5. Hero and Heroine

2.1K 45 0
                                    

"ANO'NG GUSTO mo, Sophie? Moccha Frappe or Cafe Latte?" tanong kay Sophia ni Alejandro nang makaupo siya sa couch na pandalawahan.

Tinawag pa naman siya nitong Sophie. Dati ay naiinis siya kapag tinatawag siya sa ganoong palayaw pero ngayon gusto na niya ang palayaw na iyon dahil dito.

Tulad ng plano nila kahapon ay nasa Starbucks sila ngayon sa Bonifacio High Street upang pag-usapan ang presentation nila sa susunod na weekend.

"Java Chip, please. Thank you," sagot niya at pilit na ngumiti.

"Okay, wait here," sagot nito at lumapit sa counter.

Habang hinihintay niya itong um-order ay inilabas niya ang kanyang tablet at pahapyaw na binasa ang chapter na isinulat niya noong nakaraang gabi. In fairness to Alejandro, dahil sa ginawa nito sa kanya kahapon ay umusad kahit paano ang sinusulat niyang nobela.

Ilang sandali pa ay bumalik na ito at umupo sa tapat niya. "While waiting for our orders, magpapa-autograph ako sa'yo ha?" nakangiting sambit nito.

Binuksan nito ang dalang backpack at inilabas doon ang tatlong libro na isinulat niya. "I told you, fan mo ako," dugtong pa nito.

Hindi niya mapigilang mahawa sa ngiti nito. Nakakatuwang isipin na sa lalaki nitong anyo ay nagbabasa ito ng pocketbook at tagalog pa man din. Mukhang hindi bagay sa anyo nito na nagbabasa ng kwentong romansa. Suspense thriller pa siguro, babagay dito. Iyong tipong mga akda nina Jack Higgins, Tom Clancy at Robert Ludlum.

"O, bakit ka tumatawa? Mukha na ba akong mascot?"

"Nagbabasa ka talaga niyan?" hindi makapaniwalang tanong niya.

"Yup. Pinag-aaralan ko kasi kung paano sinusulat ang romance. Horror kasi ang nakasanayan ko kaya medyo nahihirapan akong mag-switch ng genre," sagot nito.

Naiiling na kinuha niya mula rito ang dala nitong mga libro. Pati ballpen ay hinanda na nito. "Ano ba ang isusulat ko?"

"Kahit ano. Basta iyong mahaba ha? Iyong hindi nakakabagot basahin."

"Demanding ka ha?" pagbibiro niya bago niyuko ang mga librong pinapasulatan nito. Tahimik lang siya nitong pinanood. "There. All done," aniya pagkatapos. Sakto namang dumating na ang in-order nilang kape.

Nakangiting sumimsim siya ng kape mula sa plastic cup na may logo ng Starbucks. Pinanood nia si Alejandro habang itinago nito ang mga librong pinirmahan niya. Inilabas din nito ang dala nitong laptop.

"May naisip ka na bang plot tungkol sa assignment natin?" tanong niya.

Bumakas ang pagkagulat sa anyo nito. "Hindi ba dapat ako ang magtatanong niyan? Sa ating dalawa, ikaw ang mas may karanasan sa pagsusulat ng romance novel."

"Hindi naman ibig sabihin niyon magaling na ako. Nahihirapan din akong bumuo ng magandang kwento. Inaakala mo lang na madali. At gusto kong marinig ang opinyon mo. Blangko kasi ang utak ko ngayon. Parang ayaw gumana," sagot niya.

Ilang sandali siya nitong pinagmasdan bago bumalik ang tingin nito sa screen ng laptop nito. "Actually, may naisip akong plot base sa mga lessons natin. We would base it on actual experience para hindi mahirap," pagkuwan ay sambit nito.

Bumilis ang tibok ng puso niya.

"Actual experience?"

Tumango ito. "Parang ganito lang din ang eksena. I'm the hero and you're the heroine. Unang nagkita ang dalawa sa isang Romance Writing Workshop ng isang sikat na publishing company ng bansa. Magkaiba ang kanilang background, just like us. Iba-iba ang dahilan nila kung bakit nais nilang magsulat ng kwentong romansa. Magkaiba ang problemang hinaharap nila araw-araw. But love would bring them together," sabi nito.

Mr Answered Prayer [LIFEBOOKS]Where stories live. Discover now