Kabanata 41

2.4M 55K 158K
                                    

[Kabanata 41]

Nagtataka akong napalingon sa buong paligid. Hindi ko alam kung bakit nandito ako sa tapat ng simbahan ng San Alfonso. At hindi ko rin maintindihan kung bakit walang ibang tao sa paligid kundi ako lang.

Mataas ang sikat ng araw ngayon dahilan para tumagaktak ang pawis ko, marahan namang umiihip ang hangin pero hindi iyon sapat para mapawi ang init na nararamdaman ko. Nagtataka rin akong napatingin sa lupa, ang daming mga patay na dahon ng narra ang nakakalat sa paligid ng simbahan.

Sinimulan ko ng humakbang papalapit sa pintuan ng simbahan pero sa bawat pagtapak ko sa lupa ay hindi ko naiiwasan ang mga patay na dahon na nagbibigay ng malutong na tunog sa tuwing natatapakan ko ang mga ito.

Hindi ko alam pero parang may nag-uudyok talaga sa'kin pumasok sa loob ng simbahan, napatigil ako sa tapat ng pinto ng simbahan at akmang kakatok na ako sa malaking pintuan nito na gawa sa kahoy, pero nagulat ako dahil kusa na itong bumukas ng dahan-dahan.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang babae na nakatayo sa tapat ng altar at nakatalikod sa akin, nakasuot siya ng kulay itim na damit pang-madre at may balabal na itim din ito na nakabalot sa kaniyang ulo.

Tatapak sana ako papasok sa simbahan pero nagulat ako nang biglang magsalita yung babaeng nakatalikod. "Bakit ka nandito? Hindi pa tapos ang iyong misyon" tugon niya. parang biglang nanlamig ang buong katawan ko nang marealize ko kung kaninong boses iyon... kay Madam Olivia.

"M-madam Olivia? I-ikaw ba-----" hindi ko na natapos yung sasabihin ko kasi dahan-dahan siyang lumingon sa akin. Hindi nga ako nagkamali si Madam Olivia nga ang babaeng nasa harap ko ngayon.

Papasok na sana ako sa loob ng simbahan at tatakbo papunta sa kaniya pero agad niyang tinaas ang kamay niya bilang senyales na huminto ako at wag lalapit sa kaniya. Hindi ko alam pero sa mga sandaling iyon parang may kakaiba akong nararamdaman.

"Bakit hinayaan mong mangyari sa iyo ang nangyari kay Carmelita?" seryoso niyang tanong dahilan para mas lalo akong kabahan. Nagdulot din ng kilabot sa akin ang pag-echo ng boses ni madam Olivia sa loob ng simbahan. Hindi ba siya masaya na makita ako?

Hindi naman ako nakapagsalita, hindi ko alam kung anong sasabihin ko. "Wala kang pinagkaiba sa kaniya, pareho kayong duwag at takot harapin ang problema" patuloy niya pa, napansin ko na parang may luhang namumuo sa kaniyang mga mata at dahilan para mas lalong bumigat ang kalooban ko. katulad ni Carmelita tinapos ko na din ang buhay ko para hindi na ako masaktan pa.

"S-sorry po... h-hindi ko na kasi alam ang gagawin ko, p-pagod na pagod na po ako" sagot ko, hindi na ako ngayon makatingin ng diretso sa mga mata niya at hindi na rin maawat ang pagpatak ng mga luha ko. alam kong masama ang loob ngayon ni madam Olivia dahil nauwi lang sa wala ang lahat ng sinakripisyo niya.

"Carmela, minsan hindi lahat ng sagot ay tama, may pagkakataong lilituhin tayo ng kapalaran pero hindi ibig sabihin nito ay habambuhay mapagtatakpan ang katotohanan" tugon pa ni madam Olivia at dahil dun napatigil ako sa pag-iyak at napatingin ng diretso sa kaniya. Medyo malayo kami sa isa't-isa dahil nasa tapat lang ako ng pinto ng simbahan habang nasa dulo naman siya, sa tapat ng altar.

"A-ano pong ibig niyong sabihin?" iyon na lang ang tanging mga salitang lumabas sa bibig ko, hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.

"Hindi pa tapos ang iyong misyon... nasa mundo pa ng mga buhay ang taong nasa likod ng pagkamatay ni Juanito, hindi siya titigil hangga't hindi niya napapatay si Juanito, kailangan mong bumalik doon para iligtas ang mahal mo" paliwanag pa ni madam Olivia at dahil dun biglang nanlaki ang mga mata ko.

"B-buhay pa si Juanito?" gulat kong tanong, hindi naman umimik si madam Olivia at tinitigan niya lang ako. sobrang lakas na ngayon ng kabog ng dibdib ko.

I Love You since 1892 (Published by ABS-CBN Books)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon