ako binalikan pa.

Iyak nang iyak ako noong una hanggang sa dinala ako sa bahay-ampunan. Sa batang edad ko noon ay marami na akong natutuhan pagdating sa buhay.

Hinahanap ko pa rin ang Mama ko. Minsan ay lumabas ako para lang magtungo sa bus terminal. Naliligaw ako pero sa bahay-ampunan pa rin ang bagsak ko hanggang sa tinanggap ko na sa sarili ko na wala na akong mama na mag-aalaga pa sa akin at makakasama ko. Mag-isa na lamang ako sa buhay ko.

Pinangako ko noon na hinding-hindi ko na siya hahanapin pa at kalilimutan ko na rin siya. Dahil akala ko ay mahal niya ako kasi ako ang anak niya pero hindi. Iniwan pa rin niya ako pagkatapos mamatay ni Papa.

Masakit tanggapin pero nakaya ko ring pakawalan ang aking ina. Akala ko noon ay masuwerte na ako dahil lang sa may kumupkop sa akin na mag-asawa. Japanese ang lalaki, Pilipina naman ang babae.

Mabait sila sa umpisa, iyon ang ipinapakita nila sa punong madre para pagkatiwalaan sila na ampunin ako. Ngunit kalaunan ay inabuso pa rin nila ako. Ginawa nila akong kasambahay at ang masaklap pa ay pinagtrabaho nila ako sa bar. Ilegal iyon dahil nakikita ko na may nagbebenta ng droga. Hindi ko lang alam kung saan nila nakukuha.

The Billionaire's Private Stripper (Exclusive For Dreame/Yugto)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon